Gunita Sa Makulimlim Na Umaga

Noong isang araw, ako ay lumabas para maghehersisyo. Makulimlim at mahamog ang umaga. At habang ako ay tumatakbo, ang gunita ko naman ay nagliliwaliw at tumatakbo rin. Ito ay napadpad sa isang nakaraan. Sa isa ring makulimlim na umaga………

IMG_3480

Sariwa pa sa aking isip ang araw na iyon. Bagama’t tanghali na ay binabalot pa rin ng dilim ang umaga. Makapal at maiitim ang ulap na tumatabing sa sikat ng araw. Bumubuhos din ang napakalakas na ulan. Para bagang tumataghoy at tumatangis ang langit. Nakikiramay kaya ito sa aking nadarama?

Dahil sa kailangan naming dumalo sa isang tinakdang pagtitipon at dapat makarating sa tamang oras, ay napasabak kami sa napakalakas na ulan. Aming sinuong ang bumubuhos na delubyo. Nakarating naman kami sa aming paroroonan.

Matapos kaming makarating sa gusali ng pagtitipon, ay aking pinagmasdan ang mga taong pumapasok sa bulwagang iyon. Lahat sila ay pawang mga basang sisiw na nilublob sa tubig. Kulang na lang ay magsabon na rin sila. Pormal at magagara pa naman ang bihis nila. Buti na lamang at may dala kaming payong. Ngunit gayon pa man ay basang-basa pa rin ang aking sapatos at pantalon.

Kahit na makulimlim at bumabagyo noong araw na iyon, at kahit pa basang-basa ang karamihan dahil sa sinugod nilang lakas ng ulan, ay maaliwalas at maligaya ang napupulsong damdaming sa loob ng bulwagang iyon.

Hindi ko alam kung bakit ko piniling magsuot ng itim noong araw na iyon. Ako ba’y nagluluksa? Ako ba’y dadalo sa libing?

Sabi nila ang araw na iyon ay isang kaganapang tinatanaw.  Sabi nila ito raw ay kasagutan sa isang inaasam na pangarap. Pangarap na maraming tao sa iba’t-ibang lupalop ng mundo ang nagkakandarapa na makamit. Sabi nila ito raw ang katapusan ng mahabang paghihintay. Para sa akin, mahigit dalawampung taon ang inabot.

Sabi pa nila ito raw ay masayang okasyon. Ito raw ay araw ng pagdiriwang. Araw na dapat ipagbunyi. Ngunit bakit may kurot ng lungkot akong nararamdaman? Oo nga’t may tuwa sa aking puso ngunit bakit may bahid rin ito ng lumbay?

Matapos makapasok sa malaking bulwagang iyon ang lahat ng kinaukulan at maupo kami sa tinalagang upuan para sa amin, ay nagsimula na rin ang hinihintay naming seremonya. Tumahimik ang lahat, at kulog at ugong na lang ng malakas na ulan ang aming naririnig.

Pumasok na ang hukom. Ito’y nagbigay ng isang masayang pagbati.

Hindi na nagtagal kaming lahat ay pinatayo. Ako, kasama ng maraming tao, mula sa iba’t-ibang lahi at bansa. Ipinataas sa amin ang aming kanang kamay, at kami’y pinabigkas.

At habang ako’y nanunumpa sa harap ng dayuhang bandila, habang umiiyak ang mga alapaap, ay nangingilid naman sa aking mga mata ang luha………

IMG_3483

Halos isang taon na rin pala ang lumipas mula nang aking ipagluksa ang aking inang bayan. Mag-iisang taon na pala ang nagdaan nang aking isuko ang aking pagkamamamayan sa lupa kong sinilangan.

Namatay at nalibing na nga ba ang aking pagiging isang Pilipino? Huwag naman sanang mangyari.

*******

(*isinulat para sa pagunita ng buwan ng wika)

(**Photos taken with an iPhone, one foggy morning)

 

Awit ng Isang Alibughang Anak

Ako’y nakatanggap ng sulat noong makalawang linggo. Galing ito kay Uncle Sam. Sabi rito, ako raw ay inaanyayahan sa isang opisyal na interview o panayam.

Sa wakas! Hindi na ako pamangkin lang. Maari na rin akong maging anak. Ampon nga lang.

Matagal-tagal na rin naman akong naninirahan dito sa Amerika. Sa katunayan, dalawampu’t isang taon! Dalawampu’t isang taon ng pagiging dayuhan.

Naging masalimuot ang landas na aking tinahak para maging isang mamamayan. Iba’t ibang letra ng visa ang aking pinagdaanan. Nagsimula sa letrang B (tourist), naging J (exchange visitor), tapos naging O (non-immigrant with outstanding ability), hanggang naging H (non-immigrant worker), bago nabiyayaan ng green card (permanent resident). Mapalad pa rin kaysa ibang kababayan na ang visa ay TNT (tago nang tago).

