Ang Aking Maleta (Bow)
Sariwa pa sa aking matamis na ala-ala,
Nang una akong mapadpad dito sa Amerika,
Bitbit ko lamang ay isang munting maleta,
Laman noo’y mga pangarap na aking dala-dala.
Hindi mamahalin ang aking mala-sakong maleta,
Binili namin ‘to ng aking nobya sa Divisoria,
Binarat pa namin ng husto yaong tindera,
Kaya’t napaaway pa, dahil walang pera.
Malayo rin ang narating ng aking maleta,
Bumigay man ang gulong, bago pa sumadsad ng Amerika;
At bagama’t matagal ko na itong pinagpahinga,
Mga pangarap na lulan nito’y buhay na buhay pa.
(acknowledgement: to my Divisoria-brand luggage that carried my dreams)