Norzagaray, Bulacan. Ito ang tahanan at pinagmulan ng aking lahi. Bagama’t ako’y lumaki sa masalimuot na siyudad ng Maynila, ay marami akong alaala sa probinsiya na tinubuan ng aking ama.
Dahil sa maagang pagkamatay ng kanyang tatay, ang aking ama ay kinupkop at pinalaki ng kanyang tiyahin doon sa Norzagaray. Isa sa mga kinilala naming lola ay ang tiyahin na ito ng aking tatay.
Noong ako’y bata pa, kahit kami ay naninirahan na sa Maynila, ay halos linggo-linggo ang pagdalaw namin sa aking lola. Mahigit isang oras na biyahe lang naman ang Norzagaray mula sa Maynila. Mula sa Balintawak ay tatahak kami ng North Luzon Expressway. Lalabas sa Bocaue, at dadaan ng Sta. Maria. Mula sa Sta. Maria hanggang Norzagaray ay mga bukid at parang na ang tanawin. (Tulad ng tanawin ko ngayon dito sa Iowa.)
Ang bahay ng aking lola sa Norzagaray ay tunay na katutubong bahay probinsiya. Pahaba ang pagkakayari nito at maaaring hatiin sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ang nakabungad sa kalsada. Ang bubong nito ay nipa, ang sahig ay tabla, at ang dingding sa loob ay lawanit. Laman dito ang malaking aparador na ang pinto ay mahabang salamin, at mga upuan na gawa sa narra at solea na yari sa rattan. May dalawang malalaking tumba-tumba sa tabi ng malapad na bintana na nakadungaw sa lansangan.
Ang gitnang bahagi, ay paloob mula sa bukana. Ang bubong ay yero, ang kisame ay pira-pirasong karton, at ang sahig ay mga hibla ng tinapyas na kawayan, na malalaki ang pagitan (kasyang mahulog ang jolen), kung saan maaring silipin sa mga siwang ang nasa silong ng bahay. Dito nakaimbak ang mga sako-sako ng palay, na siya na rin nagsisilbing upuan.
Ang pangatlong bahagi ay ang looban at ito ay nakaharap sa malawak na palayan na nasa likuran ng bahay. Narito ang hapag-kainan, ang batalan, ang kasilyas, at ang batong kalan na gamit ay panggatong. Dahil walang refrigerator, ang mga pagkain ay nasa loob ng mga buslo na nakabitin upang hindi langgamin. Narito rin ang malaking tapayan na sisidlan ng tubig mula sa balon na sinala lang sa tela. (Kahit kulang sa sanitasyon ay hindi uso ang Amebiasis o cholera.)
Naalala ko na may alagang pagong ang aking lola, na nakatira at pagala-gala sa loob ng banyo. Akala ko noong una ay bato na panghilod, ngunit nagulat ako ng ito ay maglakad! May mga alagang ring manok, na nakatira sa silong ng bahay, ngunit sila ay malayang lumalaboy-laboy sa tabing bukid. Kapag pakakainin na sila, ay kakalampagin lang ang tabla sa bintana, at sila ay magtatakbuhan at mag-iipon ipon sa baba ng bintana. Mula sa bintana ay isasaboy namin ang palay, o mais, o kanin, at ang mga manok ay mag-aagawan na sa pagtuka ng kanilang pagkain.
May mga umagang ang pagkain namin ay itlog na mainit-init pa mula sa pugad ng manok sa silong ng bahay. Madalas din kaming may sariwang gatas ng kalabaw mula sa talipapa. Masarap kumain ng pagkaing luto sa apoy, habang nakadungaw sa bukid, at habang umiihip ang sariwang hanging amihan.
Maraming panahon din kaming naglalaro sa bukid sa likod ng bahay. Doon kami tumutulay sa pilapil at naghahabulan sa parang. Dito rin kami nanghuhuli ng mga palakang bukid. Sa dulo ng palayan ay mga burol, at sa kabila nito ay ang malawak na tumana, kung saan naman may taniman ng gulay ang aking lola.