At ngayon, iniimbitahan na nila ako para maging isang naturalisadong mamamayan (naturalized citizen). Sa madaling salita – maging ampong anak ni Uncle Sam.

Ito ay kung maipapasa ko ang aking interview.

Ito na ang huling hakbang sa pagiging citizen. Tapos na ang mga background check. Tapos na rin ang finger-printing. Interview na lang.

Madali lang naman daw ang interview. Maraming mga tanong ay personal. Maaring gusto lang nilang maniguro na ikaw ay mabuting tao, at magiging kapaki-pakinabang na mamamayan, at hindi palamunin lang at uubos ng buwis ng bayan.

Kasama sa interview ay ang pagsusulit sa salitang Ingles. Kailangan makapasa sa pagsasalita, pag-unawa, pagbabasa at pagsulat sa Ingles. Walang naman akong problema dito. Kahit Grade 1 na batang Pinoy kayang-kaya ito. Kahit ba Carabao English tayo, papasa pa rin.

Ngunit kasama rin sa interview ay mga tanong sibika (civic test). Ito ay mga tanong tungkol sa mga batas, mga prinsipyo, kasaysayan, heograpiya at samo’t saring kaalaman tungkol sa bansang Amerika. Dito ko kailangang mag-review.

May reviewer naman silang binibigay. Sinasaad dito ang mga 100 na katanungan na maaring itanong sa interview.

May mga tanong na madadali:

Tanong: Ano ang pinakamataas na batas ng bansa?

Sagot: constitution

Tanong: Sino ang tinaguriang Ama ng Amerika?

Sagot: George Washington

Mayroon namang mga tanong na medyo mahirap ngunit kailangan mong malaman:

Tanong: Kailan isinulat ang constitution?

Sagot: 1787

Tanong: Ano ang 13 na orihinal na estado ng Amerika?

Sagot: New Hampshire, Massachussetts, Rhode Island, Connecticut, New York, New Jersey, Pennsylvania, Delaware, Maryland, Virginia, North Carolina, South Carolina, Georgia

Noong isang araw, ako ay nag-review. Habang ako’y nag-aaral at nagpapaka-dalubhasa sa kasaysayan ng Amerika, ako nama’y hinaharana ng mga kantang Pilipino na aking kinamulatan, na tumutugtog sa aking CD player.

“Noong isilang ka sa mundong ito,

Laking tuwa ng magulang mo,

At ang kamay nila ang iyong ilaw.” (Anak by Freddie Aguilar)

Ako ba’y pinaparinggan ni Ka Freddie? Ampong anak ba kamo? O baka naman alibughang anak?

Para bang nasa gitna ako ng dalawang nag-uumpugang bato. Dalawang kulturang nagbabanggaan sa aking damdamin at isipan. Dalawang lahing nagbubuno sa aking pagmamahal. Dalawang bansang nag-aagawan sa aking katapatan.

Tapos nabasa ko sa aking reviewer ang tanong na ito:

Tanong: Ano ang isang pangako na kailangan mong gawin para maging mamamayan ng Estados Unidos?

Sagot: Talikuran ang katapatan sa ibang bansa.

Biglang bumigat ang aking damdamin. Parang may kumurot sa aking puso. Hindi ko alam kung sarili ko itong konsensiya, o ako’y pinaparamdaman ng mga multo ni Rizal at ni Bonifacio.

Sabay sumalang naman si Noel Cabangon* kasama ni Gloc-9 at kumanta ng “Manila” (originally sang by Hotdog) sa aking player.

“Maraming beses na kitang nilayasan,

Iniwanan at ibang pinuntahan,

Parang babaeng ang hirap talagang malimutan….”

Hindi na ako makapag-concentrate sa aking binabasa. Ang isipan ko’y nagsimula nang magliwaliw sa isang lugar na aking minahal at patuloy na minamahal.

traffic-jam

“Hinahanap-hanap kita Manila

Ang ingay mong kay sarap sa tenga

Mga jeepney mong nagliliparan

Mga babaeng naggagandahan….”

Ibinaba ko na ang aking reviewer. Ipinikit ang mga mata. At marahang sumabay sa pagkanta.

“Manila, Manila,

I keep coming back to Manila,

Simply no place like Manila,

Manila I’m coming home…..”

******

(*songs from the album “Tuloy ang Biyahe” by Noel Cabangon)

(**photo above is from philippineslifestyle.com)

Dalawampung Taon na Dayuhan

Dalawampung taon. Iyan ang tagal na ako’y naninirahan sa labas ng ating bansa. Mahaba-habang panahon na pala ang lumipas, ngunit parang kahapon lang nang aking lisanin ang Plipinas. Saan nga ba naglipana ang panahon?

Noong ako’y tumulak palabas ng bansa ay 28 pesos ang isang dolyar. Mabango ang pangalan ni Erap sa politika. Nasa senado si Enrile. Kalalayas lang ng mga base militar ng Amerika sa Subic. Sikat si Gary Valenciano. Sobrang traffic sa EDSA. At maraming Pilipino ang naghahangad na magtrabaho sa ibang bansa.

