Ako si Superman

“Get down there!” Ito ang nagaalalang sigaw ng aking asawa, habang ang aking anak na lalaki, na anim na taong gulang, ay nakalambitin sa aming matarik na hagdan. Bakit kaya ganoon ang mga bata? Umaakyat sa hindi dapat akyatan, tumatalon sa hindi dapat talunan, at lumalambitin sa hindi dapat lambitinan. Minsan ay ipinapanalangin na lang namin ang aming anak na hindi ito kumalabog, makomang o mabalda. Bigla kong naalala nuong ako’y bata pa………

Tatlo o apat na taon ako ng subukan kong lumipad na parang superman. Sa isang playground sa Luneta; habang itinutulak ako sa duyan ng tatay ko, ay bigla kong naisipang tumalon. Hindi pa ipinaliliwanag ang law of gravity sa akin nuon. Pagkatapos ng aking maikling paglipad ay ang masaklap na pagbagsak. Una nguso sa lupa. Dinala ako sa isang clinic malapit sa Rizal Park upang tahiin ang nguso kong nabasag. Akala n’yo si Rizal lang ang nagbuwis ng dugo sa Bagumbayan?

Limang taon ako; sa apartment ng aking lola sa Project 7. Nakikipaghabulan ako sa hagdanan, nang tangkain kong lumundag na parang spiderman. Sumemplang na naman ako, una ulo na lumagapak sa semento. Pumutok ang aking nuo. Hindi ko nga alam kung bakit laging mukha ko ang aking ipinangsasalo sa aking pagbagsak. Dinala na naman ako sa Emergency room para sulsihin ang aking biyak na nuo. Buti na lang at maganda ang pagkakatahi ng duktor, at hindi ako nagmukhang alkansiya.

Anim na taon ako; sa silong ng aming bahay sa Sampaloc. Nagluluksong tinik akong mag-isa, nilulundag ko ay payong. Sa aking paglukso ay sumabit ang aking paa. Itinukod ko ang aking kamay (sa halip na mukha na naman) sa aking pagbagsak. Biglang lumagutok ang aking siko. Pagtayo ko ay hindi na diretso ang aking kanang braso! Itinakbo na naman ako sa ospital upang simentuhin ang bali kong buto. Anim na linggo ring nakasukbit sa leeg ko ang komang kong braso.

Pitong taon ako; sa aking eskwelahan sa Quezon City. Sinubukan kong mag-skating (kahit walang skates) sa madulas na banyo. Nawalan ako ng panimbang at bumalandra sa pader. Nakanto ang aking mukha (mukha na naman!). Nasugat ang gilid ng aking kaliwang mata. Buti na lang at maliit lang ang biyak at hindi na ito kailangang tahiin. Kung hindi, ay siguro nanay ko na lang ang tatahi sa mukha ko na walang anesthesia!

Pinasasalamatan ko nga ang aking mga magulang at pinaabot pa nila ako ng Grade 1 na buhay. Marami rin silang dinaanang hirap sa pagpapalaki sa akin. Hindi mabilang na beses din nila akong ipinanalangin na sana’y malayo ako sa disgrasya sa kabila ng aking kalikutan. Maraming beses ding iniluhod ng nanay ko ang aking kaligtasan. At alam ko, hanggang sa ngayon, ay kasama pa rin ako sa kanyang panalangin, kahit ako’y hindi na bata.

Ngayon, ako naman ang nagdarasal……. Sana po, ang aking “daredevil” na anak ay makatapos ng Grade 1, na buhay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s