Ngayong araw na ito ay simula ng Chinese New Year. Mula mainland China, Hong Kong, Singapore, Binondo, at sa iba’t iba pang Chinatown sa buong mundo, ay magkakaroon ng mga selebrasyon, parada, fireworks, at sari-saring pagdiriwang.

Sangayon sa Chinese calendar, ang taon na ito, ay Taon ng Kuneho. Suwerte raw ang kuneho, pero para sa aking misis ito ay peste, dahil kinakain nila ang kanyang mga tanim na halaman at bulaklak. Siguro’y lalong maglilipana ang mga kunehong nakatira sa ilalim ng aking deck at ilalim ng puno sa aming bakuran. Alam kaya nila na taon nila ngayon?
Noong ako ay nasa Pilipinas pa, ay may mga kapit-bahay kaming mga Tsino. Kadalasan ay nagsisindi pa sila ng mga paputok at kuwitis sa aming kalsada tuwing New Year nila. Hindi ko na kailangan pang pumunta sa Ongpin o Binondo para maranasan ang Chinese New Year. Maraming ring mga kaibigan at mga katrabaho ang tatay ko na lahing Tsino. Kaya’t sa mga panahong gaya nito ay laging may nagbibigay sa amin ng tikoy. Nakatatanggap din kami ng kalendaryo nila.
Maraming impluwensiya ang mga Tsino sa kultura nating mga Pilipino. Sila ay masinop, matinik sa matematika at magaling sa negosyo. Hindi naman siguro kaila sa lahat, na maraming mayayaman sa Pilipinas ay may lahing Tsino. Pati sa ating araw-araw na suot, gaya ng camisa de chino at tsinelas ay galing sa kanila. Marami rin sa ating mga salita ay galing sa kanilang salita, tulad ng siyansi, tawsi, at liempo. Malaki rin ang impluwensiya nila sa ating katutubong pagkain, tulad ng pansit at lumpia. Sa kanila rin galing ang jueteng at mahjong. Marami naman tayong pwedeng gawing pampalipas oras, gaya ng kung-fu, kung bakit sa jueteng pa tayo nalugmo?
Kahit ako ay walang dugong-Tsino (wala nga ba? pero ninong ko’y Chinese) ay hindi nangangahulugang hindi ko nami-miss ang mga bagay na may kaugnayan sa kanila. Tulad ng Ma Mon Luk, Chowking at Kowloon House. Kumalam tuloy ang aking sikmura sa mga Chinese food tulad ng canton, mami, siopao, siomai, hopia, champoy, kiamoy at siyempre tikoy.

Ano kaya ang kapalaran na hatid ng Taon ng Kuneho? Kapalaran ko kayang matikman ulit ang tikoy? (Sa mga kaibigan kong dugong-Tsino, hindi ako nagpaparinig.) At kahit pa sabihing swerte ang taong ito, wala pa rin akong balak tumaya sa Jueteng.
(*photos from internet)
Napakalaki ng kontribusyon ng kultura ng bansang Tsina sa atin. Isa na sa pinakamahalaga ay ang pagkain. 🙂