Lumalamig na naman ang simoy ng hangin dito sa amin. Tumitingkad na rin ang mga kulay ng mga dahon at nagiging ginintuan at pula. Unti-unti rin silang nalalagas, nalalaglag at kumakalat sa lupa. Dahan-dahang namang kumukupas ang mga luntiang kulay ng damo sa aming paligid.
Lipas na naman ang tag-araw. Hindi magtatagal ay tagginaw na naman. Lilipad na naman at babalut sa kapaligiran ang puting niyebe.
Nakaupo at nakahalukipkip sa isang sulok ng aming tahanan ang aking nanay. Siya ay dumadalaw sa amin dito sa Amerika, at mahigit dalawang buwan na rin siyang namalagi dito. Ito ay pangatlong pagkakataon niyang makarating dito sa aming lugar. Ang unang dalaw niya dito, mga ilang taon na ang nakalilipas, ay sa kalagitnaan ng tag-lamig, dahil gusto raw niyang masaksihan ang niyebe. Ngunit dahil sa sumusuot sa butong ginaw ng tag-lamig dito, ay ayaw na niyang manatili at maranasang muli ang tagginaw.
Dahil na rin siguro sa kanyang edad, ay hindi na siya mahilig mag-lalabas at mamasyal. Pinipili pa niyang umupo sa isang tabi at maiwan na lamang sa loob ng aming bahay. Masaya na siya sa panonood sa kanyang mga apo, o dumungaw sa bintana at magmasid sa kapaligirang mundo na patuloy sa pag-ikot. Maaring maligaya na siya na magbalik tanaw na lamang sa mga kasaysayan ng kanyang buhay.
Lahat ay nagbabago. Walang sinisino.
Malaki na rin ang ipinagbago ng aking ina mula ng ako’y unang tumulak parito sa Amerika. Hukot na ang kanyang tindig. Mahina na ang kanyang mga kamay: mga kamay na minsang panahon ay malalakas sa pag-aaruga sa aking kabataan. Malabo na rin ang kanyang mga mata: mga matang minsa’y kay linaw sa pagbabantay noon sa aking kalikutan. Purol na rin ang kanyang pandinig: mga tengang dati-rati ay matalas na dumidinig ng aking mga iyak at tawag. Mabagal na rin ang kanyang mga hakbang: mga hakbang na noon ay mabibilis sa paghabol sa aking kamusmusan, para ako’y malayo sa panganib.
Pana-panahon lamang ang lahat, ika nga nila. Ang oras ay tumatakbo, hindi naghihintay kaninuman.
Ilang araw pa ay tutulak na muling pabalik sa Pilipinas ang aking nanay, parang ibong manglalakbay na lumilipad patungong timog upang tumakas sa nagbabadyang masungit na taglamig.
Hindi ko alam kung ilang pag-kikita at ilang pag-papaalam pa ang nalalabi sa amin. Panahon lamang ang makapagsasabi. Sana ay nakapagdulot ako ng kasiyahaan bilang isang anak sa aking ina. Ito lamang ang pinaka-matamis na ala-alang maipapabaon ko sa kanya.
Hindi magtatagal ay mauubos at mahuhulog na rin ang lahat ng dahon sa mga puno, at matitira na lamang ay mga hubad na sanga at tangkay nito. Mananatili itong pawang tigang at patay…… hanggang sa panahon ng tag-sibol at muling magsisimula ang panibagong buhay.
(autumn photo from here)
wonderful photos! it’s magical for me to view photos of another world.
for someone who thrives and struggles in a tropical state like penang (as of the moment), this post is refreshing! …almost fantastic!
thank you for sharing! 🙂
“Lahat ay nagbabago. Walang sinisino.” Talagang kasama tayong lahat sa Master Design ng ating mundo. Nalalagas…tumatanda…pagkatapos ay may tag sibol ulit at papalitan ng mga bata ang tumatanda…tuloy-tuloy ang ikot ng buhay. Isang pasasalamat at naka-ekspiriensiya tayo ng mga kagandahan ng buhay sa mundong ito.
Kumukupas……Nalalagas……Nalalaglag. Sa lupa galing, sa lupa muling magbabalik. Maghihintay…… ng tag-sibol.
Salamat sa patuloy na pagdalaw.
Ang ganda naman. Malalim talaga ang damdamin at pinanggagalingan ng isinulat mo. Di ko alam kung kaya kong subukang magsulat sa ating sariling wika at maipahiwatig ang aking sentimyento katulad ng ginawa mo. Kahanga hanga.
Taga Bulacan (lugar ng makakata) kasi ang aking ama, kaya may dugong Balagtas na nananalaytay sa akin. Salamat sa pagdalaw.