Ibinukas ko ang aking mga mata. Pamilyar ang lugar na aking kinalalagyan. Sa paglipas ng panahon ay nakabisado ko na ang bawat sulok ng silid na ito. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa aking kapaligiran. Panibagong umaga na naman. Ngunit sa likod ng aking isipan, ay may nagsasabing ang araw na ito ay natatangi at hindi pangkarinawan lamang.
Aking binalingan ang aking katabi sa higaan. Mahimbing pa ang kanyang pagtulog. Nababanaag ang kapayapaan sa kanyang mukha – isang kagandahan na aking masayang kinamumulatan sa bawat umagang dumarating. Siya ang pag-ibig ng aking buhay, kabiyak ng aking puso, at ina ng aking mga anak.
Mahirap paniwalaan na labing anim na taon na pala ang nakalilipas mula sa takdang araw na ito, nang kami ay pinag-isang dibdib. Marami na ring mga karanasan ang aming pinagsamahan. Mga masasayang yugto, at may ilang malulungkot. Mga kaginhawaan, at mayroon ding mga paghihirap. Mga matatamis, at may mga mapapait na yugto. Ang lahat ng ito ay lalo lang nagpalakas ng aming pagkabuklod.
Magkatabi kami sa pagtulog kahit sobrang maalinsangan ang gabi (sa Maynila at Florida) o maging saksakan man ng ginaw (gaya ngayon). Mula sa pagtulog sa matigas na lapag (ng kami ay unang manirahan sa New Jersey ), hanggang sa malambot naming queen bed ngayon. Mula sa maliit na studio-type na apartment, kasama na ang panandaliang panahon na kami ay naging “homeless” (sa New York) at nakitira lamang sa mga kaibigan, hanggang sa aming matahimik na sariling tahanan (dito sa Iowa) ngayon.

Naranasan din naming matulog ng hindi magkasama, nang kami ay sandaling nagkahiwalay. Namagitan sa amin ang malawak na dagat ng Pacifico. Mga ilang buwan din akong naunang tumulak dito sa Amerika, bago nakasunod sa akin ang aking asawa. Malamig at malungkot ang mga gabi, at napakahaba at nakaiinip ang mga araw noong mga panahong kami ay magkalayo.
May mga ilang yugto rin na ako’y na-‘outside ng kulambo’ at natulog sa sofa dahil sa mga tampuhan. Mga tampuhang pururot na madali naman naming nasasaayos. At kahit hindi ako inubos ng lamok, at kahit pa malaki at komportable ang aming sofa, ay hindi ko nais matulog pa uli doon.
Bahagi rin ng aming karanasan ang matulog na napapagitnaan ng isang sanggol, o kaya ay may katabing bata sa aming kama. Mga ilang taon din kaming natutulog na magkakasama sa isang kuwarto, kasama ang aming dalawang anak. Hanggang nasanay nang matulog ang aming mga supling sa kani-kanilang sariling silid ay doon lamang uli kami napag-isa at natulog na walang mga katabing alipores.
Kahit pa ako’y parang karburador sa paghihilik, o parang dalag na pumalag at sumisipa, o parang asong ulol na tulo laway kapag natutulog, ay mahal pa rin ako ng aking asawa at nais pa rin niya akong katabi sa gabi. Dahil mabait naman ako, kapag tulog. O marahil ay dahil mainit naman akong yumakap. Tunay naman talagang matatamis ang mga gabi, at kaayaaya ang mga umaga ng aming pagsasama.

Ako ay namalik-mata at naaalimpungatan lang yata. Kinurot-kurot ko ang aking sarili. Kung ang lahat ng mga karanasang ito ay panaginip lamang, sana ay huwag na akong magising.
Ako’y napabalikwas sa aking katabi. Mataimtim ko itong pinagmasdan at marahang yinakap. Buhay at tunay nga. Hindi ito panaginip lamang.
Labing anim na taon. At bumibilang………..
Hanggang sa ako’y mahimlay na sa aking huling hantungan, ay doon lamang ako mahihimbing na hindi sa iyong piling.
Wonderful! Happy happy post!
Maganda tahanan! LOL!
very nice! pogi points kay misis yan! 🙂 Happy 16th to you and the wifey!
I’m already following your blog but I found this post through a Google Search!!! Belated Happy 16th Anniversary! 🙂