Dalawampung Taon na Dayuhan

Posted by

Dalawampung taon. Iyan ang tagal na ako’y naninirahan sa labas ng ating bansa. Mahaba-habang panahon na pala ang lumipas, ngunit parang kahapon lang nang aking lisanin ang Plipinas. Saan nga ba naglipana ang panahon?

Noong ako’y tumulak palabas ng bansa ay 28 pesos ang isang dolyar. Mabango ang pangalan ni Erap sa politika. Nasa senado si Enrile. Kalalayas lang ng mga base militar ng Amerika sa Subic. Sikat si Gary Valenciano. Sobrang traffic sa EDSA. At maraming Pilipino ang naghahangad na magtrabaho sa ibang bansa.

Pagkaraan ng dalawang dekada……42 pesos na ang isang dolyar. Mabango na ulit ang pangalan ni Erap. Nasa senado pa rin si Enrile. Pinaplanong ibalik ng Amerika ang kanilang base militar sa Subic. Sikat pa si Gary Valenciano. Sobrang traffic sa EDSA. At hangad pa rin ng mga Pilipinong lumabas ng bansa. May pinagbago ba?

Pero para patas, ganoon din dito sa Amerika. Noong ako’y dumating sa bansang ito, katatapos lang lusubin ng Amerika ang Iraq (Operation Desert Storm). Si Clinton (Bill) ang Presidente. Hindi magkasundo ang Amerika at Russia. Sikat na sikat si Tom Cruise. At mahal ang gasolina.

Matapos ang 20 taon……kaalis lang muli ng mga Amerikanong militar sa Iraq. Marahil si Clinton (Hillary) ang susunod na Presidente. Hindi uli magkasundo ang Amerika at Russia. Sikat pa rin si Tom Cruise. At mas mahal pa ang gasolina. May pinagbago ba?

Bago pa ako sumadsad sa lupang ito, sabi nila ang Amerika ay bansa na kung saan umaapaw ang gatas at pulot. Lupa raw ito na mas luntian ang damo kaysa sa ibang bakuran, lalo na kung ikukumpara sa aking pinanggalingan. Ang pera raw dito ay madaling makuha, dahil sinusungkit lang sa mga puno.

Hindi ko ipagkakaila na may katotohanan ang iba. Ngunit ang pera ay hindi pinipitas sa puno at hindi rin ito pinupulot lang sa lupa. Pinupuhunan ang dugo at pawis sa bawat dolyar na kinikita. Ang kagandahan nga lang dito ay kapag kumahig, halos siguradong may matutuka. Hindi tulad sa ating bansa, minsan kahit kahig ka na nang kahig, wala pa ring matuka.

Hindi naging madali ang tinunton kong landas sa aking paninirahan dito sa Amerika. Dinaanan ko ang mga iba’t ibang letra ng US visa* – nagsimula sa B, tumalon sa J, napalitan ng O, at ngayon ay naging H. Kung may X visa, siguro inaplayan ko rin iyon.

o-US-VISA-PASSPORT-facebook
photo from the internet

Sa kabila nito ay mas maigi pa rin ang aking naging kalagayan kaysa sa mga daan-daang mga kababayan natin na napadpad dito ngunit sila’y nananatiling nagtatago sa dilim ng walang kasiguraduhan. Nabubuhay sila sa ilalim ng anino ng takot na tumapak at lumantad sa liwanag.

Oo nga’t lumagi ako sa Amerika ng matagal na panahon. Nasanay na ako sa pasikot-sikot ng buhay dito. Masasabi ko rin na akin nang unti-unting inuukit ang aking pangalan sa bansang ito. Ngunit pagkaraan ng dalawampung taong paninirahan, ay dayuhan pa rin ako sa lupang aking tinutuntungan. Banyaga pa rin ang aking kalagayan.

Mayroon akong mga kakilala na nakarating dito sa Amerika dahil sa petition ng kanilang kamag-anak. Pagsapit nila dito, may green card (permanent resident) na silang hawak. May iba pang Pilipino, dahil nakapangasawa ng Amerikano o Amerikana, ilang buwan lang ang iginugol dito, asul na ang kanilang pasaporte (US citizen). Ako, dalawampung taon na, may tatak pa rin ng “Republika ng Pilipinas” ang angking kong pasaporte.

Naisip ko nga, hintayin ko na lang kayang i-petition ako ng aking mga anak. Sila ay mga American citizen dahil ipinanganak sila dito sa Amerika. Limang taon na lang, at bente-uno anyos na ang aking panganay. Maaari na niya akong i-petition.

Ngunit hindi ko na kailangan maghintay nang ganoong katagal. Sa katunayan bago matapos ang taong ito ay maari na raw akong mag-apply para maging naturalized citizen ng bansang Amerika.

Maliban sa ilang pangangailangan na hinihingi, kailangan ko ring ipasa ang isang pagsusulit na ibibigay nila. Ang mga tanong ay tungkol sa kasaysayan ng Amerika. Inaatas din na ako’y susumpa ng aking katapatan (allegiance) sa bansang ito. Subalit ito’y nangangahulugang bibitiwan ko ang aking katapatan sa lupang aking sinilangan.

Matapos kong manumpa, hindi na ako ituturing na mamamayan ng bansang Pilipinas.

Aaminin ko na pagdumating ang takdang araw na iyon, oo nga’t dala noo’y kasiyahan, subalit may kahalong lungkot akong mararamdaman.

*******

(*US Visa: B – tourist; J – exchange visitor; O – individual with extraordinary ability/achievement; H – working)

P.S. Maari pa rin naman akong mag-apply ng dual citizenship – US at Pilipinas.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s