Usapang Lamok

Posted by

Isang dapit-hapon ng tag-init. Ako ay matahimik na nakaupo sa labas ng aming bahay. Minamasdan ko ang aking kapaligiran na dahan-dahang sinasakmal ng dilim. Ngunit ang aking pagmumuni-muni ay ginambala ng mga bulong ng umaaligid sa akin na mga munting nilalang. Hanap nila ang init ng aking dugo.

Bago pa ninyo isipin na ako ay tuluyan nang nasiraan ng bait, ang akin lamang tinutukoy ay mga pesteng lamok na lumilipad-lipad sa aking paligid. Iiiiiiinnnnggggg………Bzzzzzzzzzz…….*bugaw-bugaw*…….iiiiiiinnnngggggg……….Pak! Splat! Pak!

mosquito having a blood meal (photo courtesy of US Dept. of Agriculture)

Para sa inyong kaalaman, aking mga kababayan, ay mayroon ding lamok dito sa Iowa. Sila ay naglipana din sa aming lugar, lalo na sa tag-araw. Hindi ko lang alam kung saan sila nagtatago sa panahon ng tag-ginaw. Masakit din silang kumagat, at sa wari ko nga’y mas malalaki ang Amerikanong lamok, at tila baga may pangil!

Dahil sa udyok at bulong ng mga lamok, ay napabalik-tanaw tuloy ako sa aking mga karanasan, doon sa atin sa Pilipinas.

Sa lugar na aking kinalakihan sa Sampaloc, ay sangkatutak ang mga lamok. Dahil sa mga bukas na kanal, at dahil na rin sa itim na sapa, na may tatlong kanto ang layo sa aming bahay, kung saan doon nakatirik ang mga dikit-dikit na barong-barong. Dito sa mga hindi dumadaloy na tubig na ito, ang pugad at itlugan ng mga manok, este lamok. Dito matatagpuan ang sandamungkal na mga ‘di mapakaling kiti-kiti (mosquito larva). Salamat naman at noong malaon na, sa isang proyekto para sa kaunlaran ng lungsod ng Maynila, ay tinakpan na ang mga kanal at tinabunan na rin ang sapa doon sa amin.

Maraming sakit ang dala ng lamok. Tulad ng Dengue, Malaria, Yellow Fever (wala itong kinalaman sa EDSA o People’s Power), Equine Encephalitis, at West Nile Virus. Dengue at Malaria ang palasak sa atin sa Pilipinas. Ang mga malubha at nakamamatay na sakit na ito ay nakukuha mula sa kagat ng lamok.

Alam n’yo ba na babaeng lamok lang ang nangangagat ng tao’t hayop? Sila lang ang sumisipsip ng dugo at naghahasik ng sakit at lagim. Ang mga lalaking lamok ay nektar ng mga bulaklak at katas ng halaman ang kinakain. Mas makakabuti kaya ang buhay kung walang mga babae sa mundo? Bago ako ma-outside-da-kulambo ng aking misis, ay babaeng lamok ang ibig kong sabihin!

Naalala ko noong na-Dengue ang aking bunsong kapatid, at siya’y na-ospital sa Infant Jesus doon sa may Laong-Laan. Panay ang kuha ng dugo sa kanya ng mga duktor at nurses, dahil sinusubaybayan nila ang bilang ng kanyang platelet at hematocrit. Ang pagbagsak ng platelets at pagtaas ng hematocrit ay mga sinyales na lumalala ang Dengue.

Dito ko nasaksihan nang tusukin ang aking kapatid ng mahabang karayom para kunan ng dugo. Hindi ininda ng aking utol ito, habang ako na magmamasid lamang ay halos himatayin! Napansin siguro ng nurse na putlang-putla na ako at susuray-suray na sa aking pagkakatindig, kaya’t pinalabas niya ako ng silid. Nasa elementarya pa lamang ako noon. At kahit ngayong duktor na ako, ay nangingimi pa rin ako, kung ako na ang tuturukan ng karayom.

Ano ba ang ating mga pamamaraan para iwasan ang kagat ng lamok?

Una na rito ay paggamit ng kulambo. Dahil may screen ang mga bintana at pinto ng aming bahay sa Maynila, kaya hindi namin kailangan matulog na nakakulambo. Ngunit kapag kami ay lumuluwas sa probinsiya – sa Norzaray, Bulacan (lugar ng aking tatay) o sa Ilocos Norte (lugar ng aking nanay) – ay dito ko naranasan na matulog na nakakulambo. Masarap alalahanin, ang aming buong pamilya, sama-sama sa ilalim ng iisang kulambo.

