Huwag Kang Puputok

Posted by

Siguro lahat tayo ay may kakilalang tao na malakas magpaputok. Hindi rebentador o kaya baril ang ibig kong sabihin. Ang tinutukoy kong putok ay iyong nakakainis na amoy mula sa katawan. Sa ibang salita, body odor o B.O.

Kung ikaw ang may putok, sana makatulong sa iyo ang artikulong ito.

Isang senaryo sa Pilipinas: nasa loob ka ng jeepney.  Dahil sa sobrang init at trapik ay tumatagaktak ang pawis ng lahat. Tapos, may mamang sumakay at sumiksik sa tabi mo. Pag-arangkada ng jeep, itinaas ng mama yung kanyang braso para humawak. Sakto naman yung kanyang kili-kili sa mukha mo. Pag-hinga mo, boom! Parang gusto mo nang tumalon sa jeep, o kaya’y ilawit ang iyong ulo sa labas at pipiliin mo pang suminghot ng maiitim na usok ng jeep at bus, kesa mamatay sa putok ng katabi mo. Naka-relate ka ba?

Ano ba ang sanhi ng putok?

Ang medical term sa putok o anghit, ay bromhidrosis. Ito at ang masangsang na amoy dahil sa pawis. Ang pawis ay mula sa sweat glands. Maaring tanungin mo, bakit ba ginawa ng Diyos ang sweat glands kung ang magiging sanhi lang nito ay anghit?

Ang sweat glands ay importante sa kalusugan at mismong buhay ng tao. Ito ay para sa thermoregulation ng ating katawan. Kung hindi tayo papawisan tayo ay mag-o-overheat at maaring mamatay, parang makina ng kotse na kailangan ng tubig sa radiator para hindi pumalya. Kaya’t sa ayaw mo man o gusto, hindi lang si Andres Bonifacio, kundi tayong lahat ay anak-pawis.

Isang klase ng sweat glands ay ang apocrine glands. Maraming apocrine glands sa axillary area (kili-kili) at pubic area. Maliban sa pagse-secrete ng pawis, ito ay nagse-secrete din ng hormone, na ang tawag ay pheromones. Ito ay may kakaibang amoy. Ang pheromones ang siyang naamoy ng mga hayop, para ma-attrack sa kanilang ka-partner. Ito ang dahilan kung kaya kahit sa malayo ay nakakaakit ang paru-paro, baboy-damo, o aso ng kanilang kalaguyo.

Pagnagbinata at nagdalaga na ang tao, dumadami ang apocrine glands at secretion nito. Pero sa ating tao, hindi gaya sa hayop, hindi masyadong kailangan ang pheromones upang humanap ng ka-partner. Kasi may on-line dating site na (aha-ha). Isa pa, mas mabisa siguro ang bulaklak at chocolates kesa pheromones para sa tao.

Balik natin ang usapan sa pawis. Sa katanuyan ang pawis ay walang amoy. Ngunit kapag may mga bacteria sa ating katawan, na nagre-react sa ating pawis o hormone na galing sa ating sweat glands, lalo na sa apocrine glands, sa halip na walang amoy, nagkakaroon ng mababantot na mga chemical. Mga chemical tulad ng ammoniaE-3-methyl-2-hexanoic acid at 3-hydroxy-3-methyl-heaxnoic acid, (konting chemistry lesson lang po). Ito ang isang sanhi ng putok.

Minsan ang ating diet, gamot, mga toxins, metabolic disorders, at ibang sakit, tulad ng liver at kidney failure, ay nagdudulot rin o nagpapalala ng mabahong amoy ng ating katawan.

Ang bromhidrosis ay maaring makaapekto sa kalusugan. At sa kalusugan din ng ibang kawawang taong makakaamoy. Pero maliban sa pisikal na kalusugan, ang taong may bromhidrosis ay maari ring magdusa ng social isolation at low self-esteem. Sino nga bang gustong mag-hang-out sa taong may putok?

Anong dapat gawin, o ano ang mga lunas sa isang taong may bromhidrosis?

1. Maligo ng regular.

Malaki ang nagagawa ng personal hygiene sa putok. Dahil may kinalaman ang bacteria sa masangsang na amoy, mababawasan ang bacteria sa katawan kung maliligo ka nang regular. Hindi ko sinasabing maligo ka nang apat na beses isang araw, pero sikapin kahit minsan sa isang araw. Maari ring makatulong ang pag-gamit ng anti-bacterial soap.

2. Gumamit ng anti-perspirant at deodorant.

Ang anti-perspirant ay nagpapabawas sa pagpapapawis. Ang common ingredient ng mga antiperspirant ay aluminum salt. Ang “tawas” na popular na ginagamit para sa anghit ay hydrated aluminum potassium sulfate, at ito’y mabisang anti-perspirant. Ang deodorant naman ay mga pabangong nagkukubli sa mabahong amoy. Marami sa mga produkto ngayon ay magkasama na ang anti-perspirant at deodorant.

tawas
Kryptonite? No, Tawas Crystal!

3. Hair removal

Dahil ang buhok ay maaring mag-trap sa bacteria, maaring makatulong ang pag-aahit ng buhok sa kili-kili. Kaya pwedeng slogan: May anghit? Mag-ahit!

4. Palitan kaagad ang damit na pinagpawisan.

Panatilihing tuyo ang katawan. Hindi sa dahil ikaw ay mapupulmonya kung matuyo ang pawis. Pero mababawasan ang mabahong amoy-pawis kung huhubarin mo kaagad ang basang damit na pinagpawisan mo. Isa pa, gusto ng bacteria ang mabasa-basang environment.

5. Iwasan ang mga pagkaing may maaamoy na spices.

Siguro naobserbahan mo na rin na may mga pagkaing amoy kili-kili. Hindi ko ikinakaila na masarap ang mga ito. Subalit kung amoy kambing ka na, bawasan mo na siguro ang mga maaamoy na spices tulad ng curry, cumin, sibuyas at bawang. Pero pwedeng rason na OK lang mag-amoy bawang, kasi at least walang aaswang sa iyo.

6. Huwag manigarilyo.

Hindi sa nagpapabawas ng pawis ang hindi paninigarilyo. Pero ang sigarilyo ay isang sanhi ng mabahong amoy. At mabahong hininga. May B.O. ka na nga, may bad breath ka pa, eh kawawa ka nang talaga.

7. Removal of apocrine glands.

Sa malalang bromhidrosis, ay maaring i-offer ng mga duktor ang pagtanggal ng apocrine glands. Maari itong tanggalin sa pamamagitan ng surgical excision, liposuction, o laser therapy. Hindi dahil nabasa mo rito ang laser therapy, huwag mo sanang tangkaing na sunugin ang iyong kili-kili. Please consult your doctor.

Hanggang dito na lang at sana ay may natutunan kayo. At tandaan, hindi lang sa Bagong Taon po bawal magpaputok!

(*photo of tawas from the web)

6 comments

    1. I’m sorry but I have no idea how much that surgery will cost in the Philippines, and I’m not sure also who performs them in the Philippines. But your local doctor might know. Better yet, your local doctor can offer help if you’re suffering from bromhidrosis, that does not need radical action, like surgery. Thank you.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s