Mga Anino sa Malaking Puno

Sa tabi ng aming bahay ay may isang matandang punong kahoy . Ito ay malaking oak tree (parang bang balete?). Siguro ay maraming taon na itong saksi sa mga hindi pangkaraniwang pangyayari sa kanyang kapaligiran. Magaspang na magaspang na ang balat nito, at hukot na ang mga sanga. Ngunit malawig at mayabong pa rin ang mga dahon nito na tumatabing sa liwanag, at lumilikha ng malawak na anino.

ang aming malaking puno

Minsan isang takipsilim, nang nagsisimula nang bumalot ang dilim, ay may nakita akong isang malaking nilalang na nakahapo sa aming puno. Matalim ang kanyang mga tingin na para bagang nag-aabang ng kanyang madadagit. Bigla itong lumayas nang maramdaman nitong nasulyapan ko siya.

Sa ilalim ng puno ring ito, ay may pagkakataong nakakakita ako ng mga nakatalungkong maliliit na mga anino, na mabilis na tumatakas kapag ako’y papalapit na. Marahil sa loob ng punong ito sila naninirahan, dahil may malakwebang butas ito na malapit sa lupa.

Sa madaling araw naman, kapag nag-aagaw na ang liwanag ay may mga naririnig kaming mga nakakabighaning awit na para bang sumasamo, na nanggagaling sa malaking punong ito. Sa gabi nama’y mga nakakakilabot na huni na parang sigaw ang bumabasag sa katahimikan ang aming naririnig.

Subalit bago tuluyang sakmalin ng lagim ang inyong puso, sanhi ng inyong malikot na pag-iisip, at akalaing tikbalang, nuno sa punso, dwende, at mga engkantada ang naglalagi sa aming matandang punong kahoy, ay hindi ito gayon. Dahil lawin, mga squirrel, chipmunks, cardinals at kuwago ang aking tinutukoy na dumadalaw sa aming oak tree.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s