Ang Dagat Ay Tumatawag

pinoytransplant's avatarPosted by

Pebrero 2004 nang kami ay napadpad sa Iowa. Pagkaraan ng dalawampu’t dalawang taon nang aming paninirahan dito ay wala naman akong pagsisisi at panghihinayang na kami ay nagkaugat na sa lugar na ito. Sa katunayan, naging mabuti sa amin ang Iowa. Dito natupad ang marami kong pangarap sa buhay.

Subalit kahit masaya at kontento ako dito, hindi ko naman masasabi na wala akong nami-miss dito sa Iowa. Isa sa kinasasabikan ko ay ang makipaghabulan muli sa alon. Hindi sa alon ng buhay, o mga pagsubok ang aking tinutukoy, kundi sa totoong alon ng dagat. Tulad ng nasa larawan sa aking Gravatar na gamit ko mula 2012 hanggang ngayon (below).

Ang Iowa ay nasa gitnang lupa ng pagkalawak-lawak na kontinente ng Amerika. Kung gusto kong silipin ang dagat mula sa aming tinitirahan ngayon, ay kailangan kong maglakbay ng malayo para lang makapagtampisaw dito. Meron namang mga ilog at lawa na malapit sa amin, pero iba pa rin ang dagat.

Ang dagat ng Pacifico sa kanluran, ay mahigit 2700 kilometro ang layo; ang Atlantic Ocean naman sa silangan, ay mahigit 1800 kilometro; at ang Gulf of Mexico sa timog, ay halos 1600 kilometro ang layo sa amin. (For reference: Aparri hanggang Sorsogon, dulo’t dulo ng Luzon, ay 1100 km lang.) Sa hilaga naman ay ang Arctic Ocean, pero hindi ko na pinagtatangkahan magtampisaw doon dahil hindi naman ako Polar bear.

Hindi gaya noong ako’y nasa Pilipinas pa, dahil tayo ay archipelago, hindi malayo ang dagat saan ka man pumunta. Ngunit ngayon, bibihirang pagkakataon na lang ako nakakadalaw ng beach.

Sabi nga nung isang kaibigan kong Pilipino dito sa Iowa sa mga kasama naming Amerikano, na dahil kami ay halos lumaki sa tabi ng dagat kaya kami ay puwedeng tawaging “sons of a beach.” Sabi ko siya lang! Mawalang galang na lang po.

Mabalik tayo sa dagat….

Isa sa aking kaligayahan ay ang magisnan ang naglalarong dagat. Hindi ako magsasawang panoorin ang humahampas at nagsasayaw na mga alon, maging masigabo man ang kanilang pagyakap o malumanay ang kanilang paghalik sa katipan nilang dalampasigan.

Noong nakaraang araw, ngumiti muli sa akin ang kapalaran, at akin muling nasilayan ang malawak na dagat. Kahit pa makulimlim at nagbabadya ang ulan, ay parang batang musmos muli akong nagtampisaw sa mainit na tubig at nakipaghabulan sa mga alon.

At habang sa dagat ang puso ko’y tumatakbo, ang oras naman ay pawang tumigil sa pagtakbo.

Hanggang sa muli, mga alon kong kaibigan,

Pinoytransplant.

**********

Bonus:

Dito sa videong ito, inabutan at nataya ako ng alon:

(*photos and video taken in the warm waters of Atlantic Ocean)

Leave a Reply