Kwentong Bulsa

Posted by

Ano ang laman na iyong bulsa? Pitaka? Cellphone? Mga barya? Kumpol ng susi? Kalahating bubblegum? Lipstick? Rosaryo? Sigarilyo? Balisong? Ticket ng lotto? Balato ko ha!

O walang laman ang iyong bulsa? Teka, baka naman nadukutan ka na? O maaring butas lang ang iyong bulsa?

Ano man ang antas mo sa buhay, meron at meron kang bitbit, at hindi umaalis ng inyong bahay, na wala ito sa iyong bulsa.

Hindi ko sasabihin kung ano dapat ang laman ng iyong bulsa, akin lamang isasalaysay kung ano ang nasa aking bulsa sa iba’t-ibang yugto ng aking buhay.

Noong kindergarten:

1. bente-singko

2. panyolito

3. jolens (marble)

Simple lang ang buhay noon. Simple lang din ang aking pangangailan. Kaya’t bente-singko sentimos (benchingko tawag ko noon) lang, ay kasyang-kasya na. Kontento na ako dun. May hopia o kaya bazooka bubblegum na akong mabibili, at may sukli pa.

Ito ay noon, ngunit sa ngayon kahit balat yata ng bubblegum hindi kayang bilihin ng benchingko.

May panyolito rin akong baon noon. Kahit ayaw kong magdala nito, ay lagi itong nakasuksok sa aking bulsa. Dahil mabait (*ubo-ubo*) akong bata. Kasi sabi ng nanay ko kailangan ko raw ng panyo, kapag pinapawisan o kapag tumutulo ang sipon. Sa totoo lang para sa akin, pwedeng nang pamunas ang manggas ng t-shirt ko.

Ang panyolito ba ay tanda ng aking pagsunod sa aking mga magulang?

Lagi rin akong may jolens sa bulsa. Dahil laro lang ang laman ng utak ko noon. Walang muwang. Walang responsibilidad. Malaya. Malayang tumalungko sa lupa at magpakadusing, sa paglalaro ng jolens.

At simple lang din ang aking pangarap – ang matalo ko sa jolens ang aking mga kalaro. Hindi naman sa pagyayabang, minsan ay naging asintado at mahusay din naman ako sa laro ng jolens.

unnamed
larong jolens

*****

Noong highschool at college:

1. suklay

2. panyo

3. wallet

Noong mga panahong iyon, meron na akong suksok na suklay sa aking bulsa. Yung natitiklop na parang balisong. Ito ay sandata ko na dala-dala araw-araw. Kailangan ayos lagi ang buhok. Kahit pa makipagsiksikan sa jeepney o sa bus, basta may suklay, guwaping pa rin.

Kusa ko na ring sukbit ang panyo. Kailangan punasan ang tagaktak ng pawis. Kailangan punasan ang sipon. Kasi nakakabawas sa pogi points kung basa ng pawis o tumutulo ang sipon. Dahil ang pangunahing pakay noon ay ang pumorma.

Dala ko rin ang aking wallet, kahit wala namang laman ito. Madalas nga kasyang pamasahe at pang soft-drink lang ang laman ng pitaka ko, pero bitbit ko pa rin ito. Bakit kamo? Kasi pampaumbok din ng puwet ito! Pati nga panyo ko (minsan dalawang panyo pa) nasa kabilang bulsa sa likod ng pantalon, para pantay ang pagkatambok.

Kung yung mga babaeng hindi nabiyayaan ng dibdib ay naglalagay ng medyas sa bra, kaming mga patpat na lalaki, ay panyo at pitaka sa puwetan ng pantalon.

Pero nagsimula na rin namang akong mangarap sa panahong iyon. Maliban sa makaporma at mapansin ng crush ko, ay may pangarap na rin, na sana makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng matinong hanap-buhay, maging maginhawa, at magkaroon ng laman ang aking pitaka. At hindi lang hanggang porma ang suksok na pitaka.

*****

Ngayon

1. cellphone

2. wallet

3. susi

Sa paglipas ng panahon, nag-iba na ang aking pangangailangan. Wala ng suklay (wala nang susuklayin). Wala ng panyo. Hindi na mahalaga ang paporma.

Cellphone na ang laman lagi ng aking bulsa. Ito ang aking kuneksiyon sa trabaho, sa pamilya, at sa mundo. Narito ang aking mga contacts, schedule, e-mails, at notes. Gamit ko rin ito para alamin ang mga bagay na hindi ko alam – tatanungin ko lang si Mr. Google.

Ang aking cellphone ay hindi lang pang-selfie at pang-facebook. Pero siyempre gamit ko ito bilang kamera para sa aking blog, at pang-update kung may sumilip sa aking website. (Salamat sa pagtangkilik!)

Nandiyan pa rin naman ang aking wallet. Pero hindi pa rin ako nagdadala ng malaking halaga. Dahil plastik (credit cards) ang madalas kong gamit. Ibig sabihin, malakas ang loob mangutang at gumastos, dahil may trabaho na.

Iba na rin ang pangarap ko. Hindi lang para sa akin kundi para na rin sa kinabukasan ng aking pamilya. Kailangan may laman ang pitaka para may pang-baon ang aking mga anak.

Isa pang laman ng aking bulsa ngayon ay mga susi. Susi ng bahay at susi ng kotse. Mga bagong laruan kapalit ng jolen? Puwedeng sabihing medyo nakaka-angat at matagumpay na tayo dahil may pag-aari na.

Ngunit bahay at kotse ba ang simbolo ng tagumpay? O ito lamang ang mga panibagong pangangailangan sa yugto ngayon ng aking buhay. Siyempre kailangan ng bahay para kanlungan ng pamilya, at kotse para makarating sa dapat patunguhan.

Pero hindi ko pa rin naman lubos na pag-aari ang bahay at kotse, at patuloy pa rin itong hinuhulog-hulugan. Kaya kailangang patuloy din ang aking pagkayod para mabayaran ang mga ito. Ang mga susi bang aking dala-dala ay nagpapalaya? O ito’y gumagapos na parang tanikala?

Pangangailangan nga ba ang laman ng ating bulsa? O tayo’y alipin ng nasa loob nito? Pero hindi ko rin naman sasabihing mabuti pang walang laman ang ating bulsa.

Tunay na mas simple ang buhay noong jolen pa lang ang nasa aking bulsa.

*****

(photo by Rodgie Cruz from pixoto.com)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s