Humanap Ka Ng Panget

Posted by

Siguro naman medyo humupa na ang “Miss Universe fever” sa ating bansa ngayon. Sa mga nakaraang araw ay tumutok ang buong mundo sa Pilipinas, kung saan ginanap ang Miss Universe pageant. Ipinasa na ni Pia ang korona kay Miss France bilang Miss Universe 2016.

miss-universe-2016

Sangayon ba kayo kung sino ang nanalo?

Siguro may listahan din kayo kung sino sa inyong tingin ang dapat nanalo sa Miss Universe. Tayong mga Pilipino ay mga numero unong kritiko at pulaero. Alam nating kung sinong maganda. Alam din natin kung sinong hindi. Siguro dahil marunong lang tayong kumilatis ng maganda.

Hindi rin naman siguro sa pagyayabang, ngunit nang magsabog ng kagandahan at kaguwapuhan sa mundo, ay marami sa ating mga kababayan ang nasa unahan kaya’t marami sa atin ang nabiyayayaan nito. Nakahabol din naman ako sa harapan. Walang kokontra!

Hindi rin makakaila na kadalasan ang ating kandidata sa mga beauty pageant, maging sa Miss Universe, Miss World, o Miss International, ay laging nasa top 10 o top 5. Alam na rin naman nating lahat na isa tayo sa mga bansang may ilang naging Miss Universe: Gloria Diaz (1969), Margarita Moran (1973), at Pia Wurtzbach (2015). Ang Amerika ay nagkaroon ng 8, pero siguro medyo luto, dahil sila ang nag-imbento ng Miss Universe.

Sabi nga nila, tayong mga Pilipino ay may mga paboritong pampalipas oras: basketball, karaoke, kainan, at siyempre pa, beauty pageant. Sa mga bayan-bayan kapag may piyesta, o kahit sa mga bara-baranggay lang, ay mayroon lagi tayong mga patimpalak ng pagandahan.

Kahit sa ating mga reliyosong selebrasyon, tulad ng Santacruzan o Flores de Mayo, ay pinuprusisyon ang mga reyna-reyna na magagandang dilag ng bayan. Kahit sa ating mga noontime TV show ay palasak ang beauty contest, tulad ng Miss Little Philippines, Super Sireyna, at Mr. Pogi.

Ngunit kadalasan kagandahan lang ang nagiging mahalaga para sa atin sa pagkilatis ng isang tao.

Pare #1: Dre, may bago akong girlfriend.

Pare #2: Maganda ba?

Pare #1: Mabait.

Pare #2: Pero maganda ba?

Pare #1: Matalino.

Pare #2: Pero maganda nga ba?

Pare #1: Magaling magluto.

Pare #2: Ang kulit mo naman, maganda ba?

Aamin ko, ang kagandahan ay isang tunay na yaman. Kung ikaw ay nabiyayaan nito, ay may lamang ka na sa buhay. Maraming pagsisiyasat ang nagsasabi na ang magagandang tao ay kadalasan mas madaling umangat o umasenso sa buhay.

Sa isang pag-aaral mula sa University of Wisconsin, ito’y nagsasaad na ang paghirang ng mga empleyadong magangandang lalaki o babae ay nakakatulong sa kalakalan ng negosyo. Siyempre, mas mataas din ang nagiging sweldo ng magaganda kumpara sa ibang katrabaho na may parehong kwalipikasyon. Kahit nga mga sanggol, sa isang pagsasaliksik, ay pinipiling tumingin sa magandang mukha.

Oo, ang mundo ay hindi patas. Ang buhay ay hindi patas.

Hindi ba meron pang mga payo o pamahiin ang mga matatanda, na kapag ikaw raw ay buntis o ikaw ay naglilihi, ay laging tumingin sa magaganda’t guwapo. Iwasan din daw tumingin sa mga panget at baka mapaglihian mo sila’t maging panget ang iyong anak.

Dahil ating kinikilingan ang magaganda, kaya ba ating tinutuya at inaapi ang mga panget? Sila ay laging tampulan ng ating mga biro.

Sa isang tindahan, may istambay na lasing:

Babae: Pabili nga po ng shampoo.

Tindera: Anong klase?

Babae: Iyong nagpapaganda.

Istambay: Ale, bili ka na rin ng bagong mukha, ang panget mo eh!

Babae: Eh ikaw, lasing!

Istambay: Bukas hindi na ako lasing, pero ikaw panget ka pa rin!

Hanggang katatawanan na lang ba ang mga panget? Kahit sa mga artista, hanggang komedyante at kontrabida na lang ba ang papel ng hindi mga guwapo at magaganda? Kung hindi magaling magpatawa sina Babalu, Rene Requiestas, Pooh, at Pokwang, sa tingin ninyo kaya ay sisikat sila?

Ako’y nasa kolehiyo nang sumikat si Adrew E. Una siyang nakilala dahil sa kanyang kantang “Humanap Ka Ng Panget.” Sabi ng kanyang kanta:

Kaya’t para lumigaya ang iyong buhay
Humanap ka ng panget at ibigin mong tunay
At kung hindi, sige ka puso mo’y mabibiyak
Mahiwalay man ang panget hindi ka iiyak ‘di ba?

Tila salungat ito sa likas nating mga Pilipino o kahit sa anumang lahi. Tayo’y namulat sa umiiral na kagawian na dapat tayong humanap ng maganda at guwapo para makasama natin sa buhay. Para sa atin, mga talunan lang ang humahanap ng panget. Hindi ko itatanggi, hindi ko sinunod ang payong ito ni Andrew E. Dahil ako’y nakapag-asawa ng mabait, matalino, magaling magluto, at siyempre maganda. Wala ulit kokontra!

Ngunit kung ating tutuusin ang panglabas na kagandahan ay hanggang sa balat lang ang lalim nito. Hanggang sa paningin lang nasusukat ito. Pagtinalupan mo ang tao, masasabi mo bang ang ganda ng apdo o ng baga, o kaya’y ng laman loob at buto-buto?

Isa pa ang panglabas na kagandahan ay pansamantala lang at madaling lumipas. Ang magaganda ngayon kapag sila’y tumanda ay magiging kulubot din ang kanilang mukha, maliban na lang kung ipaunat nila ito sa kanilang plastic surgeon. Ika nga ni Bob Ong, “sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan nagmumukha ding pandesal.”

Ang totoong kagandahan ay wala sa panlabas na itsura lang. Ang tunay na kagandahan ay nangagaling sa loob ng tao. Hindi ko sinasabing mula ito sa atay. O sa bituka. Ang ibig kong sabihin ay galing sa puso o sa karakter ng isang tao. Ang kagandahang ito ay hindi kukupas. At ito rin sa mata ng langit ang tunay na kagandahan na dapat nating hanapin.

1 Samuel 16:7 “Sapagka’t hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Hindi ko sinasabing humanap ka ng panget. Ang sa akin lang ay kung maghahanap ka ng maganda, huwag lang mata ang iyong gamitin. Maghanap ka ng may tunay na kagandahan.

(*photo from web news)

 

 

5 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s