Tag-lagas: Isang Balik-Tanaw

Posted by

(Nais ko po muling balikan ang isang akda na aking isinulat walong taon na ang nakalipas, inilathala Oktubre 7, 2011.)

Lumalamig na naman ang simoy ng hangin dito sa amin. Tumitingkad na rin ang mga kulay ng mga dahon at nagiging ginintuan at pula. Unti-unti rin silang nalalagas, nalalaglag at kumakalat sa lupa. Dahan-dahang namang kumukupas ang mga luntiang kulay ng damo sa aming paligid.

Lipas na naman ang tag-araw. Hindi magtatagal ay tagginaw na naman. Lilipad na naman at babalut sa kapaligiran ang puting niyebe.

Nakaupo at nakahalukipkip sa isang sulok ng aming tahanan ang aking nanay. Siya ay dumadalaw sa amin dito sa Amerika, at mahigit dalawang buwan na rin siyang namalagi dito. Ito ay pangatlong pagkakataon niyang makarating dito sa aming lugar. Ang unang dalaw niya dito, mga ilang taon na ang nakalilipas, ay sa kalagitnaan ng tag-lamig, dahil gusto raw niyang masaksihan ang niyebe. Ngunit dahil sa sumusuot sa butong ginaw ng tag-lamig dito, ay ayaw na niyang manatili at maranasang muli ang tagginaw.

Dahil na rin siguro sa kanyang edad, ay hindi na siya mahilig mag-lalabas at mamasyal. Pinipili pa niyang umupo sa isang tabi at maiwan na lamang sa loob ng aming bahay. Masaya na siya sa panonood sa kanyang mga apo, o dumungaw sa bintana at magmasid sa kapaligirang mundo na patuloy sa pag-ikot. Maaring maligaya na siya na magbalik tanaw na lamang sa mga kasaysayan ng kanyang buhay.

Lahat ay nagbabago. Walang sinisino.

Malaki na rin ang ipinagbago ng aking ina mula ng ako’y unang tumulak parito sa Amerika. Hukot na ang kanyang tindig. Mahina na ang kanyang mga kamay: mga kamay na minsang panahon ay malalakas sa pag-aaruga sa aking kabataan. Malabo na rin ang kanyang mga mata: mga matang minsa’y kay linaw sa pagbabantay noon sa aking kalikutan. Purol na rin ang kanyang pandinig: mga tengang dati-rati ay matalas na dumidinig ng aking mga iyak at tawag. Mabagal na rin ang kanyang mga hakbang: mga hakbang na noon ay mabibilis sa paghabol sa aking kamusmusan, para ako’y malayo sa panganib.

Pana-panahon lamang ang lahat, ika nga nila. Ang oras ay tumatakbo, hindi naghihintay kaninuman.

Ilang araw pa ay tutulak na muling pabalik sa Pilipinas ang aking nanay, parang ibong manglalakbay na lumilipad patungong timog upang tumakas sa nagbabadyang masungit na taglamig.

Hindi ko alam kung ilang pag-kikita at ilang pag-papaalam pa ang nalalabi sa amin. Panahon lamang ang makapagsasabi. Sana ay nakapagdulot ako ng kasiyahaan bilang isang anak sa aking ina. Ito lamang ang pinaka-matamis na ala-alang maipapabaon ko sa kanya.

Hindi magtatagal ay mauubos at mahuhulog na rin ang lahat ng dahon sa mga puno, at matitira na lamang ay mga hubad na sanga at tangkay nito. Mananatili itong pawang tigang at patay…… hanggang sa panahon ng tag-sibol at muling magsisimula ang panibagong buhay.

***********

(*Post note: Ang aking ina ay tuluyan nang namaalam tatlong taon matapos kong isulat ang akdang ito.)

(**autumn photo taken from the web)

4 comments

  1. There is a time for everything, and a season for every activity under the heaven (Ecc 3:1). Binalikan ko ang bersong ito matapos mabasa ang komposisyong ito. May kanya-kanya talaga tayong panahon. Ang panahong pinagdaanan natin ay maaari nating ibahagi sa panahong pinagdadaanan o mapagdadanan pa lamang ng iba upang kapulutan ng aral.

    Ako ay nagagalak na ikaw ay nakapagbigay ng panahon sa iyong ina sa mga panahong kailangan niya.

    Salamat po sa inspirasyon!

  2. Tiyak na isa sa pinakamalungkot na karanasan para sa isang Pinoy na hindi sanay sa hubad na puno ang buhay sa malamig na bansa. At least hindi buko ang nalalaglag sa malamig na bansa, mas magaan ng kaunti ang dahon (the positive side)……

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s