Naalala ko pa ng ako’y lumalaki sa isang sulok ng Manila, isa sa aking paboritong panghimagas na pamatid sa init ay mais con yelo. Mga butil ng mais (kahit galing lang sa lata), dadagdagan ng bagong kaskas na yelo, tapos bubuhusan ng gatas na evaporada, at aking namang pupunuan ng sampung kutsarang asukal. Hmmm…sarap.
Ngayong, ako’y napadpad na sa Amerika, sa isang lupalop ng Iowa, ay kakaibang mais con yelo naman ang pumalibot sa akin. Mais at yelo (snow). Marami niyan dito sa Iowa.
Milya-milya ng lupa dito ay taniman ng mais. Iowa is the number one producer of corn in the US. Halos pagbatuhan lang ang mais dito sa Iowa. Sa katunayan may isa akong playground na napuntahan, na sa halip buhangin ang linagay sa sandbox, butil ng mais ang ipinuno dito. Malaking bahagi ng inaaning mais ay hindi para kainin ng tao ngunit para lang ipakain sa mga baka at baboy.
At pagdating naman ng winter, ay magsasawa ka sa kakapala at hukay ng snow. Oo nga’t magandang tignan pag puti na lahat ang kapaligiran dahil sa snow. Huwag ka lang lalabas ng bahay at manginginig ang boong kalamnan mo sa lamig kahit balot na balot ka na, na para ka nang Michelin man. Pati tulo ng sipon mo magiging ice. Sang tambak ang yelo, pero hindi siguro mabebenta ang halo-halo o mais con yelo dito.
Mais at yelo, kulang na lang gatas at asukal. Teka, dahil marami ring bakahan, pwede mo na lang gatasan yung mga baka doon sa parang. Asukal? Bili ka na lang ng kalahating kilo sa tindahan ni Aling Poleng.