Nuong ako ay nasa Pilipinas pa, ay may mga bagay na tinuturing kong “bakya”. Pero kahit pala “bakya”, ay mami-miss mo rin. O marahil, ay nag-iba na lang ang aking pananaw. O kaya nama’y, ako’y naging bakya na rin.
Naalala ko yung isang co-resident ko na Pinay, sa New York. Siya ay sosyal (hindi pa-sosyal, kundi talagang burgis!). Ang tipo ba niya ay sobrang sosyal na hindi pahuhuling buhay na nakikinig sa mga kanta ni Sharon Cuneta. Ngunit nang mag-concert si Sharon Cuneta sa New Jersey, ay inamin niyang nagpunta siya, kasama ng kanyang mga kaibigan sa concert ni Sharon. At duon, isa na siya, sa nagtititili kay Sharon!
Hindi man ako fan ni Sharon, ay inaamin ko na pag-napapakinggan ko ang mga awit niya, ay hindi ko mapigil na sumabay. Nagugulat nga ako’t saulado ko pa pala yung mga lyrics ng kanta niya. Ganoon din sa mga kanta ni Rey Valera. Kahit siguro kay Imelda Papin pa! Hindi ko sinasabing mga bakya ang mga nakikinig sa kanila. Hindi lang din ako pahuhuling buhay na makikinig sa kanila nuon. Pero iba na ngayon.
Sa gamit naman, ay gusto ko nuon ay “stateside”. Ibig ko ay may tatak na “Made in USA”. Bakit ba ang hilig natin sa imported? Feeling natin gagalisin tayo kapag hindi imported ang suot natin! Pero ngayon, mas gusto ko pa ang mga damit at gamit na galing sa ating bansa. Baliktad na yata talaga ang aking mundo. O marahil ngayon lang namulat ang aking mga mata, na ang sariling atin ay maipapantay sa mga gawang imported.
Malalaki na rin ang mga malls sa atin ngayon. Minsan ay mas maganda pa ito kaysa sa ibang malls dito sa Amerika. Ngunit kapag kami ay umuuwi sa Pilipinas, ay hindi papayag ang aking misis na hindi bisitahin ang Divisoria. Sinong maysabing bakya ang Divisoria? Nanduon ang mga tunay na bilihing pinoy. Kahit pa makipagsiksikan at balyahan, makapamili lang sa Divisoria.
Hindi ako bakya. Pinoy lamang talaga ako.