Noong ako’y bata pa, natutuwa akong makita at laruin ang halaman na tinatawag na Makahiya. Ito ay mga damong ligaw na tumutubo sa parang, bakanteng lote at tabi ng kalsada. Marami nito sa Pilipinas.
Ang Makahiya ay ‘yung damo na kapag iyong makanti ay tumitiklop ang mga dahon. Para baga silang nahihiya kapag iyo silang hinawakan. Tinagurian din itong “touch-me-not.”
Ang scientific name ng Makahiya ay Mimosa pudica. Ang dahilan ng pagsasara ng mga dahon kapag nagalaw ang halamang ito, ay dahil may elektrikal at kemikal na reaksiyon kung saan ang mga electrolytes gaya ng potassium, sodium at calcium ay biglang lumalabas sa mga selula, kaya lumalabas din ang tubig sa loob ng selula. Dahil dito parang nalalantang bigla ang halaman at ito ay tumitiklop.
Alam ninyo ba na medicinal herb din ang Makahiya? Meron itong anti-inflammatory compound, kaya maigi ito sa mga sugat at pamamaga. Ginagamit din ito sa mga hindi natunawan o naimpatso dahil meron itong digestive enzymes inhibitors. Mayroon din itong potensiyal na anti-cancer properties dahil sa alkaloid na mimosine na nasa damong ito.
Meron din sa Pilipinas na kabaligtaran naman ng Makahiya. Sila ay tinuturing na “can’t-touch-this.” Sila ay hindi gamot kundi ay salot sa lipunan. Sila ay matatagpuan sa gobyerno at kongreso. Ang scientific name nila ay Kuraptus pulitikos. Ang karaniwang tawag sa kanila ay mga Walang-hiya.
**********
(*video not mine, shared from Facebook of Pepper Teehankee)
Nice analogy Doc. On point.🙂
Salamat, at iyong naibigan.