Miss ko na ang sampaloc.
Hindi ‘yung kinakain na maasim, kundi ‘yung lugar na aking pinaglakihan – Sampaloc, Manila. Nami-miss ko na yung ingay ng mga batang nagsisigawan habang sila’y naglalaro ng tumbang preso at patintero. Miss ko na ang amoy ng usok ng tricycle na humaharurot sa harap ng aming bahay. Miss ko na ang halimuyak ng bagong lutong pandesal galing sa tindahan duon sa kanto kapag umaga.
Nami-miss ko rin kahit paano ‘yung kantahan ng mga nag-iinuman dun sa harap ng tindahan ni Aling Poleng sa gabi, at ang paminsan-minsang hiyawan at hagaran pag sila’y lasing at nagkapikunan na. Nami-miss ko na yung basketball court dun sa tabi ng aming bahay (kahit ito’y gawa lang sa tira-tirang tabla at binaluktot na bakal), kung saan maraming hapon ay nagkapigtas-pigtas ang tsinelas kong spartan sa paglalaro duon.
Miss ko na talaga ang makipot naming kalsada kung saan minsan isang panahon ay isa ako sa nakatambay duon.
Iba na ang mundong aking ginagalawan ngayon dito sa Iowa. Puro maisan at bukiran na ang nakapaligid sa akin. Nakabibingi ang katahimikan. Pero paminsan minsa’y makakarinig ako ng ngawa na mga baka galing sa tabing parang. Kung minsan ay may umaatungal na batang nadapa sa pagbibisikleta sa aming kalsada (anak ko pala yun).
Maaamoy mo rin paminsan-minsan ang ‘di maikakailang samyo galing sa hindi kalayuang rancho ng kabayo (kapag tama ang ihip ng hangin). Sa gabi naman ay binabasag ang katahimikan ng mga umaawit na cicada at nakabubulabog na tawag ng kuwago. Nagtre-trespassing naman paminsan-minsan sa aking bakuran ang mga deer at racoon, at ginagawang tambayan ng mga ibong ligaw ang puno sa harap ng aking bahay.
Kung kasing simple lang na gaya ng isang sakay ng jeepney ang pagbalik sa Sampaloc, ay dadalawin ko ito kahit araw-araw. Sa ngayon, ay pinagtitiyagaan ko na lang ang sampaloc na kendi na nabili ko sa Asian store dito.
One comment