Sa paglipas ng panahon, ay napag-iwanan na ng pag-unlad ang bahay na ito. Naging sementado na ang kalsada sa harap ng bahay. May mga bagong bahay na yari sa bato ang itinirik sa tabi nito. May mga apartment na pinagawa sa tapat nito. Ang palayan sa likod ng bahay nang malaon na, ay naging subdivision na. Nawala na ang mga parang sa paligid na takbuhan ng mga manok at mga batang paslit na tulad ko. At kahit pa alukin ng aking tatay na ipaayos ang bahay ng kanyang tiyahin, ay hindi niya mapapayag ang matanda. Hindi nito nais na gastusan pa ang bahay, dahil sabi niya ang lahat ng bagay ay hindi rin magtatagal. Masasabing nilamon ng progreso ang bahay ng aking lola.
Sa bahay na ito lumaki ang aking ama. Sa bahay rin na ito, naburol siya. (Nauna pang pumanaw ang aking tatay kaysa sa aking lola.) Bagama’t panandaliang ibinurol ang aking tatay sa isang funeraria sa Maynila, ay inuwi ang kanyang mga labi sa Norzagaray upang doon siya ilibing, at mabalik sa lugar na kanyang pinagmulan.
Naging madalang na matapos noon, ang aming pagluwas sa Bulacan. Lumipas pa ang ilang mga taon ay pumanaw na rin ang aking lola. Sa kanyang pagyaon, ay pinagiba na rin ang munting bahay na iyon — upang magbigay daan sa pag-unlad………..at ang naiwan na lamang, ay anino ng alaala.
(*photo from internet)
Hi Amer! Ang galing naman nito…I feel your nostalgia 🙂
Thanks Adelle.
A Bitter-sweet nostalgia! Nakakamiss lang na maalala ang ganitong mga bagay, nakakapagbigay ngiti at galak. Pero nakakalungkot din isiping ang dating munting bahay na magrereinforce sana ng mga alaala eh nawala rin para bigyang daan ang komersyo at sinasabing “kaunlaran” Hindi lang ito nangyayari sa bayan ng Bulacan kundi sa kahit saang sulok ng Pilipinas. Ang mga taniman ay ginagawang subdivision o di kaya’y buildings na pang-komersyo. Ewan ko kung magagalak ako dito. Pero hindi ba’t agricultural country tayo. Marapat lang na ang agriculture ang gawing base ng industriya. Pero oo nga naman at kailangan nating makipagsabayan. Pero hanggang kaylan tayo sasabay?
Salamat sa iyong entry pinoytransplant!
Totoo. Ilang bukid pa ang lalamunin ng “progreso”? Ilang “bahay-kubo” pa ang gigibain sa pangalan ng kaunlaran?
Salamat sa iyong pagdalaw.
Ipunin mo na mga essays mo, malapit na nating i-publish as a book. 🙂
Oi may lahing Bulakeno ka pala! Sa Guiguinto po ako!
Ganun din ang nangyari sa bahay namin sa Guiguinto. Bahay yun ng lolo at lola ko na pinamana kay tatay. Kapiz ang bintana. May bukid dati sa likod namin at madalas kaming mamasyal dun, at lumusong sa patubig. Sariwa ang hangin.
Nilamon din ng pag-unlad ang aming lugar. Subdibisyon na ngayon ang dating bukirin sa likod ng bahay namin. Haaay.
Salamat sa sinulat mo. Ang sarap basahin 🙂
Nagiging bahayan na ang ating mga ginintuang palayan. Talagang nilalamon ng progreso (kung tunay nga bang progreso) ang ating mga bukirin.
Sa San Ildefonso Bulacan ang asawa ko. Nagustuhan ko ang Norzagaray at ang buong bulubunduking bahagi ng Bulacan, nakarating ako sa liblib na bahagi ng Sierra Madre. That made my trip!
Maganda ang Sierra Madre.