Kung-Fu at Jolens

Hindi ako basagulero. Hindi ako palahanap ng away. Lumaki ako sa isang mapayapang tahanan.

Pero kung tatawagin ang kalye na aking kinalakihan na tahimik, eh ibang usapan na iyon. Aking naalala na paminsan-minsan ay may naghahagaran na mga lasing malapit sa aming bahay. Lalo na duon sa kabilang dulo ng aming kalye, ay may mga tambay na halang ang mga bituka. Payo nga ng aking nanay, ay huwag kaming dadaan duon kapag gabi na.

Ako ay walong taong gulang nuon, at nasa ikalawang grado ng elementarya. Bago akong salta sa aking bagong paaralan sa Pasay. Ang aking paboritong laro ay jolens. Palagi akong nakatalungko o nakaluhod sa lupa, parang kutong-lupa, sa paglalaro ng jolen.

Isang araw, ako’y matahimik na naglalaro, nang may isang batang nang-gugulo. Kahit hindi naman siya kasali ay tinitira niya ang aking jolen. Sa aking inis ay ibinalibag ko ang kanyang jolen sa pader at ito’y nabasag. Nauwi sa tulakan, at natuloy sa suntukan. May dugong Pacquiao pala ako. Buti na lang at inawat kami ng mga nakatatandang bata, at kung hindi ay baka mukha ko na ang susunod na mabasag at hindi jolen.

Hindi ko na masyadong matandaan ang mga sumunod na pangyayari, ngunit sigurado akong napagalitan ako ng aming guro, at ng aking mga magulang. Mula nuon ay wala ng gumugulo sa akin. Hindi dahil sa natakot sila sa aking kamao, kundi iniwasan ko na rin talaga ang makipag-away sa takot kong masinturon ng aking tatay.

Nakatulong din na naging kabarkada ko ang mag-pinsan na mga Casi. Kagaya ko ay bagong salta rin sila sa eskwelahang iyon. Isa sa mag-pinsan ay may pitong nakatatandang kuya. Kaya pagkasama ko sila, pakiramdam ko ay ligtas ako. Palagi ako sa kanilang bahay kumakain ng tanghalian. Bitbit ko ang aking baon at kami ay naglalakad sa masalimuot na mga eskinita ng Leveriza, na parang mga butiking Pasay. Kung alam lang ng aking nanay nuon kung saan ako nagsususuot ay baka ito himatayin.

Mayroon ding isang nakatatandang kaibigan ang nag-payo sa akin kung ano ang dapat kong gawin kung sakaling ako’y mapaaway muli. Sabi niya: una, ay hubarin ang aking tsinelas; tapos ay tumayo ng makisig; i-porma ang mga kamay na parang Kung-Fu; biglang sungkitin at bitbitin ang mga tsinelas ng iyong “Kung-Fu hands”, at sabayan ng karipas ng takbong palayo. Buti naman at hindi ko nagamit ang aking natutunang Kung-Fu.

kung fu hand

Lumipas ang mga taon, ay napatunayan ko naman sa aking mga kaklase at mga guro na ako’y tunay na mapayapa at hindi barumbadong bata. Kaya nuong kami ay grade 6 na, at gra-graduate na ng elementarya, ay napili pa ako ng aking klase na maging Presidente. Naging honor student rin ako ng aming paaralan nuong graduation na. Malayo-layo rin ang aking narating, mula sa isang batang paslit na nakipag-suntukan dahilan lang sa jolens.

Marami pang taon ang lumipas, nang ako ay napadpad na sa Amerika, ako ay bumisita sa California. Dito ay nakita ko ang ilan sa aking mga dating naging kaklase. At parang pinagkatuwaan ng tadhana, ay muli kong nakita ang aking nakaaway nuong ako’y nasa grade 2 pa. Tulad ko, siya rin ay lumaking kagalang-galang at kapaki-pakinabang na mamayan ng lipunan. Nang akin siyang tanungin kung naaalala pa niya ang aming suntukan, ay ngumiti lang ito, at nagsabi na wala na siyang matandaan.

Alam kong gaya ko, ay maraming mga batang walang pang muwang sa mundo ang napapaaway, nagkakamali, at nagdudulot ng sakit ng ulo. Huwag naman sana natin silang husgahan sa kanilang kamusmusan, kundi ay gabayan natin sila sa tamang daan. Sinong makapagsasabi, maaring ang batang pasaway ngayon, ay ang magliligtas na ating buhay bukas.

Kamusta kaya ang aking anak? Turuan ko na kaya ng aking Kung-Fu.

4 thoughts on “Kung-Fu at Jolens

  1. Magandang ideya yan na turuan mo si Avery ng “Kung -Fu hands”.
    Dahil sa lakas ng suntok mo, nalimutan ng bata na nakipag-suntukan pala s’ya sa iyo. Wow.

  2. Nakipag-away ka sa Jolen, ako naman ay nakipag piralan ng tainga dahil sa bayabas.Nangyari ito nung kami ay mga bata pa. Nakakita kami ni Elisha ( one of my bestfriends ) ng puno ng bayabas at ito ay may isa, nag-iisang bunga na hinog na.Sabi nya sya daw ang unang nakakita kaya kanya yun. Ipinaglalaban ko naman na ako ang unang nakakita. Instead na maghati kami sa bayabas ay nagpiralan na lang kami ng tainga.Ilang araw kong dinamdam ang sakit at hapdi ng aking namamagang tainga!
    You’re absolutely right, huwag huhusgahan ang mga bata.Lumaki naman kaming mabubuting matanda ( aray, bata pa ako no ! ).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s