Lahing Jaworski

Posted by
my son, future Jaworski?

Ngayon at tag-init na dito sa Iowa, ay lagi akong tinatawag ng aking anak na mag-basketball. Ako ay nagpatirik ng basketball goal doon sa aming driveway. Naalala ko tuloy nuong ako’y bata pa……….

Bago pa ako pumasok sa eskwela ay natuto na akong magbasketball sa silong ng aming bahay. Kinabitan ng tatay ko ng basketball goal yung isang pader. Dito ako natutong mag-dribble, mag jump shot (kahit parating tumatama ang bola sa kisame), at mag lay-up. Naging mahusay maglaro. Parang Jaworski.

Nang ako’y lumaki-laki na ay sa kalsada na ako nag lalaro ng basketball. Naging kalaro ko ang aking mga kapitbahay at paminsan-minsang mga batang dayo. Kahit ang basketball goal namin ay binaluktot na bakal at pirapirasong tabla lang, ay talo-talo na kami dito. Kasama sa aming laro ang hindi maiiwasang “intermission” kapag  may dumadaang kotse o tricycle. Dito nagkapigtas-pigtas ang tsinelas kong Spartan (“Nasaan ang tibay mo?”). Iba ang basketball sa kalye -kasama ang gulangan, sahuran, balyahan at paminsan-minsang suntukan. Dito ako natutong lumaban. Parang Jaworski.

Sa eskwelahan naman ay panay din ang laro namin ng basketball. Nuong nasa elementary pa ako, ay katanghaliang tapat kung kami ay mag-laro. Ito ay dahil kapag hapon na ay hindi na kami makasingit sa mga estudyante ng highschool sa basketball court. Nang kami ay highschool na, kami naman ang sumu-swapang sa court. Kahit nakabalat na sapatos o kahit naka-combat boots pa, sige pa rin ang laro. Natigil lang ang aming paglalaro sa eskwela nang lagariin ng principal ang mga poste ng basketball goal, dahil sanhi daw lagi ng away ang basketball. Ngunit hindi pa rin naawat ang aming hilig sa basketball. “Never say die”, ika nga ni Jaworski.

Sa harap naman ng aming simbahan ay may masikip na half court. Tatlong dipa lang yata ang luwang nito, ngunit solb na kami sa paglalaro duon. Maraming hapon hangang gabi rin kaming naglalaro ng aking mga kaibigan doon. Nagkakalabawan. Nag-aasaran. Nagkakapikunan. Sa masikip na basketball court din na iyon, marami kaming pinagdaanan. Tuwa, galit, gasgas at pasa, pagod, inis ng pagkatalo, at saya ng panalo. Dito din lumakas ang samahan ng aming barkada. Natutong maglaro at makisama, bagama’t kami ay magkaka-iba. Natutong maging isa – parang basketball team. Team Jaworski.

Hindi lang basketball ang aking natutunan sa larong ito. Kahit ngayon, na ako’y nasa bayan na ni Michael Jordan at Lebron James, ipinagmamalaki kong ako’y lahing Jaworski.

4 comments

  1. I remember you guys not being able to play b’ball when the ring was taken down at school – but you channeled your energy into volleyball, which was still allowed. Nasa alala ko pa rin ung mga hataw ninyong talon, sabay spike. 🙂 It’s great that you’re passing on that good ole’ Jaworski DNA to your son. Go, Crispa! (ngek, iba pala team niya nun) 🙂

  2. Toyota si Jawo. I know because my dad’s a fan of Toyota AND Jaworski.

    But when I was a kid, I knew Jawo as the playing coach of Ginebra.

    I remember my dad talking about how Jawo could’ve made it in the NBA in his prime. Though Johnny A could’ve made it too.

    Oh well.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s