Balat Sibuyas

Posted by

Tayong mga Pinoy ay sadyang mapag-biro. Mapanukso. Maaring sabihin natin na natural lang tayong may mapag-larong ugali. O siguro dahil naman sa tanggap sa ating kultura ang pagkatuwaan ang ibang tao. Siya nga?

Noong ako ay nasa Elementarya, ay naging kaeskwela ko sina matsing, kabayo, aso, pagong, bubuli, penguin, at kwago. Bago ninyo isipin na sa Manila Zoo ako nag-aral (malapit lang doon), ang mga bansag na ito ay tuksuhan lamang sa aming mga mag-kakaklase, kasama na ako dito. Siyempre may bansag din sa akin, pero ‘di ko na lang sasabihin (hint: nabibili ito sa palengke).

Ngunit may ibang bansag o panunukso na sadyang masakit, tulad ng bakla, bansot, at pekp*k. Totoo namang may nagkakapikunan sa amin sa mga tuksuhang ito. Minsan pa nga, nauuwi sa away at suntukan.

Mas naging matindi ang tuksuhan nang kami ay nasa high school na. Pati teachers ay binibigyan ng pangalan, tulad nila Sir Boogie, Sir Kambing at Ma’am Langaw.

Akala ba ninyo sa mababang paaralan lang ang tuksuhan at pagbibigay ng pangalan? Kahit nang nasa Medical school na ako ay may mga Medical Residents (doctors-in-training) na kinukutya ng aming klase. Si “Prador,” dahil kasing lapad daw siya ng aparador. Si “Lilet,” dahil itsura siyang liletchonin. At si “Top Gun.” Hindi siya kamukha ni Tom Cruise, tinawag siyang gayon dahil siya ay kalbo – “the top is gone.”

Kahit ang ating mga nursery rhymes ay mapang-kutya: “Bata batuta, isang perang muta.” O kaya ay “Isa, dalawa, tatlo, ang tatay mong kalbo.”

Meron pa ngang pinagkakatuwaan ang ibang lahi. “Indian pana, kakana-kana; tatlong b*tlog, kakalog-kalog.” At ito pa, “Intsik beho, tulo laway.”

Naaalala mo rin ba noong ikaw ay bata, kapag ikaw ay makulit at pasaway, ay tatakutin ka na ipagbibili ka sa Bumbay na naka-turban na may dalang payong, kung hindi ka titino. Noong lumaki ka na, hindi ka na takot sa kanila, pero tawag mo sa kanila ay “5-6.”

Siguro ginagaya mo rin noon kung paanong magsalita yung Instik na may-ari ng tindahan sa inyong kanto, “Ikaw bili aken tinda, mula lang.”

Aminin man natin o hindi, kapag tayong mga Pilipino ay nagkakaipon-ipon na, lalo na sa labas ng ating bansa, ay malimit napag-uusapan natin ang ating mga katrabahong hindi natin kalahi. Pinagtatawanan natin ang kanilang balu-baluktot na Ingles. Tinutuya natin ang kanilang amoy, na ika natin ay “amoy kili-kili.” Minsan pa tinatawag natin sila base sa kanilang kulay ng “nognog.”

OK lang iyon, dahil hindi naman tayo ang pinagtatawan, di ba? Hindi naman tayo “racist,” katuwiran pa natin. Kaya?

Ang masaklap pa, minsan atin ding pinagkakatuwaan ang may mga kapansanan. Sa mga taong na-polio, tawag natin ay “pilantod.” At hindi natin makakaila na laging mabenta sa ating kwentuhan ang mga ngo-ngo jokes. “Mama, mamili nga ng igarilyo, yung Millip Morris.”

OK lang din iyon, dahil biro lang naman iyon, ‘di ba? Hindi naman tayo nakakasakit. Kung masaktan man sila, siguro ay pikon at balat-sibuyas lang sila. Hindi nga?

