Insomya

Noong isang gabi, ang aking pagkakahimbing ay binulahaw ng isang tawag mula sa ospital. Nasa kabilang linya ay ang aking residente. Binigyan ko ng habilin at direksiyon ang batang duktor na tumawag. Salamat naman at hindi ko kailangang lisanin ang aking komportableng kama at bumalik muli sa ospital.

Matapos kong tugunan ang aking tungkulin at maibaba na ang telepono, ay hindi na ako muli dalawin ng antok. Alas dos y medya ng madaling araw. Ngunit isipan ko’y gising na gising na.

Nagsimulang magliwaliw ang aking diwa sa mga panahong pinakupas na ng panahon. Napadpad ang aking alaala sa isang dilag na minsan ay gumapos sa aking puso nuong ako’y bata-bata pa. Kamusta na kaya siya? Saan na kaya siya? Bakit kasi sobrang torpe ko noon. Hindi man lang niya nalaman na ako sa kanya ay may pagtingin.

Nabaling naman ang aking isipan sa isa pang dalagang pumukaw din sa aking damdamin. Halos dalawang taon ko rin itong linigawan at sinuyo. Akala ko ay kami na. Hindi pa rin pala. Pinaglaruan lang niya ang aking pagsintang pururot. Bakit ba ako nagpakagago ng husto?

Napalipad din ang aking alaala sa aking mga kabarkada noon. Lalo na sa isa kong kaibigan na naging kasangga at kadamay ko sa maraming pagkakataon. Magkasama kami sa kasiyahan, at sa kalungkutan, sa matatalinong bagay, at pati sa kalokohan. Dahil sa aming musmos na kahangalan, muntik na kaming hindi maka-graduate. Salamat na lang at ang buhay ay mayroong “second-chance.” Matagal-tagal ko na ring hindi siya nakakausap. Kamusta na kaya siya ngayon?

Namasyal pa kung saan saan ang aking ulirat, hanggang sa ito ay maligaw sa isang madilim na sulok ng aking alaala. Isang masalimuot na karanasan na pilit ko nang isinusuksok sa limot. Mga agiw sa dingding ng nakalipas na ayaw ko nang balikan. Ngunit hanggang sa ngayo’y masaling lang sa isipan ay may hapdi pa ring nararanasan…..

Mga ilang taon lamang matapos na pumanaw ang aking ama noon, ay muling dumanas ang aking pamilya ng isa pang hagupit ng bagyo ng buhay. Ang mabangong pangalan ay nabahiran. Reputasyon ay nayurakan. Naging hikahos kami sa yaman at dangal. Sa mga pagkakataong ito namin naranasan ang mahigpit na kagipitan.  Nalibing sa utang ang aming bukas. Pati aming tahanan ay tinangay ng dilubyo ng pangangailangan.

Ngunit sa mga panahon na kami ay dumaraan sa unos na iyon, ay kung saan nagpasya at nagtalaga sa sarili, na muli kaming tatayo sa pagkakalugmo. Muling itataguyod ang nabuwal na dangal. At muling tutubusin ang nasanlang kinabukasan. Kung tutuusin, ang pagsubok na iyon ang nagtulak sa akin na maglayag sa ibayong dalampasigan. Ito rin maari ang dahilan kung saan ako nakarating ngayon. Siguro’y pinaranas lang ako ng paglilitis sa apoy, upang mapadalisay ang aking determinasyon, at lalo kong pahalagahan ang ganda ng buhay.

Lahat ng bagyo ay lumilipas din. Nasa sa atin kung tayo’y mananatiling salanta, o tayo ay babangon na mas matayog at matatag.

Iminulat ko ang aking mga mata. Nababanaag na ang liwanag galing sa bintana.

Umaga na pala.

6 thoughts on “Insomya

  1. This made me remember Fernado Ortega’s song titled “Storm”

    Sometimes it takes a storm
    To really know the light
    The scent of rain, the weight of clouds
    Pulling down the sky
    Sometimes it takes a storm
    To know how you feel
    To understand indigo
    And the varnished sun
    Lighting up the fields

    It takes the rain between the lines
    To know what sorrow finds
    The way a cloud divides sometimes
    The clearing and the blue…….

    And also Talagang ganoon yata ang buhay doc, meron kang gusto na di ka naman niya gusto. In fact one of your pretty and talented high school classmate eh may crush sayo, pero siguro di mo din alam na may pagtingin pala siya sayo. The best thing is to remember in our mind what the holy writ said that “if a man found a wife she is from the Lord”. 🙂

    • Just like the song “Blessings” says: “what if trials of this life, the rain, the storms, the hardest nights, are you blessings in disguise?”

      And as for finding a wife, definitely from the Lord. By they way, I don’t know if you know my wife, she has a brother who is a Pastor, and their last name means “storm” in our language. So “storm” can really be a blessing. 🙂

  2. Buti na lang at torpe ka noon araw, dahil kung hindi ay hindi mo sana inabot si misis na mahusay palang magluto ng puto 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s