Usapang Goose

Posted by

Mayroon akong pinsan na galing sa Pilipinas na dumalaw sa amin dito sa Iowa. Tulad ko ay mahilig din siyang tumakbo. Tumakbo bilang ehersisyo ang ibig kong sabihin at hindi tumakbo sa mga responsibilidad. Ngunit napansin ng aking pinsan na maraming mga aso sa aming lugar, at takot siyang habulin siya ng mga ito.

Sabi ko sa kanya na kahit walang mga bakod ang mga bahay dito, mayroon silang “invisible fence” o electric fence para sa mga alagang aso nila, kaya hindi lalagpas sa boundary ng kanilang yard ang mga aso, at malabong habulin siya at hanggang kahol lang ang mga ito. Wala din namang mga askal (asong kalye o stray dog) at lalong walang asong ulol dito sa amin.

Tinanong din niya ako kung nanghahabol ba ang mga deer. Sabi ko mailap ang mga ito at mabilis pa sa alas kuwatro na tatakbong papalayo sila kapag nilapitan niya. Sigurado akong hindi siya susugurin ng mga ito.

Dagdag ko pa, mas mag-ingat siya sa mga geese o gansa, dahil mas territorial at nanghahabol ang mga ito, lalo na ngayon na panahon ng kanilang nesting. Kaya protective ito sa kanilang mga pugad, at nang-hahabol kapag napalapit ka sa kanila.

Sa katunayan, noong makalawang araw ay may nakita akong mag-asawang geese na malapit sa daan nang ako’y tumakbo sa umaga. Masama ang tingin ng mga gansa sa akin nang ako’y palapit na. Handa na silang manugod.

Napansin ko na may mga ‘goslings’ o baby geese silang prinoprotektuhan. Kaya dahan-dahan akong umiwas sa territoryo nila.

Kaya noong isang araw, tanong ng aking pinsan sa akin: “Kuya, ano ang tawag sa mga geese na nanghahabol?”

Siguro ay hinabol siya ng geese nang siya ay tumakbo.

Napaisip ako at sabi ko: “Gansang galit sa mundo.”

“Pwede, pero may mas maganda pang tawag,” tugon ng aking pinsan.

Mas ginalingan ko pa ang pag-iisip. Geese na nanghahabol? Alam ko na! “Nangtutu-geese,” ang masaya kong sagot.

“Pwede, pwede” ang nakangiting sabi ng aking pinsan, “pero may mas sakto pang tawag,” ika niya.

“Sirit na ‘ko.”

Ang kanyang sagot? “Putra-geese!”

**********

(*photos taken with an iPhone)

Added joke: Ano ang tawag sa mga goslings na hindi pa naliligo? Batang goose-gusin.

3 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s