Istoryang Buhok

Nuong ako’y batang musmos at uhugin pa, ay simple lang ang aking gupit. Ipapatong lang ang kutsara (minsan, kutsarita pa nga), sa bandang harap ng aking tuktok, tapos lahat ng buhok na hindi natatakloban ng kutsara ay tatapyasin at aahitin na. Para akong pinag-tripan ng barbero. Pero wala pa akong pakialam sa mundo nuon.

Nang ako’y pumasok na sa elementary ay “gupit binata” na ang tabas ng buhok ko. Natuto na rin akong gumamit ng Tancho, Johnson baby oil, o minsan ay langis ng niyog na may latik pa, sa aking buhok. Gusto ko ay planchado at dapang-dapa lahat ng buhok ko, parang Cachupoy. Galit pa ako kung may ilang buhok na nagrerebelde at nakasalungat o nakatayo.

Ngunit ng tumapak na ako ng highschool ay muling pinag-tripan ang aking buhok. Hindi ng barberong lasing kundi ng sosyalistang patakaran ng paaralan. 2 x 3 ang prescribed na haircut sa lalaki, at kung kulang sa sukat, ay maaari pang ukain ng gunting ang buhok mo ng Principal. Hindi ko maintidihan kung ano ang saysay ng kautusang ito, at kung sino mang nag-imbento nito ay dapat sabunutan ng buhok ….. buhok sa ilong!

Minsan ay may grupo sa aking klase na na-bwisit na sa prescribed haircut sa aming high school at tuluyan na silang nagpakalbo. At nuong minsan silang apat na kalbo ay naupo sa isang helera, ay nabansagan itong “death row”.

Nang ako’y magkolehiyo na ay  nakalaya na ako sa mapang-aping gupit militar. Pinahaba ko na ng konti ang aking buhok – long back, tapos maiksi sa harap at medyo “spikey” pa (mullet daw ang tawag duon). Hanggang sa pumasok ako sa Medicine ay ganito pa rin ang ayos ng buhok ko.

Naaalala ko pa nang kami ay 4th year medical students na, at kasakasama ko ang aking kaibigan sa duty na may parehong hairstyle. Dahil siguro mukha kaming mga punkista, kaya’t sabi ng aming Residente kulang na lang daw sa amin ay gitara at pwede na kaming magtayo ng banda.

At sa paglipas ng panahon, ay paiksi nang paiksi ang aking gupit. Umiksi, nang umikisi, at umiksi pa. Siguradong matutuwa ang highshcool principal namin dahil daig ko pa ang 2 x 3 ngayon. Halos sadsad na sa anit ang aking gupit ngayon. Hindi dahil sa naging fan ako ng military cut, kundi kailangang harapin ang masaklap na katotohanang nauupos na ang aking bunbunan.

Ngunit mayroon namang kainaman ang konti ang buhok. Nabawasan ang aking grooming time. Ano pa ba ang itatagal ko sa harap ng salamin, kung wala naman akong susuklayin? Hindi ko na rin kailangang magbaon ng suklay. Tipid na rin sa shampoo, conditioner, at hair gel. At hindi ko na problema ang balakubak dahil wala na silang kakapitang buhok. Kahit kuto ay nag-alsabalutan na rin.

Nuong makapal-kapal pa ang aking buhok, ay lagi akong sinasabihan ng pasyente: “Doctor, you look too young to be our doctor“. Sa una ay akala mo ay compliment, pero sa tutuo ay pinag-aalinlanganan nila ang iyong kakayahan at experiensiya. Matapos ang apat na taon ng kolehiyo, apat na taon ng Medical school, isang taon ng Internship, at anim pang taon ng post-graduate specialty training, wala pa rin silang tiwala. Ipinagkakanulo ako ng aking batang itsura.

Subalit ng umimpis na ang aking buhok ay hindi na ako nakarinig ng mga ganoong comment. Sa pagnipis ng aking buhok ang kapalit naman ay paglago ng aking nakamtang respeto.

Kaya itinapon ko na yung Rogaine.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s