Ayokong mag-urong.
Pero bago kayo humusga na ako’y sobrang tapang dahil ako’y walang urong at puro sulong lang, ay hindi ang uri ng urong na ito ang ibig kong sabihin. Ang urong na hindi ko gusto ay ang paghuhugas ng pinggan. Sa Tagalog lang ba o Bulakenyo, kung saan ang tawag sa paghuhugas ng plato ay pag-uurong?
Dito sa aming bahay sa Amerika, kahit mayroon kaming dishwasher, ay mano-mano pa rin kami kung maghugas ng plato. Bibihira lang namin gamitin ang aming dishwasher. Para bagang ginagawa lang naming drying rack ang aming dishwasher.
Noong isang gabi, tinanong ako ng aking misis kung bakit ako “galit” sa paghuhugas ng plato. Ako ay napaisip…….bakit nga ba? Buti na lang at mahal pa rin ako ng aking misis kahit iniiwasan ko ang gawaing bahay na ito.
Kahit noong ako’y bata, nang ako’y nasa Maynila pa, ay hindi ko paborito ang pag-uurong. Pipiliin ko pang magwalis, mag-kaskas ng floor wax (Johnson’s wax ang alam kong brand), at mag-bunot ng sahig para kumintab, maglinis ng banyo, magdilig ng halaman, magtapon ng basura, mag-tapal ng Vulcaseal sa aming bubong, magbuhat ng bahay (huh?), kaysa maghugas ng plato. Bakit nga kaya?
Sa aming bahay sa Maynila, ang gamit naming pang kuskos ng plato ay lumang medyas, at hindi “scrub sponge” na tulad ng Scotch-Brite. Siguro mga butas na medyas ito ng aking tatay. Natawa ang aking misis nang nabanggit ko ito sa kanya, dahil lumang medyas din daw ang gamit nila sa bahay nila noong bata pa sila. Mas tipid di ba?
Ang aming gamit na sabon naman sa paghuhugas ng plato ay laundry bar, tulad ng Ajax o Superwheel – “konting kuskos, ayos!” Hindi pa uso ang mga liquid dish soap noong ako’y bata pa. Siguro meron na rin naman, mas mahal nga lang.
Maiba ako ng konti: noong bagong salta pa lang kami dito sa Amerika, dahil ignorante kami sa pag-gamit ng dishwasher, hindi namin alam na dishwasher detergent na nasa “pod” lamang ang dapat gamitin dito. Ibinuhos namin ang regular liquid dish soap sa aming dishwasher. Umapaw ang bula at bumaha ng sabon hanggang sa sahig ng aming apartment! Engot lang talaga.
Balik tayo sa kwento noong ako’y bata. Hindi naman sangtambak ang mga hugasin namin sa Maynila, dahil 5 lang kami sa pamilya, kaya’t konting plato, sandok at kaldero lang ang uurungan. Kadalasan ay nagkakamay pa kami kapag kumakain, kaya’t bawas pa sa kutsara at tinidor ang huhugasan. At lalong hindi kami gumagamit ng chopsticks. Sige nga, paano mo icho-chopstick ang tuyo o tinapa?
Hindi rin naman puro uling ang aming kaldero, dahil ang aming kalan ay de gas (LPG). Gasul o Shellane ang brand ng LPG na dini-deliver noon sa aming bahay. Pero naranasan ko ring mag-hugas ng pinggan sa probinsiya ng aking tatay na kung saan panggatong (firewood) ang gamit sa pagluluto. Kaya naman sobrang itim ng puwet ng palayok at kaldero ang aking hinugasan, na kailangan pa ng steel wool para isisin ang uling.
Hindi naman masasabing mabigat na gawain ang paghuhugas ng plato sa aming bahay, dahil may lababo at gripo naman, kung saan malayang dumadaloy ang tubig kapag iyo itong binuksan. Hindi gaya sa ibang tahanan, lalo na sa mga probinsiya, na kailangan mo pang mag-igib ng tubig mula sa balon o sa poso, at buhatin ang tubig para lang makapag-urong ng pinagkainan.
Tinuruan din naman ako ng aking nanay kung paano ang tamang paraan ng paghuhugas ng pinggan. Para hindi waldas sa tubig, gumagamit kami ng maliit ng planggana, kung saan doon namin ibinababad, sinasabon, at binabanlawan ang mga huhugasan. Mas tipid ito kaysa sa tuloy-tuloy na tulo ng tubig sa gripo. Mahal na kaya ng tubig mula sa NAWASA kahit noon pa man.

Pero ano nga bang dahilan bakit umiiwas akong maghugas ng plato?
Siguro ayaw ko lang gumamit ng lumang medyas para mag-urong. Pero ngayon dito sa Amerika, scrub sponge na ang aming gamit pero hindi pa rin ako madalas maghugas ng plato. O kaya’y ayaw kong mababad ang aking mga “sensitibong” kamay sa matapang na sabong panlaba. Hindi uso noon ang magsuot ng gloves – si Michael Jackson lang ang naka-gloves. O siguro ayaw kong mapasma ang aking mga kamay lalo na’t galing lang ako sa paglalaro ng basketball sa kalye. O siguro, sa isip ko dalawa ang kapatid kong babae, dapat sila ang maghugas. Hindi ko naman sinasabing ang pag-uurong ay trabahong babae lamang, sa katunayan, sa mga malalaking restaurants, ang mga busboy at tagahugas ng plato ay karamihan ay lalaki. O baka nama’y sadyang “tamad” lang ako?
Noong bagong panganak ang aking misis, masipag naman akong maghugas ng plato at kaldero, kasama na ng mga bote ng gatas ng aming anak. Kahit naman ngayon ay nag-uurong naman ako, madalang nga lang, na kapag nagvo-volunteer akong maghugas ay tinatanong ako ng aking asawa kung ako raw ba ay linalagnat o natutuliro lamang. Ibig lang sabihin, kahit hindi ko hilig, ay gagawin ko naman ito dahil mahal ko ang aking misis.
Ikaw, galit ka rin bang mag-urong? O paborito mong libangan at hindi ka papipigil sa paghuhugas ng plato? Parine na, at kailangan ka namin dito.
Sarap basahin palagi ang inyong lathalain, Doc.
Natuwa po ako na binanggit ninyo ang ating lalawigan ng Bulacan. Opo, dito lang yata tinatawag na “urong” ang paghuhugas ng mga pinagkainan. Iyon din po nagisnan ko kasi ako din po taga-urong sa amin. At gaya ninyo, iyon din mga gamit namin: lumang medyas at superwheel! at steel wool o eskoba sa mga kaldero kasi gumagamit po kami ng kalan de gatong.
Mabalik po ako sa salitang “urong”. Nang tumanda na po ako at bumalik ng seminaryo saka ko napagtanto bakit iyon ang gamit natin. May pagka-rated R po kasi ang “maghugas”… bahala na po kayo mag-isip kung anu ano ma-imagine ninyo pagsinabihan kayo ng “maghugas ka” lalo na kung babae…
O siya… urong na po ako!
Lumang medyas pala talaga ang gamit sa pag-uurong noon. Salamat ulit sa patuloy na pagtangkilik.
Ang galing, Doc, brings back memories. Naalala ko tuloy ang Superwheel, parang wala na nyan ngayon.
Wala ng Superwheel? Perla meron pa? Gamit namin ‘yan hindi lang sa labada, panghilamos pa!
Meron pa pong Perla, pinapangpaligo ko po sa aso minsan =)