Muli akong nalungkot sa mga bali-balita na nanggagaling sa bayan ko nitong nakaraang lingo. Tungkol ito sa sanggol na namatay dahil hindi umano tinanggap na maipanganak sa UST hospital.
Unang-una, nakikiramay po ako sa pamilya ng mga Pelayo sa pagpanaw ng kanilang sanggol. Walang magulang ang dapat dumanas ng masaklap nilang karanasan, at walang salita akong maiialay sa kanila na makapagpapabalik ng buhay ng kanilang anak na si baby Vince Adrian. Huwag na nating dagdagan pa ang kanilang paghihinagpis, para sila ay pulaan kung sila man ay may pagkukulang din.
Pangalawa, nakikiramay rin ako kay Dra. Anna Liezel Sahagun na naging tampulan ng paninisi at panglalait ng mga mamamayan na maaring hindi naman ganap na naiintindahan ang mga bagay-bagay at buong pangyayari. Hindi ko po sasabihing naging gahaman siya sa salapi, dahil unang-una na, siya po ay residente lamang sa OB-Gyn. Kahit po siya ay lisensiyado nang manggagamot, wala po siyang bayad na tatanggapin mula sa sinumang pasyente na kanyang gagamutin. Ang serbisyo ng mga residente ay libre kapalit ng training na kanilang makukuha sa panahon ng kanilang Residency Program.
Pangatlo, ikinalulungkot ko na nasangkot ang paaralan at ospital na nagbigay sa akin ng kaalamang manggamot. Noong nakaraang buwan lamang ay aking pinagsisigawan ang aking pinagmamalaking paaralan. Aking pinagyayabang ang aking pagdalo sa aming 25th year graduation reunion ng UST Medicine na may tema na “From Tamarind Dreams to the World,” o sa madaling salita Sinampalukang Pangarap (see previous post). Ngayon sa balitang ito, ito ba ang Bangungot sa Sampalok?
Ang nangyari sa pamilyang Pelayo ay nagaganap po araw-araw sa maraming mahihirap na mamamayan ng ating bansa. Ganito na po ito noong ako’y nag-aaral pa sa UST. Sa lahat ng mga pribadong ospital, tinatanong agad nila ang kakayanang makabayad ng maysakit bago nila ito tanggapin. Buti nga ang buntis, may ilang buwan para makapaghanda bago sila manganak sa ospital. Paano na lang yung nasaksak o kaya’y inatake sa puso, wala silang panahon para makapaghanda ng pambayad. Ngunit itinatanong pa rin sa pamilya kung mayroon ba silang pambayad bago sila ipasok sa ospital.
Alam ko pong totoo ito, dahil noong itinakbo namin ang aking ina sa isang pribadong ospital sa Maynila ilang taon pa lang ang nakakalipas, kasama sa mga tanong ay ang kakayanan naming makabayad. Kung walang pampayad ay irerekomenda nilang dalhin ang aking ina sa gobyernong ospital. Ngunit aking aaminin, kadalasan ay mas kumpleto at advance ang technology at facilities sa pribadong ospital. Kaya tulad ko, pinili naming dalhin ang aking ina sa pribadong ospital. Paano na lang kung walang pambayad?
Dito sa bansang aking tinutuntungan ngayon, walang tanong tanong kung may pera o wala ang isang pasyenteng dinadala sa Emergency Room. Lalapatan muna ng lunas lalo na kung emergency, at saka na lang proproblemahin kung mayroon silang pambayad o wala. Iba ang patakaran dito. Kahit pulubi, hindi puwedeng itaboy mula sa Emergency Room kung may sakit. Marahil maari nating sabihing dahil may salapi ang bansa at gobyerno.
Alam kong patakaran o standard policy sa mga pribadong ospital sa Pilipinas na tanungin agad kung may pambayad o wala, dahil malaking gastos naman talaga magkasakit.
Ngunit dapat nga bang palitan na ang patakarang ito? Sa tingin ko po ay nararapat lang na ito ay baguhin na.
Ngunit paano? Sinong magpapasan ng gastos kung walang pambayad ang pasyente? Ang ospital? Ang doktor? Ang mga politiko? Ang gobyerno?
Wala po akong kasagutan, dahil wala naman po talagang madaling katugunan. Habang naghihirap ang ating bansa, ganito pa rin ang magiging kahihinatnan ng mga dukha nating mamamayan.
Maari ba nating sisihin ang mga duktor? Tutal mayayaman naman sila di ba?
Ngunit ating alalahanin na maraming duktor ay nagsusumikap lamang din. Kung hindi nila makakamit ang nararapat sa kanilang mga pinagpapaguran, maghahanap na lang sila ng mas luntiang damo sa ibayong dalampasigan. At ito na nga ang nangyayari ngayon. Marami sa mga manggagamot ay nayayamot at nabibigo sa mga kondisyon, palakad, at patakaran sa ating bansa.

Sa mga duktor at nurses, o iba mang propesyon, na may oportunidad na lumabas ng bansa, ngunit piniling manilbihan sa ating bansa, kasama na rito ang mga duktor na nanatili sa UST, saludo po ako sa kanila. Sila po ang mga tunay na bayani ng ating bansa.
Ngunit ano po ang ating ginagawa sa mga bayaning ito? Binabaril natin sila sa Bagumbayan! Hinuhusgahan natin sila na parang mga kriminal na walang tamang paglilitis.
Ako na lumisan ng bansa, aaminin kong mayroon akong pagkukulang, at isa sa mga dapat sisihin. Ngunit tulad ko, ikaw, mga mamamayan, mga politiko, ang gobyerno, TAYONG LAHAT, ay may pananagutan sa mapait na kalagayan ng ating bayan.
Tayong lahat ay may kinalaman sa pagpanaw ni baby Vince Adrian.