Tunay naman na kapag ikaw ay nasa loob ng kulambo ang pakiramdam mo ay para kang nasa kanlungan at ligtas sa mga atake ng hukbo ng mga lamok. At kung sakaling ikaw ay magising sa gitna ng gabi, ay iyong masasaksihan ang isang kulapol na insektong nakadapo sa kulambo, kasama na ang kahindik-hindik na ipis, na nakaabang sa iyong paglabas ng kanlungan.

katol

Panlaban din natin sa lamok ay ang katol. Sari-sari ang tatak ng mga katol: Elephant (elepanteng mabango), Lion-Tiger, Dragon at Baygon. “Lamok ay siguradong teypok!” Kung may mga adik na sumisinghot ng damo na binilot sa papel, at ang iba’y lumalanghap ng Rugby na nasa plastik na supot, ang aming barkada nama’y ang sinisinghot ay usok ng katol. Pare, walang basagan ng trip.

Ang pag-gamit ng katol ay laganap pa rin sa Asia, Africa at South America. Walang katol dito sa USA. Sa isang pag-aaral na nilathala ng National Institue of Health, ay napag-alaman na may mga panganib sa kalusugan ang paggamit ng katol. Sangayon doon, ang binubugang formaldehyde (isang masamang kemikal) ng isang coil ng katol ay katumbas sa paghithit ng limampu’t isang (51) sigarilyo. Santong katol! Pati tao siguradong tepok!

Isa pa sa ating ginagamit sa pagpuksa sa mga lamok ay mga insecticides at mosquito spray. Isa sa pangunahin at tanyag na kemikal ng insecticide ay dichlorodiphenyltrichloroethane o DDT. Totoo nga na mabisa ito sa pagpuksa ng lamok, at naging epektibong paraan sa pagsupil sa paglaganap ng Malaria sa mundo. Ngunit dahil sa mga resulta ng mga pagsisiyasat na nagsasabing ang DDT ay nakakapinsala din sa tao at sa kalikasan, kaya ipinagbawal na ang paggamit nito sa maraming maunlad na bansa. Ang paggamit ng DDT ay banned sa US mula pa noong 1972, ngunit may mangilan-ngilan pa ring bansa na gumagamit nito. Marami pa rin namang mga insecticides ngayon na mas ligtas gamitin.

Minsan nga ay mapapakamot tayo ng ulo, kung ano ba ang mas ligtas: gumamit ng malalakas na kemikal, o magpakagat na lang sa lamok?

Noong ako’y bata pa ay madalas din naming bombahin ng mosquito spray ang aming bahay, lalo na ng matapos ma-Dengue ang aking kapatid. Natatandaan ko pa, magtatali lang ako ng panyo para takpan ang aking mukha upang hindi ko masyadong malanghap ang insecticide, at matapang ko nang bobombahin ang bawat silid ng aming bahay. Kapag hawak ko ang pambomba ng insekto, ang feeling ko’y ako si Rambo, habang sumasagupa sa batalyon ng lamok . Sa wari ko nama’y mga kulisap lamang at hindi aking utak ang naburo sa saboy ng insecticide. Wala pa namang nagsabing ako’y utak-lamok!

vintage bug spray, similar to what we used in Manila (photo courtesy from somethingsaved.com)

Mga alaala nga naman ng buhay, parang kagat ng lamok. Kahit lipas na, may naiiwan pa ring pantal. At masarap pa ring kamutin.

*****

Ang aking malalim na pagbubulay-bulay ay muling binulabog ng mga bwisit at masusugid na lamok. Iiiiinnnnngggg……..Bzzzzzzzzz………iiiiinnnnnggg…….*bugaw-bugaw*…….Pak! Splat! Pak!

Tumayo ako sa aking pagkakaupo at pumasok na sa loob ng aming bahay, bago ako ubusin ng mga lamok. O bago ako tuluyang mabuwang at kagatin ko ring lahat ng lamok!

Saan kaya ako makaka-score ng katol dito sa Iowa?

2 comments

  1. Talaga? Ganoon kabagsik ang katol? Up to now, mahilig pa rin akong gumamit nyan. Maski kasi meron nang device ‘yong Baygon , yong cube na may lamang anti-mosquito spray na ipina-plug lang, parang di naman umaalis ang mga lamok. So since about two years ago, nagbalik-katol ako, as in… ^^

    Babasahin ko uli itong post mo, dok. Para makumbinsi akong hwag nang mag-katol, haha. Regards… 😉

    1. The burning of katol, especially indoors can be hazardous to health, as shown by many studies, as they emit a lot of fine particles, just like in cigarette smoke.Yet it is hard to quit using them, as they are indeed effective in repelling mosquitoes. But there are lots of safer alternatives.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s