Mahal kong mga readers, heto na naman po ang bagong installment ng mga hugot. Kung merong Hugot Cafe, welcome naman po kayo dito sa Hugot Clinic.

Duktor: (Habang iniineksyunan ng local anesthesia ang pasyente para sa simpleng operasyon) O Hija, konting kirot lang ang injection na’to, pero pampamanhid ito at walang ka nang mararamdaman pagkatapos.
Pasyente: Kahit wala ng anesthesia Doc. Sanay na akong masaktan. Manhid na manhid na nga ako.
**********
Duktor: (Habang tinatanggal ang bondage sa sugat ng pasyente) Magaling at tuyo na ang sugat mo dito sa iyong braso.
Pasyente: Pero ang sugat sa puso ko Doc, hindi pa rin gumagaling. May band-aid ba para dun?
**********
Pasyente: Doc, ang pait naman ng nireseta n’yong gamot.
Duktor: Ganyan talaga, ang mapapait na karanasan ang magpapalakas sa iyo.
**********
Pasyente: Doc, may gamot ba kayo sa constipation? Hindi ko kasi mailabas-labas ang mga sama ng loob ko.
Duktor: Namputcha, hindi laxative ang kailangan mo. Halika, daanin na lang natin sa maboteng usapan.
**********
Pasyente: Doc, ano po ba ang sanhi ng madaling mapagod?
Duktor: Baka may cardiomyopathy o kaya ay heart failure. Sige, i-check-up na kita.
Pasyente: Hindi po ako, ‘yung boyfriend ko. Sabi niya ayaw na niya, kasi raw pagod na ang puso niya.
**********
Pasyente: Doc, meron pa bang lunas ang kalagayan ko? Lagi na lang akong pinapaasa.
Duktor: Naku ‘Te, wala ng pag-asa. Walang gamot sa tanga.
**********
Pasyente: Doc, feeling ko ako si Invisible Man. Kasi andito lang naman ako, pero bakit hindi niya ako nakikita. Hindi pa rin ako pinapansin.
Duktor: Next patient please!
**********
Duktor: Bumibigat ka. Kailangan mong tumakbo at mag-exercise.
Pasyente: Pero Doc, sabi ng misis ko takbo na raw ako ng takbo.
Duktor: Engot ka pala eh, hindi exercise yung tumatakbo sa responsibilidad.
*********
Pasyente: Doc, hirap na hirap po akong gumising.
Duktor: Ah, baka may narcolepsy ka. Sige, resitahan kita ng stimulant.
Pasyente: Magigising po ba ako sa katotohanan sa gamot na yan Doc?
Duktor: Ah meron din gamot diyan…….tadyak!
**********
Duktor: (Habang pinapakinggan ang baga ng pasyente) O clear naman ang tunog ng mga baga mo.
Pasyente: Pero Doc, sumisikip ang dibdib ko at hirap pa rin akong huminga. Lalo na kapag naaalala ko ang kumag na iyon.
Duktor: Teka, hindi Pulmonologist ang kailangan mo kundi Psychotherapist.
**********
Pasyente: Doc, may gamot ba para magka-amnesia? Gusto ko lang kasing kalimutan na siya.
Duktor: Ah, may mabisa akong gamot diyan. Heto, inumin mo na ang tabletang ito.
Pasyente: (ininom ang gamot)
Duktor: O eto na ang iyong doctor’s bill.
Pasyente: Ano ho ito? At sino ho kayo?
**********
Duktor: (Matapos i-test and vision ng pasyente) Wala namang diperensiya ang mata mo Hijo. 20/20 nga ang vision mo.
Pasyente: Pero Doc, sabi ng mga kaibigan ko nabubulag daw ako.
Duktor: Ah, meron din kaming lunas diyan: kontra-gayuma. Pero meron ding mas mura…….batok!
**********
Duktor: Hindi mabuti kung lagi mo na lang pinipigilan. Kahit ano pa man ang sabihin ng iba, mas giginhawa ka kung iyo na itong bibitiwan at papakawalan.
Pasyente: Pero Doc, hindi ko po talaga kaya.
Duktor: Kabag ang tinutukoy ko. Dapat itong pakawalan at iutot.
**********
Pasyente: Doc, ayaw ko na pong maging sanitary napkin.
Duktor: Huh? Anong ibig mong sabihin?
Pasyente: Kasi ginagawa lang akong panakip butas.
Duktor: Kahit ganyan ang kalagayan mo, taas noo pa rin. Dahil pwede pa rin “with wings.”
**********
Hanggang sa susunod na Hugot sessions na lang muli. Making Hugot like a Boss.

(*images from the web, all other materials are original)
Kailangan kong magpatingin sa doc na iyan
Sige, may discount. 🙂
I am coming!
hugot pa, boss! kakatuwa!
Salamat
Parati bang available si Doc kahit pandemic? Hihi
The doctor is in – may pandemic o wala.