Ang Lola Kong Adik

Posted by

(Addict: a person who is addicted to an activity, habit or substance.)

Sang-ayon sa mga balita, marami raw adik sa atin sa Pilipinas. Pero nababawasan na raw ito dahil sa takot kay Duterte. Noong ako’y bata pa, kapag kami ay lumuluwas sa probinsiya, ay mayroon akong natutunghayan na kakaibang adiksiyon.

Sa bahay ng aking lola sa Norzagaray Bulacan, ay nakatira rin ang isang tiyahin ng aking tatay. Maaaring sabihin na kasama siya sa mga kumukunsumo ng adiksiyong ito. Hindi ko na sasabihin ang tunay niyang pangalan, at tawagin na lang natin siyang Nana Pula.

Aking pinapanood si Nana Pula na uupo na lang sa sahig sa isang sulok ng bahay. Tapos ilalabas na niya ang mga nakasupot niyang paraphernalia. Dito mag-uumpisa na siyang mag-gayat. Magdidikdik. At magbabalot.

Pero bago ninyo isipin na shabu o crystal meth ang kanyang dinidikdik, o kaya’y marijuana ang kanyang binibilot, ay hindi ito gayon. Ang kanyang ginagayat, dinidikdik at binibilot ay nga-nga.

Siguro alam ninyo kung ano ang nga-nga (betel quid). Sa mga nakababatang Pilipino na maaring hindi na pamilyar sa sinaunang bisyo na ito, ang nga-nga ay nginunguya. Hindi ito sinisinghot o hinihithit.

Ang nga-nga ay ang combinasyon ng: ikmo (betel leaf), bunga (areca palm nut), at apog (slaked lime). Gagayatin ang bunga, tapos papahiran ng apog, at ibabalot sa ikmo. Minsan dinadagdagan pa ng dahon ng tabako, para mas matindi ang tama.

NgaNgaLeavesLime
nga-nga (image from the web)

Matapos bilutin ni Nana Pula ang kanyang nga-nga, ito ay kanya nang isusubo at nguguyain. Habang nakasalampak, ngumangata at sumisipsip ng katas ng nga-nga, ay paminsan-minsan siyang dudura ng mala-dugong laway sa siwang ng sahig na kawayan. Para siyang kambing na ngunguya-nguya, pero kontento sa kanyang buhay. At pag-ngumiti si Nana Pula? Pula ang kanyang bibig at mga ngipin! Kaya nga Nana Pula.

Meron din kaming ninuno sa Bulakan na ang tawag sa kanya ay Tatang Puti. Pero hindi dahil sa puting ngipin, kun’di dahil siya ay tunay na maputi. Siya ay meztiso at dugong Kastila. Tunay naman na may lahing meztisuhin ang aking angkan. Pero hindi ako kasama sa mga mapuputi, dahil nakuha ko ang kulay ko sa aking nanay na dugong Ilokano. Teka, naligaw na yata ang usapan.

Balik tayo sa nga-nga. Ang tradisyon na ito ay matagal nang umiiral sa Pilipinas, bago pa man tayo sakupin ng Kastila. Nabanggit ito ni Jose Rizal sa kanyang nobelang Noli Me Tangere, kung saan sa unang kapitulo ay sinaad niyang inalok ito ni Kapitan Tiago sa kanyang mga bisita. Sa kapanahunan noon, hindi Skyflakes at softdrinks ang inihahain sa bisita, kun’di nga-nga!

Ang kustombre ng pagnguya ng nga-nga o betel quid ay hindi lang sa Pilipinas. Maraming bansa sa South at Southeast Asia, at sa kalawig na mga isla sa Pacifica ay kilala ang sinaunang tradisyong ito. Sabi ng World Health Organization, maaaring may 600 milyong tao ngayon ang haling sa bisyong ito.

Ang pag-nguya ng betel nut ay ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Sa katunayan, sang-ayon sa mga archaeologist, may nahukay silang bungo ng tao na may apat na libong taon ang tanda, at ang ngipin nito ay may bakas ng elemento ng betel nut. Ganoong katagal na ang nga-nga!

Gaya ng sigarilyo at iba pang bisyo, bakit kaya nakaka-adik ang nga-nga?

Ang bunga o “betel” nut, ay mula sa areca palm (scientific name: Areca catechu). Ito ay may natural alkaloid, na ang tawag ay arecoline. Ang arecoline ay mild stimulant. Kaya ito’y nakapagbibigay ng energy boost at feeling of euphoria. Sa madaling salita, nakaka-high! Kaya kapag ngumunguya na sila tatang at nanang, ay sumasaya sila at para na silang lumulutang. Tripping na si lola!

Ngunit parang nicotine mula sa dahon ng halaman ng tabako (scientific name: Nicotiana tabacum), ang arecoline mula sa areca palm nut ay nakaka-adik din. Kaya bago pa naging palahithit ng tabako, o bago pa magsipagbilot ng marijuana, ay ngumangata na ng nga-nga ang Pilipino. Lahi nga kaya tayo ng mga adik?

Maliban sa nakaka-adik ang nga-nga, may iba pa bang masamang epekto ito?

Sang-ayon sa mga pag-aaral, ang nga-nga ay maaring maging sanhi ng kanser sa bibig. Iyong ibang matatanda sa atin, nag-nganganga na, nagtatabako pa, tapos nasa loob pa ng bibig ang sindi ng tabako, kaya’t mataas ang insidente nila ng kanser sa bibig.

Dahil laging ngumunguya ang kumukunsumo ng nga-nga, ito ay maari ring magdulot ng oral submucous fibrosis. Ang kondisyong ito ay sanhi ng “stiffness in the mouth and eventually the loss of jaw movement.”*

Isa sa pinakamalinaw na sanhi ng nga-nga ay ang pamumula ng bibig at ngipin. Para silang nagpahid ng sangkatutak na lipstick, pero kasama pati ipin! Maari rin itong sanhi ng tooth decay, gum disease at bad breath.

Kaya noon pa man, kapag nag-nganga-nga na si Nana Pula, umiiiwas na akong pahalik sa kanya, dahil baka mag-amoy nga-nga at apog ako. Pero nagmamano pa rin naman ako kay Nana Pula.

Subalit kahit may kakaibang adiksiyon si Nana Pula, ay mapayapang mamamayan naman siya. Mapagmahal din siya sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Maaring sabihin na adik siya sa pagmamahal sa kanyang mga pamangkin at apo, kasama na ako, kahit gaano pa ako kakulit noon.

Isang araw, matahimik na pumikit si Nana Pula, lumutang at pumailanglang sa walang hanggang kawalan. Wala sa aming nakababatang pamilya ang pumulot ng kanyang bisyo, kaya’t ito’y naglaho na rin sa pagpanaw ni Nana Pula.

(*from Journal of the American Dental Association)

13 comments

    1. I know a few in my father’s province (Bulacan) and my mother’s province (Ilocos Norte) as well. But then again that was in the 1970’s. So betel chewing may not be as popular now, though I’m sure there’s still some of them today.

  1. Thank you, I finally understand why nga nga is addictive to our elders, I guess because of the cumbersome preparation many generation X did not get it, and surely it will be labeled as gross by the millennials.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s