Noong isang araw ay nasa balita na naging tampulan ng “joke” tayong Pilipino sa isang comedy show sa UK. Nag-alsang pururot tayong mga Pinoy. Galit na galit nating binatikos ang Canadian comedienne na sangkot dito at ang British program na nag-palabas nito.

Hindi lang ito unang pagkakataon. Naalala ba ninyo ‘yung Korean actress na ginaya ang Carabao English na pagsasalita natin? O kaya naman yung Asian-American actress na nag-biro na ayaw niyang mangitim pa at baka raw siya mapagkamalang Pilipina? Siyempre kumulo ang dugo nating mga Pilipino. Muntik nang maghalo ang balat sa tinalupan!

Over-reacting ba tayo masyado? O maramdamin lang talaga tayong mga Pinoy?

Hindi ko sinasabing tama lang na maging tampulan ng biro tayong mga kayumangging lahi. Ang akin lang punto ay paano ito naging kaka-iba sa mga pag-bibiro din natin laban sa ibang lahi? OK nga lang bang hamakin natin ang iba, pero kapag tayo na ang tinatawanan ay guerra patani na ang asta natin?

Huwag mong gawin sa iba, kung ayaw mong gawin sa iyo,” wika nga ng Gintong Batas (Golden Rule).

Hindi ko naman sinasabing hindi ko gawain noon (at ngayon?) ang mga pagbibirong ito. At hindi ko rin sasabihing hindi ako nalulungkot, o kaya’y manhid ako sa mga panunuya sa ating mga Pilipino.

Sa aking pagmumuni-muni ngayon tungkol sa mga pangyayaring ito, ako’y napapaiyak. Hindi dahil sa ako’y balat-sibuyas. Hindi ko lang maiwasang lumuha habang ako’y nagtatalop at naghihiwa ng sibuyas.

Slice-Onions

(*photo from the net)

12 comments

      1. hahaha, bago mo ihandog akin munang babawasan, ansarap kasi talaga eh, oh.

  1. Agree ako dito. Bakit nga bA alaskador ang ibang mga pinoy pero pikon din.Sana may english translation so I can ask my husband to read it. He doesn’t believe me about the Bombay in the sack story. Hehe.

    1. Sinadya kong isulat sa Tagalog ang akdang ito, para hindi naman “ipahiya” ang ugaling Pilipino sa ibang lahi. Narinig mo rin pala ang istorya tungkol sa mga Bombay. Paki-translate mo na lang sa iyong mahal na asawa, at ihingi mo na lang ng paumanhin na hindi naman lahat ng Pinoy ay ganoon ang tingin sa kanilang lahi. 🙂

  2. nakakgiliw basahin, dahil totoo ang nilalaman. ang mga “anecdotes” ay nagdala ng mga alaala ng mga kwento na narinig ko rin sa mga kwentuhan … i was too engrossed reading your post that the ending line was a breath of fresh air … it somehow lightened the heaviness in my heart … dahil malalim ang pagkatulad sa kung sino ako bilang isang Pinoy … sana, mas maging “balat-sibuyas” tayo hindi para sa ating sariling nararamdaman lang, kundi mas lalo sa nararamdaman ng iba. i hope i made sense, Doc …

  3. Hi Doc, that one was one witty remark … thank you for the good laugh 🙂 it is fun to laugh at ourselves once in awhile, hoping though na hindi ako maakusahan na “sira ang ulo” … have a great weekend ahead with the family … magandang umaga po mula sa inyong bayang sinilangan! — April

  4. Ang ganda ng pagkakasulat Doc! I totally agree with you. At tama, kaya nating makipagsabayan sa anumang lahi. Sabi nga ng mga kasama kong taga-Europa dito na mga pinoy raw ang isa sa mga lahing mas “flexible” sa mundo!
    Greetings from sunny [but 7 degrees ang temperature today 😦 ] Holanda!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s