Noong nakaraang araw ay binilang ng aking bunso ang perang laman ng kanyang alkansiya na baboy. Ipinagmalaki niya sa akin na meron na siyang $29.29 na ipon. Ipambibili raw niya ito ng sarili niyang bahay pag-laki niya. Magaling na bata, matayog mangarap.
Naalala ko tuloy noong ako’y kasing gulang niya. Wala sa kukote ko ang mag-ipon, o marahil marami lang akong pangangailangan. Dito nauubos ang aking baon noon:
1. Bazooka bubble gum (hanggang sumakit ang aking panga sa kakanguya)
2. jolens (marami-rami din ang koleksiyon ko ng jolens noon)
3. hopia (paborito ko yung kuwadrado)
4. Choc-nut
5. cornick (tapos yung supot, gagamitin namin kasama ng tingga, para sa sipa)
6. watusi (takot ako sa ibang paputok, kaya’t hanggang watusi lang ako)
7. pang-arkila ng Game and Watch (10 sentimos para sa 15 minuto na gamit)
8. sorbetes ni Mang Isko (walang sinabi ang Haagen Dazs)
9. stickers ng Mazinger Z, Daimos, at Voltes V
10. bola-bola (wala pa akong takot sa pakikipagsabayan sa mga ibang bata sa pagsawsaw; kasi wala pa sa bokabularyo ko ang hepatitis A)
Buti na lang at natuto rin akong mag-ipon nung ako’y tumanda na. Kung hindi ay puro hopia pa rin ako ngayon at walang bahay.
Yes to all, esp ice cream ni mang Isko! Don’t forget the santol on a stick, manggang hilaw, and tex. 🙂