Awit ng Isang Alibughang Anak

Posted by

Ako’y nakatanggap ng sulat noong makalawang linggo. Galing ito kay Uncle Sam. Sabi rito, ako raw ay inaanyayahan sa isang opisyal na interview o panayam.

Sa wakas! Hindi na ako pamangkin lang. Maari na rin akong maging anak. Ampon nga lang.

Matagal-tagal na rin naman akong naninirahan dito sa Amerika. Sa katunayan, dalawampu’t isang taon! Dalawampu’t isang taon ng pagiging dayuhan.

Naging masalimuot ang landas na aking tinahak para maging isang mamamayan. Iba’t ibang letra ng visa ang aking pinagdaanan. Nagsimula sa letrang B (tourist), naging J (exchange visitor), tapos naging O (non-immigrant with outstanding ability), hanggang naging H (non-immigrant worker), bago nabiyayaan ng green card (permanent resident). Mapalad pa rin kaysa ibang kababayan na ang visa ay TNT (tago nang tago).

At ngayon, iniimbitahan na nila ako para maging isang naturalisadong mamamayan (naturalized citizen). Sa madaling salita – maging ampong anak ni Uncle Sam.

Ito ay kung maipapasa ko ang aking interview.

Ito na ang huling hakbang sa pagiging citizen. Tapos na ang mga background check. Tapos na rin ang finger-printing. Interview na lang.

Madali lang naman daw ang interview. Maraming mga tanong ay personal. Maaring gusto lang nilang maniguro na ikaw ay mabuting tao, at magiging kapaki-pakinabang na mamamayan, at hindi palamunin lang at uubos ng buwis ng bayan.

Kasama sa interview ay ang pagsusulit sa salitang Ingles. Kailangan makapasa sa pagsasalita, pag-unawa, pagbabasa at pagsulat sa Ingles. Walang naman akong problema dito. Kahit Grade 1 na batang Pinoy kayang-kaya ito. Kahit ba Carabao English tayo, papasa pa rin.

Ngunit kasama rin sa interview ay mga tanong sibika (civic test). Ito ay mga tanong tungkol sa mga batas, mga prinsipyo, kasaysayan, heograpiya at samo’t saring kaalaman tungkol sa bansang Amerika. Dito ko kailangang mag-review.

May reviewer naman silang binibigay. Sinasaad dito ang mga 100 na katanungan na maaring itanong sa interview.

May mga tanong na madadali:

Tanong: Ano ang pinakamataas na batas ng bansa?

Sagot: constitution

Tanong: Sino ang tinaguriang Ama ng Amerika?

Sagot: George Washington

Mayroon namang mga tanong na medyo mahirap ngunit kailangan mong malaman:

Tanong: Kailan isinulat ang constitution?

Sagot: 1787

Tanong: Ano ang 13 na orihinal na estado ng Amerika?

Sagot: New Hampshire, Massachussetts, Rhode Island, Connecticut, New York, New Jersey, Pennsylvania, Delaware, Maryland, Virginia, North Carolina, South Carolina, Georgia

Noong isang araw, ako ay nag-review. Habang ako’y nag-aaral at nagpapaka-dalubhasa sa kasaysayan ng Amerika, ako nama’y hinaharana ng mga kantang Pilipino na aking kinamulatan, na tumutugtog sa aking CD player.

“Noong isilang ka sa mundong ito,

Laking tuwa ng magulang mo,

At ang kamay nila ang iyong ilaw.” (Anak by Freddie Aguilar)

Ako ba’y pinaparinggan ni Ka Freddie? Ampong anak ba kamo? O baka naman alibughang anak?

Para bang nasa gitna ako ng dalawang nag-uumpugang bato. Dalawang kulturang nagbabanggaan sa aking damdamin at isipan. Dalawang lahing nagbubuno sa aking pagmamahal. Dalawang bansang nag-aagawan sa aking katapatan.

Tapos nabasa ko sa aking reviewer ang tanong na ito:

Tanong: Ano ang isang pangako na kailangan mong gawin para maging mamamayan ng Estados Unidos?

Sagot: Talikuran ang katapatan sa ibang bansa.

Biglang bumigat ang aking damdamin. Parang may kumurot sa aking puso. Hindi ko alam kung sarili ko itong konsensiya, o ako’y pinaparamdaman ng mga multo ni Rizal at ni Bonifacio.

Sabay sumalang naman si Noel Cabangon* kasama ni Gloc-9 at kumanta ng “Manila” (originally sang by Hotdog) sa aking player.

“Maraming beses na kitang nilayasan,

Iniwanan at ibang pinuntahan,

Parang babaeng ang hirap talagang malimutan….”

Hindi na ako makapag-concentrate sa aking binabasa. Ang isipan ko’y nagsimula nang magliwaliw sa isang lugar na aking minahal at patuloy na minamahal.

traffic-jam

“Hinahanap-hanap kita Manila

Ang ingay mong kay sarap sa tenga

Mga jeepney mong nagliliparan

Mga babaeng naggagandahan….”

Ibinaba ko na ang aking reviewer. Ipinikit ang mga mata. At marahang sumabay sa pagkanta.

“Manila, Manila,

I keep coming back to Manila,

Simply no place like Manila,

Manila I’m coming home…..”

******

(*songs from the album “Tuloy ang Biyahe” by Noel Cabangon)

(**photo above is from philippineslifestyle.com)

15 comments

    1. Mabigat talaga. At alam kong hindi lang ako, dahil meron akong mga kaibigang Pinoy na napaiyak pa, hindi sa tuwa, kundi sa lungkot nang sila ay manumpaan na.

      Salamat sa pagdaan.

  1. Dati, hindi ko pinangarap na mangibang bansa. For study or travel, puwede but not permanently. Pero ngayon, with everything that’s happening in the country, hindi na ako magugulat kung mas pipiliin kong maging alibughang anak. Nice post!

    1. Nang lisanin ko ang Pilipinas sabi ko para mag-training o mag-specialize lang. Ngunit sa paglipas ng panahon nag-iba ang ihip ng hangin at nagdesisyong manatili sa bansang banyaga. Siguro dahil na rin sa hindi pag-asenso ng ating bansa.

      Salamat sa iyong pagdaan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s