Bakit Wala Ng Bayang Magiliw

pinoytransplant's avatarPosted by

(Ang artikulong ito ay rated PG-13. Pero hindi po ito propagandang pulitikal at lalong hindi po ito subersibong materyal.)

Nangangalabit si misis at nagpaparamdam na siya ay nilalamig. Pero dedma lang si mister dahil tulad siya ng lumang kanta, “wala nang maibubuga, wala na ‘kong maramdaman.” Sa ibang salita, hindi na nagbabayang magiliw ang kanyang kabalyero.

Ang masaklap na katotohanan na ito ay kinakaharap ng milyon-milyong kalalakihan, lalo na kung may edad na. Sangayon sa isang survey noong 2023, 10.4% ng lalaking Pilipino ay apektado nito. Kung ikaw o kaya naman ang iyong ka-partner ay kasama rito, baka makatulong po ang artikulong ito.

Ang medical term sa problemang ito ay erectile dysfunction (ED). Ano po ba ang dahilan ng ED?

Una, tayo muna ay mag-aral ng anatomy at physiology. Ang ari ng lalaki ay tumitindig, kung ang mga corpus cavernosa, dalawang pawang haligi na tumatakbo sa kahabaan nito, ay napupuno ng dugo na parang dam.

Kaya hindi po muscle na gaya ng biceps sa braso, na maaring palakihin sa pamamagitan ng ehersisyo, at lalo namang hindi buto (bone) at litid (tendon), ang nagpapatayo sa pagkalalaki. Agos po ng dugo ang kailangan ng mandirigma. Kaya kahit na may alab ng puso sa dibdib, kung walang dugong aagos at mananalaytay doon sa kaharian sa timog, wala itong buhay.

May mga iba’t ibang klase o tipo ng erectile dysfunction (ED):

1. Vascular ED.

Dito sa klaseng ito, ang may diperensiya ay ang mga blood vessels na nagsu-supply ng dugo sa ari ng lalaki. Kalimitan ay kumikipot ang daanan o tuluyan nang barado ang mga blood vessels, kundisyon na tinatawag na atherosclerosis. Cholesterol plaques ang sanhi ng pagbabara. Sa katunayan, isa sa mga sinyales na maaaring may coronary artery disease ang isang lalaki, ay kung hindi na nagagalit si Manoy. Dahil kung may bara sa blood supply sa ari, ay malamang may bara din sa blood supply sa puso.

Ang klaseng ito and pinakamalimit na sanhi ng ED.

2. Neurogenic ED.

Dito naman ang diperensiya ay ang nerve connections kaya hindi nakakarating ang signal mula sa utak o spinal cord patungo kay Pedro, kaya hindi na ito tumutugon sa tawag ng tanghalan. Maaring ang dahilan ay trauma sa spinal cord, o naapektuhan ang nervous system dulot ng surgery o radiation therapy, o kaya ay na-stroke. Mga iba pang neurologic conditions tulad ng spinal stenosis at multiple sclerosis ay maari ring dahilan.

3. Hormonal ED.

Ang sanhi naman sa klaseng ito ay hormonal imbalance o kaya ay kulang sa partikular na hormone, tulad ng testosterone deficiency. Isa rin maaring problema ay kung may sakit sa thyroid.

4. Psychogenic ED.

Dito ang dahilan ay kondisyong psychological. Stress at anxiety ang maaring pagmulan nito. Kaya kung maraming problema at iniisip, o kaya’y laging nababalisa, naapektuhan din ang husay at pagganap ng showman.

**********

Ngayong alam na natin ang iba’t ibang klase ng ED, paano ba maiiwasan o malulunasan ang ED? Heto po ang mga praktikal na paraan na aking maipapayo bilang isang duktor:

1. Eat a healthy diet. Iwasan ang mga pagkaing maraming taba o ma-cholesterol. Ito ay nakakapagbara ng mga blood vessels. Gusto mo bang kumain lagi ng lechon at crispy pata, pero ang iyong sandata ay parang lantang gulay? Piliing kumain ng sariwang gulay, para ang iyong sandata ay “crispy” at lumalaban.

