Bukas Luluhod Ang Matanda

Posted by

Taong1984, katatapos ko pa lang ng high school at kasagsagan ng aking kabataan, nang ipinalabas ang pelikula ni Sharon Cuneta na ang pamagat ay “Bukas Luluhod ang mga Tala.” Wala pong kaugnayan ang artikulong ito kay Sharon Cuneta, o sa pelikulang iyon. Napag-tripan ko lang ang pamagat.

Tanggap ko na hindi ako bumabata. Alam ko rin na hindi ko kayang pigilin ang aking pagtanda. May mga lugar nga dito sa US na sa aking eded ngayon ay maaring makakuha na ako ng discount at benepisyo bilang “senior citizen.”

Ngunit ayokong tanggapin na ako ay kabilang na sa senior citizen. Hindi sa ako’y nagmumurang kamias, ngunit gusto ko lang itulak pa ang aking kakayahan. Kahit minsa’y sumasakit na ang aking tuhod. At likod. At balakang. At iba pang kasukasuan.

Luluhod at gagapang na ba ang matanda?

Sangayon sa Medisina, kapag ang isang tao ay lumagpas na sa edad na 50 anyos, ay marami ng pagbabago sa katawan ang mararanasan. Kung ang babae ay may menopause, sa lalaki naman ay may andropause. (Hindi ba dapat menopause sa lalaki at womenopause sa babae?) Ito ay dahil sa pagbaba ng testosterone levels sa katawan ng mga kalalakihan.

Heto ang maaring mga sintomas ng andropause:

  • Low energy (low-batt palagi)
  • Drop in libido (tuyo na’ng damdamin?)
  • Erectile dysfunction (ayaw nang mag-Bayang Magiliw)
  • Depression (sinong hindi malulungkot kung wala ng Bayang Magiliw?)
  • Reduced muscle mass (hindi na kayang makipagsabayan kay Hidilyn Diaz)
  • Lowered self-esteem (nawawalan ng bilib sa sarili)
  • Increased body fat (lumolobo lalo na ang tiyan)

May mga iba pang pagbabago kapag tumatanda, tulad ng osteoporosis (humihina at lumulutong ang buto), pumuputi ang buhok o nauupos ang bunbunan, lumalabo ang mata, humihina ang pandinig, bumababa ang immunity, lumulosyang ang balat, nagkakaroon ng cardiovascular disease kung saan kumikipot at nagbabara ang mga arteries (sanhi ng hypertension, heart attack, at stroke), at napupurol ang pag-iisip.

Ang kasalukuyang average life expectancy ng isang lalaki dito sa US ay 75 years. Sa Pilipinas naman ay 69 years. Parang ayoko pang isipin.

Pero ang aking ama at mga lolo ay hindi lubusang tumanda. Dahil maaga silang lahat namatay! (My father died at age 50, my grandfather mother’s side in his 30’s, grandfather father’s side in his early 60’s.) Tingin ko mas gusto kong tumanda, kesa sa alternatibo.

Totoo naman at may maari tayong gawin para maging bata pa rin ang ating pakiramdam kahit na may edad na tayo. Tulad ng:

  • Mag-ehersisyo ng regular. (20-30 minutes/day of exercise increases life expectancy by about 7 years compared to those who don’t.)
  • Kumain ng pagkaing mabuti sa kalusugan tulad ng mga gulay at mga prutas. (Kapag lechon at liempo palagi, bulsa ng ospital ang lulusog diyan.)
  • Matulog ng sapat sa oras. (Kaya tigilan mo na ang pagkakaraoke hanggang hating-gabi, at nang makatulog na rin ang mga kapit-bahay mo.)
  • Iwasan ang sigarilyo at paglaklak ng alak. (Butas baga, butas atay, butas pa ang bulsa.)
  • Tumawa palagi. (Peo piliin mong may kasama ka, dahil kapag tumatawa kang mag-isa baka ibang problema na ‘yon. Masayahing puso ang ibig kong sabihin.)

Ngunit alam kong kahit anong aking gawin ay darating at darating pa rin ang panahon na bibigay na ang aking mga tuhod kahit ilang balut pa ang aking kainin, at hindi na maiiwasang mapaluhod o baka mapagapang pa dahil talagang mahina na. Ngunit ngayon, akin pa munang ipagbubunyi ang nalalabi kong kasiglahan at lakas. Patuloy pa rin akong aakyat, tatakbo, at lulundag.

Bukas pa luluhod ang matanda.

**********

2 comments

    1. Social Security in the US consider age 62 as the official senior citizen age; though some businesses and other companies give special benefits and discounts to seniors, age 55 or above, which I’m not yet ready to admit.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s