Sa aking pagdungaw sa aming bintana ay binati ang aking umaga ng bagong bagsak na puting niebe na bumalot sa aming buong kapaligiran. Dahil sa nakakakilabot na ginaw, ay binalot ko rin ang aking sarili ng makapal na kumot at nangarap sa isang maiinit-init na paraiso………

Isang paraiso na kung saan ang araw ay humahalik sa naglalarong alon ng dagat. Kung saan ang kaaya-ayang simoy ng hangin ay humihimas sa mga sumasayaw na puno ng niyog. Kung saan ang mga hambog na bundok ay luntian at ang mga puno ay pinagmamalaki ang kanilang mayayabong na sanga at mga dahon. Kung saan ang mga dumadalaw ay sinasasabitan ng kwintas na bulaklak sa kanilang leeg, habang sumasalubong ang magagandang binibini na may bulaklak sa kanilang tenga, at bumabati ng “Aloha.”
Kami ay pinalad na makarating sa isla ng Oahu sa Hawaii, kamakailan lamang. Dito kami ay nagliwaliw at kung saan namin nasaksihan ang magagandang pook at tanawin. Dito rin kami ay nagtampisaw sa kanyang maligamgam na tubig ng dagat. At dito rin kami ay nagpahingalay sa tabi ng kanyang mainit na dalampasigan. Talaga namang mala-paraiso ang lugar na ito, at hindi kataka-taka na isa ito sa mga masasayang lugar sa mundo.

Subalit ang paraiso mang ito ay hindi malaya sa mga problema at kahirapan. Nagbubuhol-buhol din ang trapiko dito. May mga pulubi at mga “homeless” din na lumalaboy-laboy at natutulog sa mga publikong liwasan. At sabi rin ng mga lokal na naninirahan dito, ay sobrang mahal ang bilihin at presyo ng kabuhayan sa munting islang ito. Ito ay lugar lamang daw para sa mga turista. Kahit sa “masayang” lugar na ito, ay hindi pa rin mawawala ang mga sawimpalad sa pag-ibig.
At kung ating aalamin ang kasaysayan, ang paraisong ito ang pinangyarihan ng kahindik-hindik na trahedya at pook ng marahas na digmaan, nang bombahin ang Pearl Harbor. Laksa-laksang buhay ang nabuwis sa kanyang kanlungan.
Ang aking lang punto ay kahit sa lugar man na waring paraiso, ay may kanya-kanya pa rin itong mga suliranin. Sa katunayan, kahit sa perpektong paraiso, sa Hardin ng Eden, ay naging pook din ng tukso at pagsuway. Ito ang naging sanhi ng dalamhati sa buong sang-katauhan.
May tunay nga bang lugar na paraiso? Para sa akin ang paraiso ay hindi isang pook. Hindi ito isang lugar na makikita sa mapa. Kundi ito ay isang kalagayan o estado sa buhay. Kalagayan sa buhay, kung saan ikaw ay masaya at kontento. Kalagayan sa buhay kung saan ang iyong mga pangarap ay naatim. Kalagayan sa buhay kung saan iyong nararanasan ang malayang pagmamahal. Sa paraiso – ang pag-big ang naghahari.
Aking pinagmasdan ang aking kinalalagyan ngayon. Mahimbing pa sa pagtulog ang aking maybahay at mga anak. Bakas sa kanila ang saya at kapayapaan sa aming munting mundo. Tunay nga na kahit sa lugar na sobrang lamig at ibinaon sa yelo, ay maaring maging paraiso.

Ang iyong maybahay, ay mahimbing ang tulog dahil siya ay may kapayapaan at kaligayahan sa buhay.
Kapayapaan sa pagtulog na binubulabog lamang ng aking malakas na paghihilik 🙂