“Dapat ka bang mangibang bayan? Dito ba’y wala kang paglagyan?…..Bakit pa iiwan ang lupang tinubuan, dito ka natuto ng iyong kalokohan.” Ito’y kanta ni Florante na aking natatandaan mula nuong ako’y bata pa. Wala pa sa isip ko nuon kung ano ang saysay ng “mangibang bayan”. Basta kasya yung baon ko pang-Burger Machine at may tira pa akong barya pang laro ng “game and watch” ay masaya na ako.
Ngunit ng ako’y lumaki na, hindi na lang baon ko ang problema ko kundi pangbaon na rin ng aking pamilya. Kaya nag-iba na rin ang aking pananaw. Hindi ko sinunod ang payo sa awit ni Florante. At magalit man si Rizal at si Bonifacio sa akin, ay para sa kapakanan ng aking mga anak at ng kanilang magiging anak, kung bakit ko piniling manirahan sa ibang bayan.
Bagama’t ako’y nasa ibang bansa na ay hindi ko naman tinalikuran ang pagiging Pilipino. Ipinagmamalaki ko pa rin na “ako’y isang pinoy, sa puso’t diwa” (kanta rin yan ni Florante). Hindi ko rin ikinahihiya na ang ilong ko ay pango. Nananalaytay pa rin sa aking mga ugat ang maharlikang dugo ng ating mga ninuno. Nag-aalab pa rin sa aking puso ang kagitingan ng ating mga bayani. Pagka’t ako ay Pilipino!……. hanggang makuha ko ang aking green card (tapos nun, blue eyes na ako).
(Pahabol)
Mayroon namang payo si Florante na aking sinunod: “At kung ikaw ay mag-aasawa, ang kunin mo ay Pilipina; pagka’t magaganda ang mga pinay”.
Amen!!!
Korek ka jan! Best advice you ever followed! :))