Suwail sa Pamahiin: Ikaapat na Hirit

Ipagpaumanhin po ninyong muli ang aking pangangahas na suwayin ang mga nakagisnan na pamahiin. At kahit hindi po ako naniniwala sa marami nating pamahiin, ay lubos pa rin ang aking pag-galang sa ating mga nakatatanda.

1. Huwag kumain ng talong kapag ikaw ay buntis, at baka maging itim o asul (blue baby) ang iyong sanggol kapag ipinanganak.

Ang kaisipan na magiging kulay talong ang sanggol dahil lang sa pagkain ng talong kung ikaw ay buntis ay walang katotohanan. Ang sanggol na ipinanganak na kulay asul (blue baby) ay dahilan sa depekto sa “anatomy” ng puso nito. Marahil ay may butas ito, o hindi tuluyang nagsara ang mga koneksiyon sa puso na dapat magsara sa paglabas ng sanggol sa sinapupunan. Ang “blue baby” ay siryosong kundisyon at nangangailangan ng mabilis na atensiyon ng duktor.

Sa kabilang banda, ang talong ay sagana sa bitamina at antioxidant na mahalaga sa isang buntis. Ang tinutukoy ko ay ang gulay na talong at hindi ibang klaseng nasa isip mo.

2. Palaging tumingin sa mga magaganda at guwapo kapag ikaw ay buntis, para maging maganda o guwapo rin ang  iyong magiging anak. Iwasan tumingin sa pangit at baka maging pangit ang iyong anak.

Tunay na nakakaaliw ang tumingin sa mga magaganda at guwapo, ngunit walang kinalaman ito sa itsura ng iyong magiging anak. Wala rin naman sigurong masama kung lagi kang titingin sa mga guwapo, maliban na lang kung pangit ang mister mo, at baka ito magselos.

Mas epektibong magiging guwapo o maganda ang iyong magiging anak kung mag-aasawa ka ng lahi ng maganda o guwapo. Pero isaisip na ang tunay na kagandahan ng isang tao ay hindi sa labas lamang kundi nasa kanyang karakter at buong pagkatao.

3. Sa unang pagkakataon na magkaregla ang isang babae, ay kailangan niyang tumalon sa ikatlong baitang ng kanilang hagdan. Ito ay para maging tatlong araw lang ang kanyang pagreregla at hindi na lalagpas pa dito.

Ang normal na tagal ng regla ay kadalasan tatlo hanggang limang araw. Pero kahit dalawa hanggang pitong araw ay masasabi pa ring normal. Ang iregular na “cycle” o masyadong matagal na pagreregla ay kadalasan ay sanhi ng “hormonal imbalance”. Maaari din sanhi ng masyadong madugong pagreregla o mahabang pagdudugo ay mga bukol sa bahay-bata, tulad ng “fibroids.”

Walang kinalaman ang pagtalon sa ikatlong baitang ng iyong hagdanan. Ang maari lang maidulot nito ay pilay o kaya’y tatlong bukol kapag napasama ang iyong pagbagsak.

Ilang baitang kaya ang tinalon niya?

4. Huwag maligo ng isang linggo pagkatapos manganak, at baka ikaw ay mabinat o maloka.

Wala po itong katotohanan. Kung normal ang panganganak ay maari ng maligo (shower) kung kaya nang lumakad at tumayo. Kung na-casearian section naman at sariwa pa ang sugat ay tanungin na lang ang inyong duktor kung kailan pwedeng maligo. Lalo lang magkakasakit kung hindi natin pananatilihin ang pagiging malinis. Kung hindi man ikaw ay maaring ang iyong mga kasambahay ang magkakasakit kapag naamoy nila ang iyong alingasaw sa hindi pagligo.

Tungkol naman sa maloloka ang bagong panganak, ay mayroon talagang kundisyon na “postpartum depression.” Ito ay sanhi ng “hormonal changes” at “stress” sa bagong nanganak, at walang kinalaman sa pagligo. Minsan ito ay malala, at kinakailangan ng atensiyon ng duktor.

May narinig pa nga akong hindi dapat maligo ang nanganak ng isang buwan!  Iyan ang tunay na nakakaloka. Nakakaloka ang baho!

5. Paliguan ng unang tubig-ulan sa buwan ng Mayo (Agua de Mayo) ang iyong sanggol para ito ay lumaking malusog.

Ang paniwala na ang unang ulan sa buwan ng Mayo ay suwerte ay sa dahilan na ito ay mahalaga sa mga mga pananim at magsasaka, at maaring mangahulugan ng masaganang pag-aani. Mayroon ding haka-haka na ang unang ulan ng Mayo ay ginagawang Agua Bendita, ngunit walang tunay na basehan ito.

Wala naman akong nakikitang masama na paliguan ng tubig-ulan ng Mayo ang sanggol, dahil siguradong malinis naman ang tubig ulan, basta ba hindi ito sinalok mula sa baha. Subalit hindi ko rin maisip na dahil sa mismong tubig lang na ito ay magiging malusog ang iyong sanggol. Mas mabuti pang sundin na lang ang mga tamang kaugalian ng kalusugan tulad ng pagiging malinis at pagkain ng tama, para manatiling malusog ang bata.

6. Huwag mong tahiin ang iyong damit habang suot mo ito, kundi may masamang mangyayari sa iyo.  

Sa mga pamahiin at babala ng matatanda, ito ang mayroong saysay para sa akin. Sa maniwala ka o hindi, bilib ako sa kasabihang ito. Unang-una, mahirap tahiin ang damit kapag ito’y nakasuot sa iyo. Pangalawa, mayroon talagang maaaring mangyari sa iyo. Ako mismo ay naranasan ko ang di magandang pangyayari – natusok ako ng karayom!

Sa lahat ng mga pasaway sa pamahiin na tulad ko, hanggang sa muling hirit.

8 thoughts on “Suwail sa Pamahiin: Ikaapat na Hirit

  1. pinakaayoko na naririnig iyong bawal maligo matapos manganak! gusto yata maging theme song nila ay, “living la vida lochia!” nyehehe! 🙂

    pareho po pala tayo, doc na suwail sa mga pamahiin.
    (pero teka, baka multuhin ako nang namayapa kong lola at lolo!, hehehe)

  2. PAMAHIIN tungkol sa PAG-REREGLA:
    Sa una mong pag regla yung panty mo na may dugo ipahid mo sa mukha mo sa paniniwalang hindi ka mag kakaroon ng pimples o “punggod”….
    heheheheheheheheh…………………………
    tnx a lot…..
    MAERIGIL P. BORROMEO
    ^_^

  3. Hahaha. Puro kalokohan lang yang mga pamahiin na yan. Kung iaanalyze mong mabuti wala naman talagang koneksyon sa totoong buhay 🙂

  4. Sabi nila wag daw ako maligo pagkatapos manganak kc lalamigin ako…eh di ako naniniwala kaya naligo ako agad,wla nmn nangyari,isa pa kung lalamigin man,that means kulang lang sa IRON..hehe khit sbihan pa akong pasaway.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s