Lapit mga kaibigan at makinig kayo,
Ako’y may dala dalang balita galing sa bayan ko,
Nais kong ipamahagi ang mga kwento at,
Ang mga pangyayaring nagaganap sa lupang ipinangako.
(lyrics from the song Balita by Asin)
Kasama ako sa mga milyon-milyong Pilipino na wala sa ating bansa, ngunit lagi pa ring nakatutok sa mga balitang nanggagaling sa bayan ko. Masasabi ko rin na ang mga balita mula sa ating bayan ay umaalingawngaw hanggang sa iba’t ibang sulok ng mundo.
Hindi lang mga Pilipino ang mga nagdadala ng balita. Kahit ibang tao sa ibang bansa ay pawang interesado sa mga pangyayari sa ating bayan. Marami rin namang mga kritiko. Maging ibang lahi na wala naman mismo sa ating bansa. Pero ito lang ang masasabi ko sa kanila, hindi ba mga Pilipino rin ang mas nakakaalam kung ano ang mas makabubuti sa bansang Pilipinas?
Ako ay lumaki sa panahon ng Martial Law. Tuwing flag ceremony noong ako’y nag-aaral pa sa elementarya ay inaawit namin ang Bagong Lipunan. Sa katunayan, saulado ko pa rin ang kantang ito:
May bagong silang,
May bago nang buhay,
Bagong bansa,
Bagong galaw,
Sa Bagong Lipunan.
Magbabago ang lahat,
Tungo sa pag-unlad,
at ating itanghal,
Bagong lipunan!
Ngunit matapos ang maraming taon, hinangad din ng mga mamamayan ang tunay na pagbabago, hindi lamang sa isang kanta. Hindi napakali ang mamamayan, kaya’t sa isang pag-aalsa, ang pamunuan na nasa likod ng awit ng Bagong Lipunan ay napalitan.
Saksi ako sa mga laksa-laksang tao na nagtungo at nagkampo sa EDSA, na nagsusumamo sa isang pagbabago. Nakigulo rin ako kasama ng aking mga kaklase doon sa EDSA, ngunit pumunta kami noong umalis na ang mga tangke. Ang tanong ko, nagkamali ba ang laksa-laksang mga Pilipino?
Aaminin ko, hindi ako kasama sa mga bumoto kay Cory, hindi sa dahil sa ayaw ko sa Aquino, o dahil sa ako’y maka-Marcos. Hindi ako nakaboto dahil, kulang ako sa edad na bumoto, noong panahon ng rehistro.
Sa katunayan kung may sasama ang loob na napaalis si Marcos ay dapat ang aming sambayanan. Ang aking nanay ay tubong Sarrat, Ilocos Norte. Ilang bahay lang mula sa bahay nila, ang bahay kung saan ipinanganak ang dating Presidente Marcos. Ang bahay na iyon ay naging museo na, at amin itong pinupuntahan kapag kami’y bumibisita sa Sarrat noon.
Ilokano nak met.
Taga Ilocos Norte din si General Fabian Ver na dating kanang-kamay ni Marcos. At ang nanay ni General Ver at ang aking lola ay naging magkaibigan. Madalas ko pa itong nakikita na bumibisita sa bahay ng aking lola kapag kami’y nagbabakasyon sa Ilocos.
Pero dahil sa ngalan ng pagbabago, ay aming tinanggap at yinakap ang naging bagong pamunuan. Kasama ako sa mga nangarap at umasa sa isang pagbabago at mas maunlad na Pilipinas.
Lumipas pa ang mga taon, nang panahon uli ng botohan ng bagong presidente, ay nagkaroon na rin ako ng pagkakataong bumoto. Si Fidel Ramos ang aking napusuan at siya rin ang sumunod na pangulo ng ating bansa. Siya na rin ang huling presidente na aking nagisnan, dahil ako’y tumulak na at lumabas ng Pilipinas matapos niyang manungkulan.
Mula noon, ay naging tahimik na lang akong saksi sa mga kaganapan sa ating bansa. Isa na lang akong tagamasid sa labas ng bansa. Ngunit parati pa ring akong sabik sa mga balita sa ating bayan. At bilang isang Pilipino, ay lagi pa ring nag-aasam para sa kabutihan ng lupang sinilangan.
Ilang mga administrasyon pa ang lumutang at lumubog. Ngunit ang aking bayan ay parang nalulunod at naghihikahos pa rin sa paglangoy laban sa alon ng progreso. Lagi pa ring uhaw ang mga Pilipino sa mga pinangakong pagbabago. Ngunit hanggang sa ngayo’y hindi pa rin maisakatuparan.
May isa akong obserbasyon: bakit yata ang mga dating namumuno sa ating bansa, ay dinadakip at pinapakulong pagkatapos ng kanilang termino?
Ngayon, may bagong upo na namang pamunuan sa ating bansa. Bagong kulay. Bagong pangalan.
Sasabihin ko na may mga pangalan na tila mabango noong nakaraan, ay naging masangsang na sa opinion ng bayan. At mayroon din naman na ang dating dangal ay nabuwal, ngunit ngayo’y unti-unting ibinabangon muli.
Kahit ako’y nasa labas na ng ating bansa, ay mayroon pa akong isang naobserbahan: ang katapatan ng mga mamamayan ay wala sa pangalan o apelyido ng isang pulitiko. Hindi rin ito nakasalalay sa kulay ng partido. Ang katapatan ng mga Pilipino ay sa ngalan ng tunay na pagbabago. Hanggat hindi ito nakakamit, mananatiling ligalig ang sambayanang Pilipino.
Sa lahat ng mga nag-aalinlangan sa bagong pamunuan, bigyan po naman sana natin sila ng panahon at pagkakataon upang patunayan ang pagbabagong kanilang gustong ihatid. Siguro naman, bawat mamamayan, ang hangad lamang ay para sa kabutihan ng ating bayan.
Patuloy po akong mag-aabang sa mga bali-balita galing sa bayan ko.
P.S. Nakikiramay po ako sa lahat ng naapektuhan ng pagsabog sa Davao.
(*image from here)