Isang taon na naman ang idinagdag sa pahina ng aklat ng aking buhay. Oo, makapal na ang librong ito. Subalit sa buhay, ayaw mong maging maikling kwento, mas pipiliin mong maging mahabang nobela.
Ipagdiriwang pa rin ba ang kaarawan kung ikaw ay gurang na at hindi na bata?
Ako ay nasa yugto na ng buhay na ang aming pugad ay mawawalan na ng laman (empty nest). Tunay na may bahid ng kalungkutan dahil lilisan nang lahat ng aming supling at kami ay iiwanan na. Ngunit ganoon daw talaga ang buhay. Ang ating mga anak ay panandalian lang na ipinahiram sa atin. Ang responsibilidad natin ay ihanda sila at turaang maglayag na mag-isa. Masaya naman kami dahil sa matayog na silang lumipad.
Nakakalungkot ding isipin na hindi na magtatagal ay pagreretiro na ang tatambad na katotohanan sa akin. Matatapos na ang mga produktibong bahagi ng aking mga taon. Hindi maiwasang itanong ko sa aking sarili- naatim ko na ba ang nais kong maatim? Ano ba ang pamana at pangalang aking iiwan?
Totoo nga kayang nananaog na ang araw sa tugatog ng kanyang kinaluluklukan sa langit? Tapos na nga ba ang tag-araw at pumapasok na ang tag-lagas, at hindi magtatagal ay tag-ginaw na? Talaga bang lipas na ang kasigasigan ng lakas at dahan-dahan nang humuhupa ang mga ningas at baga sa apoy ng buhay? Hindi po tungkol sa pangangailangan ng Viagra ang tinutukoy ko dito.
Kung ang softdrink ay nawawalan ng espiritu, at ang chicharon ay nagiging makunat, at ang fishball ay nawawalan ng alsa, ang hopia ay inaamag, ang pahina ng aklat ay naninilaw, ang damo ay natutuyo, ang damit ay naluluma, ang kanta ay nalalaos, ang sayaw ay natatapos, ang tao rin kaya? Wala talagang forever.
Aking pinagmasdan ang repleksiyon na nasa salamin. Mabuti pa ang selfie, pwedeng may filter. At kahit ang video conferencing, pwedeng gumamit ng face filter app. Ang salamin wala. Brutal ang katotohanang nakaharap sa akin.
Nababakas na ang pinsala ng maraming taon sa aninong aking kaharap. Linaspag at pinagsamantalahan na ito ng panahon. May mga lukot na parang lumang diyaryo ang mukha. Malapad na tila paliparan ang noo. At may mala-maletang eyebag sa ilalim ng mga mata. Hindi totoong kalabaw lang ang tumatanda.
Totoo, desisyon ko na sumabak sa “stressful” na propesyong ito. Walang pumilit sa akin na magtrabaho sa mahirap at seryosong lugar gaya ng ICU. Pinili ko na makipagtungali sa mabigat na kalaban at makipagpatintero kay kamatayan. Maraming mga gabi na ako’y naglalamay at salat na salat ako sa tulog. Madalas na lagi akong humahangos dahil sa kaabalahan at malimit na walang matinong agahan o tanghalian at minamadali ang pagkain. Maraming panahon na mabigat ang mga desisyong kailangang gawin at para bagang pasan ko ang daigdig.
Sa kabila ng ito, wala akong panghihinayang sa pinili kong landas na tahakin. Akin na lang naisip na may mga bagay naman sa mundo na tumataas ang halaga sa paglipas ng panahon. Kagaya ng patubuan na utang na sa pagdaan ng maraming taon ay lumalaki ang interes. O kaya naman ay tulad ng alak na lalong tumatamis habang tumatanda. May mga keso rin na habang gumugulang at inaamag ay lalong lumilinamnam. At tulad rin ng mga pinamanang alahas na sa paglipas ng panahon ay lalong tuma-Tambunting, este….tumataginting ang halaga.
Kaya sa aninong nakatitig sa akin, ay akin na lamang itong aaliwin na sa bawat buhok na nalagas, ay may katumbas naman itong mga buhay na natulungan at na-isalba. Sa bawat kunot ng noo, ay patunay lamang ng mga suliraning aming napagtagumpayan. Sa bawat guhit sa pisngi, at kulubot sa sulok ng mga mata, ay tanda ng mga kasiyahan at ngiti na aking naranasan. At sa bawat puting buhok na umuusbong, ay sinyales ng mga karanasan na nagdagdag sa akin ng karunungan.
Akin pa ring ipagbubunyi ang aking gulang.

(*selfie was taken at The Hall of Mirrors in Chateau de Versailles)
**********
Post Note: WordPress sent a notification to me that this is my 1000th post on this blog. That is another milestone and something to celebrate too.