2. Maintain a healthy weight. Kung ikaw ay may beer belly, love handles, o kaya ay man-boobs, sinyales ito na kailangan mong mag-reduce ng timbang at magpaka-sexy. Alam mo ba na ang mga fat cells ay maaring i-convert ang testosterone (male hormone) sa estrogen (female hormone)? Totoo, isang dahilan ng mababang testosterone ay dahil sa sobrang taba o pagiging overweight.

3. Exercise regularly. Gumaganda ang daloy ng dugo sa boong katawan kapag ikaw ay regular na nage-exercise. Daig pa ang mga ghost flood projects sa Pilipinas ng exercise, dahil babaha uli ang daloy ng dugo sa iyong kaharian.

4. Stop smoking and avoid too much alcohol. Sa totoo lang, ang pag-inom ng alak at paninigarilyo, na akala natin ay nagpapa-macho sa atin, subalit kabaligtaran ang epekto nito. Macho ba ang lalaki kung ang kandila niya ay upos na o lantutay na? Ang “inumin ng tunay na lalaki” (slogan ng alak) sa katotohanan ay nagpapabawas ng pagkalalaki.

5. Get enough sleep. Mahalaga ang tulog sa ating kalusugan, pati na sa kalusugan ng ating hinete. Kung palagi kang puyat at kulang sa tulog, hindi lang ikaw ang inaantok, kundi pati ang iyong hinete ay aantok-antok din. Matulog ng 7-8 na oras kada-gabi.

6. Manage your stress and anxiety. Matutong mag-relax at huwag laging nababalisa. Huwag ka din masyadong buwisit sa buhay. Paano pa magagalit ang iyong manok, kung ikaw ay parati nang galit sa mundo? Kaya cool ka lang, kahit pa marami kang problema at utang.

7. Get a good control of your hypertension, diabetes, and high cholesterol. Kung ikaw ay may diagnosis ng mga sakit na ito, mahalaga po na masupil ang mga kalagayang ito. Ang lahat ng mga kundisyong ito ay naapektuhan ang ating mga blood vessels at maaring mapabilis ang kanilang pagbabara. Kaya sumunod sa payo ng iyong duktor at inumin ang mga gamot na sa iyo ay inireseta.

8. Check your medications for side effects. Mayroong mga gamot na maaring magsanhi ng ED. Mga uri ng gamot sa altapresyon tulad ng beta-blockers, o gamot para sa depression, tulad ng mga SSRI’s, at hormone therapy na ginagamit para sa prostate cancer. Ipaalam sa iyong duktor kung ikaw ay nakakaranas ng side effect na ito.

Pero alam n’yo bang may ibang magandang “side effects” din? Noong dini-develop pa lang ang gamot na sildenafil noong 1980-90’s, ito ay pinag-aaralan para maging gamot sa puso. Ang epekto nito ay mag-dilate ng blood vessels. Akalain n’yo bang nagpaagos din ito ng dugo at gumising sa sundalong bantay sa ilalim ng baywang? Kaya isinilang ang gamot na Bayagra, este Viagra.

9. Have your testosterone level checked. Kung hindi naglalabas ang iyong katawan ng sapat na testosterone, kondisyon na tinatawag na male hypogonadism, isa ito sa sanhi ng “pagkatuyo ng damdamin” sa mga kalalakihan. Ipasuri mo ito.

10. Don’t be afraid to consult your doctor. Huwag mahiya na aminin na may problema ka. Hindi lang para sa iyong benepisyo, kundi para na rin sa benepisyo ng iyong ka-partner na kinukulang na sa dilig. Paano ka matutulungan kung hindi ka naman humihingi ng tulong? Kaya magkonsulta na sa iyong duktor.

Hanggang dito na lang po, at sana’y kahit papaano ay nakapaghatid ako ng konting liwanag sa mapanglaw na gabi ng mga kalalakihan.

***********

(*anatomy diagram was taken from the web)

4 comments

Leave a Reply