Lalamunang Butas

Posted by

Bahagi ng pagiging isang masinop na duktor, ay ang pagkuha ng istorya, o aming tinatawag na history, mula sa pasyente. Dahil kalimitan, maaring ma-diagnose o malaman kung ano ang sakit sa pamamagitan lang ng history. Siyempre kailangan pa rin ng physical exam at mga ancillary testing, para makumpleto ang diagnosis. Pero napaka-importante ng history.

Kaya naman kasama sa aming training o pag-aaral bilang duktor, ay ang kung paano kumuha ng tamang history. Katulad nang kung masakit ang tiyan ng pasyente: aming itatanong kung kailan pa nagsimula, o anong oras ng araw lumilitaw ang sakit, anong klase ng sakit, anong maaring nagpapalubha o nagpapaginhawa sa sakit, kung saan mismo ang sakit, o kung ito ay gumagapang sa ibang bahagi ng katawan, kung kumain ba ng panis na pansit, at kung anu-ano pa.

Huwag ninyo sanang isipin na makulit lang ang inyong duktor dahil napakaraming tanong, na pati pagkain ninyo ng pansit ay inuusisa. Ang mga tanong na ito ay kailangan para malaman ang tamang diagnosis.

Oo nga’t mayroong mga pagkakataon na hindi kami makakuha ng tamang kuwento o history mula sa pasyente. Tulad ng mga pasyenteng tuliro o walang malay na dinala sa hospital. Marami kaming ganyang pasyente sa ICU. O kaya naman ay ibang wika o dialect ang kanilang salita, o kaya’y pipi ang pasyente, kaya’t kailangan pa namin ng interpreter.

Mayroon din namang mga pasyente na hindi makapagbigay ng tama o accurate na history, dahil lito sila, o talagang magulo lang silang kausap. Para silang laging lasing. Kaya naguguluhan tuloy pati ang duktor kung ano talaga ang nangyayari.

Saludo ako sa mga Pediatrician, na kayang malaman kung ano ang iniinda ng mga bata o sanggol nilang pasyente, kahit hindi pa ito nagsasalita. Siyempre nakakatulong din ang history na ibinibigay ng magulang ng mga bata.

Mas saludo ako sa mga Veterinarian, kung paano sila kumuha ng history. Siguro ay naiintindihan nila ang bawat kahol, meow, o huni ng kanilang pasyente. Buti na lang at hindi ako pinag-beterenaryo ng nanay ko, at baka kumakahol na rin ako ngayon.

Isang kuwento mula sa matagal na panahon nang nakalipas ang aking isasaysay sa inyo. Ito’y nangyari nang ako’y intern pa sa Pilipinas.  Isang araw ay sabik na sabik na nagkuwento sa amin ang isa naming co-intern, ng kanyang karanasan mula sa hospital ward.

Sabi niya, may pasyente raw siyang may butas sa lalamunan o tracheostomy. Siguro dahil sa cancer sa larynx, pero hindi niya ito sigurado.  Kaya’t kailangan pa rin niyang kunin ang history ng pasyente.

Kung hindi ninyo alam kung paano ang may tracheostomy, sila ay hindi makapagsalita ng maayos,  dahil lumalabas ang hangin sa kanilang tracheostomy at hindi dumadaan sa vocal cord. Minsan, yung mga may tracheostomy, ay wala na ring vocal cord, at tuluyan na silang hindi makapagsalita.

Gayun pa man, desidido pa rin ang aking co-intern na kunin ang history ng kanyang pasyente.

Intern: Kuya, ano po bang dahilan bakit ka pumunta sa ospital?

Pasyente: Heh, hasi hirahp ahoh humingah.

Intern: Ganoon ba? Eh bakit ka nagka-tracheostomy?

Pasyente: Heh hasi, hanito hiyan. Halahas haho hahihahiho. Hayah haghahooh haho hang hanser sa lahlahmunah.

Intern: Teka, teka kuya. Hindi po kita maintindihan.

Luminga-linga ang aking co-intern at nagbakasakali na may kasama o bantay ang kanyang pasyente. Inisip niya, baka makakatulong ito na magbigay ng kuwento.

Sapak naman at naroon sa may pintuan ang isang kabataang lalaki. Tinanong ng intern kung kilala ba niya o siya ba ang bantay ng pasyente.

Tumango naman ang lalaki. Natuwa ang intern.

Tinanong uli ng intern kung alam ng bantay ang kwento ng pasyente. Tumango ulit ang bantay. Lalong natuwa ang intern.

Intern: Ano ba ang nangyari sa kanya?

Bantay: Ngabi ngiya, malangas naw ngiya mangingangiyo, ngaya ngagngaroon ngiya ngang nganser nga lalamungan.

Toink!

Sa kabila nito, nakuha pa rin ng intern ang wastong history. Kinailangan lang ng konting tiyaga at pangunawa.

*********

(*Ang kuwentong ito ay tunay na pangyayari, at hindi ko po intensiyon na laitin ang may mga tracheostomy o cleft palate.)

 

Pahabol na tula:

Mga lalamunang butas,

At ngala-ngalang bukas,

Mga boses na gasgas,

Hirap silang bumigkas.

H’wag batuhin ng pintas,

Bagkus tratuhin ng patas,

‘Pagkat ‘di man sila matatas,

Isip nila’y matalas.

4 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s