Abangers: Endgame

Posted by

(No spoiler alert for Avengers: Endgame movie.)

Tumabo na naman sa takilya ang pelikula na tungkol sa ating mga paboritong superheroes, ang Avengers: Endgame. Sa panahong sinusulat ko ang akdang ito ay hindi ko pa napanood ang naturang pelikula, kaya’t hindi ko pa maibibida ito sa inyo.

Pero ibang superhero ang aking tatalakayin sa post na ito. Sila ang mga superhero o nagpapakabayani na maghintay at mag-abang – ang mga Abangers. Opo tinalakay ko na sila sa post ko noon, Abangers: Infinity Wait, pero sana’y pagbigyan ninyo akong muli na pag-usapan natin sila.

Sino ba ang mga Abangers na ito? Sila ba iyong nag-aabang ng nagtitinda ng puto o balut? O iyong nag-aabang ng jeepney o bus? O kaya nama’y nag-aabang ng kinsenas o katapusan ng buwan na suweldo? O nag-aabang sa kanto ng away o kaya’y sa kalye ng tsismis? Hindi po mga ‘yan ang tinutukoy ko.

Ang mga Abangers na aking tinutukoy ay ang mga taong nag-aabang na mahalin sila ng kanilang iniibig na may mahal namang iba. Sila ang mga taong umiibig ng boyfriend o girlfriend ng iba, o mas masaklap pa asawa na ng iba. Iyan ang mga super bayaning Abangers.

Siguro may kakilala kayong Abanger? O baka ikaw ay isang Abanger din? Kaibigan, siguro kailangan mo nang mag-isip-isip at baka ikaw ay nag-aabang lang ng wala. Ika nga, naghihintay na pumiti ang uwak.

Noong ako’y bata-bata pa ay maraming kanta akong nagisnan na nagsasaad ng ganitong damdamin. Sa katunayan naging sikat ang mga kantang ito. Dahil kaya marami kasing mga tao ang nakaka-relate sa mga awit na ito?

Ito po ang isang lumang kanta. Sa aking pagkakaalala ay si Jaime Rivera ang orihinal na umawit nito, pero noong makailan lamang ay may cover din si Morrissette Amon ng kantang ito – “Mahal Naman Kita.” Sabi ng kantang ito:

Pangarap ka na lang ba o magiging katotohanan pa,
Bakit may mahal ka nang iba,
Ngunit ‘di bale na kahit mahal mo siya,
Mahal naman kita.

Heto pa ang isang lumang kanta ulit. Si Martin Nievera naman ang unang kumanta nito, pero may version din si Regine Velazquez. Ang kantang ito ay ang “Ikaw Ang Lahat Sa Akin.” Saad ng kanta:

Ikaw ang lahat sa akin, 
Kahit ika’y di ko dapat ibigin, 
Dapat ba kitang limutin, 
Pa’no mapipigil ang isang damdamin, 
Kung ang sinisigaw, 
Ikaw ang lahat sa akin. 
At kung hindi ngayon ang panahon, 
Upang ikaw ay mahalin, 
Bukas na walang hanggan, 
Doo’y maghihintay pa rin. 

Mayroon pa akong alam na kanta, sinalumang awit ulit. Isinulat at inawit ito ni Rey Valera. Pero may bago-bagong version nito si Piolo Pascual. Ano ba yan, bakit yata puro recycle na ang ating mga kanta? Ang kanta ni Rey Valera ay ang “Walang Kapalit.” Sangayon sa kanta:

At kung hindi man dumating sa ‘kin ang panahon,
Na ako ay mahalin mo rin,
Asahan mong ‘di ako magdaramdam,
Kahit ako ay nasasaktan,
Huwag mo lang ipagkait,
Na ikaw ay aking mahalin.

Pero heto ang mas matindi. Isang lumang OPM ulit na ang orihinal na kumanta ay si Basil Valdez, pero may cover din si Sarah Geronimo. Ang kanta ay ang “Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan.” Sabi ng kanta:

At kung sadyang siya lang ang ‘yong mahal, 
Asahan mong ako’y ‘di hahadlang, 
Habang ikaw ay maligaya ako’y maghihintay, 
Maging hanggang sa dulo ng walang hanggan. 

Talagang matindi ano? Maghihintay hanggang sa dulo ng walang hanggan! Subali’t maganda bang gawin iyon? Para po sa akin, ay hindi yata tama.

Ang kanta ay natatapos. Ang ubo ay nauubos. Pati nga liwanag ng bituin ay nauupos, kaya nga may black hole. Lahat ng bagay ay may katapusan. Kung ang paglalakbay ng alon sa dagat ay may dalampasigang hangganan, ang bus ay may terminal, at ang pasada ng jeepney ay may boundary, kaya ang mga biyaheng one-way na pag-ibig sana ay may hangganan din.

Kahit po sa mga Abangers, dapat may Endgame.

Noong makalawang araw ay naghalughug ako ng mga bagong OPM na mapapakinggan. Alam kong hindi na mga bago ‘yung iba, pero para sa aking pandinig, ay mga bago ito. Kahit mahigit dalawang dekada na po akong wala sa Pilipinas ay patuloy pa rin naman akong nakikinig at naaaliw sa mga awit na sariling atin.

Dito ay natuklasan ko ang dalawang “hugot” na mga kanta. Ito ay nagsasaad rin ng mga damdamin ng isang Abanger. Pero sa halip na sila ay umaasa nang umasa ng walang hanggan, o kaya’y umibig kahit na walang inaasam na kapalit, ang mga kantang ito ay nagpasyang may katapusan ang kanilang paghihintay. Ika nga Endgame na.

Ang unang kantang aking napakinggan ay kanta ng Ben and Ben. Ito ay ang “Kathang Isip.” Sabi ng kanilang kanta:

Pasensya ka na,
Sa mga kathang isip kong ito,
Wari’y dala lang ng pagmamahal sa iyo,
Ako’y gigising na,
Sa panaginip kong ito,
At sa wakas ay kusang lalayo sa iyo.

Heto pa ang isa. Kanta ng Muni-muni, “Sa Hindi Pagalala.” Wika ng kanta:

Kakalimutan na kita,
Siguraduhin mong hindi talaga pwedeng tayo,
Napagisipan mo na ba, 
Dahil kakalimutan na kita,
Eto na, eto na.

Tulad ng aking nasambit na noon, ako’y naging superhero din. Ako ay minsa’y naging Abanger din noon. Pero buti na lang at ako’y nagising sa aking kathang isip at kusang nag-endgame. Dahil kahit superhero o may superpower, may panahong dapat tayong sumuko, lumayo at lumimot na.

Mga Abangers, Endgame na!

**********

Here’s the official music video of Kathang Isip:

(*photo from web, video from youtube)

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s