Pagkaraan ng dalawang dekada……42 pesos na ang isang dolyar. Mabango na ulit ang pangalan ni Erap. Nasa senado pa rin si Enrile. Pinaplanong ibalik ng Amerika ang kanilang base militar sa Subic. Sikat pa si Gary Valenciano. Sobrang traffic sa EDSA. At hangad pa rin ng mga Pilipinong lumabas ng bansa. May pinagbago ba?

Pero para patas, ganoon din dito sa Amerika. Noong ako’y dumating sa bansang ito, katatapos lang lusubin ng Amerika ang Iraq (Operation Desert Storm). Si Clinton (Bill) ang Presidente. Hindi magkasundo ang Amerika at Russia. Sikat na sikat si Tom Cruise. At mahal ang gasolina.

Matapos ang 20 taon……kaalis lang muli ng mga Amerikanong militar sa Iraq. Marahil si Clinton (Hillary) ang susunod na Presidente. Hindi uli magkasundo ang Amerika at Russia. Sikat pa rin si Tom Cruise. At mas mahal pa ang gasolina. May pinagbago ba?

Bago pa ako sumadsad sa lupang ito, sabi nila ang Amerika ay bansa na kung saan umaapaw ang gatas at pulot. Lupa raw ito na mas luntian ang damo kaysa sa ibang bakuran, lalo na kung ikukumpara sa aking pinanggalingan. Ang pera raw dito ay madaling makuha, dahil sinusungkit lang sa mga puno.

Hindi ko ipagkakaila na may katotohanan ang iba. Ngunit ang pera ay hindi pinipitas sa puno at hindi rin ito pinupulot lang sa lupa. Pinupuhunan ang dugo at pawis sa bawat dolyar na kinikita. Ang kagandahan nga lang dito ay kapag kumahig, halos siguradong may matutuka. Hindi tulad sa ating bansa, minsan kahit kahig ka na nang kahig, wala pa ring matuka.

Hindi naging madali ang tinunton kong landas sa aking paninirahan dito sa Amerika. Dinaanan ko ang mga iba’t ibang letra ng US visa* – nagsimula sa B, tumalon sa J, napalitan ng O, at ngayon ay naging H. Kung may X visa, siguro inaplayan ko rin iyon.

o-US-VISA-PASSPORT-facebook

photo from the internet

Sa kabila nito ay mas maigi pa rin ang aking naging kalagayan kaysa sa mga daan-daang mga kababayan natin na napadpad dito ngunit sila’y nananatiling nagtatago sa dilim ng walang kasiguraduhan. Nabubuhay sila sa ilalim ng anino ng takot na tumapak at lumantad sa liwanag.

Oo nga’t lumagi ako sa Amerika ng matagal na panahon. Nasanay na ako sa pasikot-sikot ng buhay dito. Masasabi ko rin na akin nang unti-unting inuukit ang aking pangalan sa bansang ito. Ngunit pagkaraan ng dalawampung taong paninirahan, ay dayuhan pa rin ako sa lupang aking tinutuntungan. Banyaga pa rin ang aking kalagayan.

Mayroon akong mga kakilala na nakarating dito sa Amerika dahil sa petition ng kanilang kamag-anak. Pagsapit nila dito, may green card (permanent resident) na silang hawak. May iba pang Pilipino, dahil nakapangasawa ng Amerikano o Amerikana, ilang buwan lang ang iginugol dito, asul na ang kanilang pasaporte (US citizen). Ako, dalawampung taon na, may tatak pa rin ng “Republika ng Pilipinas” ang angking kong pasaporte.

Naisip ko nga, hintayin ko na lang kayang i-petition ako ng aking mga anak. Sila ay mga American citizen dahil ipinanganak sila dito sa Amerika. Limang taon na lang, at bente-uno anyos na ang aking panganay. Maaari na niya akong i-petition.

Ngunit hindi ko na kailangan maghintay nang ganoong katagal. Sa katunayan bago matapos ang taong ito ay maari na raw akong mag-apply para maging naturalized citizen ng bansang Amerika.

Maliban sa ilang pangangailangan na hinihingi, kailangan ko ring ipasa ang isang pagsusulit na ibibigay nila. Ang mga tanong ay tungkol sa kasaysayan ng Amerika. Inaatas din na ako’y susumpa ng aking katapatan (allegiance) sa bansang ito. Subalit ito’y nangangahulugang bibitiwan ko ang aking katapatan sa lupang aking sinilangan.

Matapos kong manumpa, hindi na ako ituturing na mamamayan ng bansang Pilipinas.

Aaminin ko na pagdumating ang takdang araw na iyon, oo nga’t dala noo’y kasiyahan, subalit may kahalong lungkot akong mararamdaman.

*******

(*US Visa: B – tourist; J – exchange visitor; O – individual with extraordinary ability/achievement; H – working)

P.S. Maari pa rin naman akong mag-apply ng dual citizenship – US at Pilipinas.