Abangers: Infinity Wait

Ilang araw na lang ay lalabas na ang bagong pelikula ng mga paborito nating superheroes, ang “Avengers: Infinity War.” Ito ay isa sa pinakamalaking production ng Marvel Studios at pagsasama-sama ng pinakamaraming superheroes.  Ang movie genre tungkol sa mga superheroes, ay isa sa mga pelikulang kinagigiliwan ng madla at malakas tumabo sa takilya.

Pero ibang superheroes ang gusto kong talakayin ngayon. Ito ay ang mga Abangers. Mga taong nag-aabang.

Hindi ko tinutukoy ‘yung mga tambay sa kanto. Oo nga’t nag-aabang din sila, pero hindi ko lang alam kung ano nga ba ang inaabangan nila. Siguro, Pasko?

Hindi ko rin tinutukoy ang mga pasaherong tinitiis ang pagod, gutom, init, at pakikipag-siksikan habang nag-aabang ng masasakyan. Tunay naman na umaabot ng siyam-siyam makarating lamang sa paroroonan. Sa ibang pagkakataon ko na lang tatalakayin ‘yon.

Ang aking tinutukoy ay ang mga nag-aabang sa pag-ibig na hindi nila maangkin. Sa simpleng salita, ‘yung mga nagmamahal ng taong may girlfriend o boyfriend na. O mas masaklap pa, nagmamahal ng may asawa na. Sila ay nag-aabang na magkahiwalayan ang sinisinta nila, para sila naman ang makaentra.

Maraming mga kanta akong kinagisnan noon na nagsasaysay ng ganitong sintimyento. Ito ang isa: Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan.

Ang orihinal na umawit nito ay si Basil Valdez, at ni-remake naman nila Gary Valenciano at Sarah Geronimo.

At kung sadyang s’ya na ang ‘yong mahal,
Asahan mong ako’y di hahadlang,
Habang ikaw ay maligaya ako’y maghihintay,
Maging hanggang sa dulo ng walang hanggan.

Ayan ang tunay na Abanger! “Abanger: Infinity Wait.”

Heto pa ang isa, awit naman ni Martin Nievera, “Ikaw ang Lahat sa Akin.” May cover din nito si Regine Velasquez.

At kung hindi ngayon ang panahon,
Upang ikaw ay mahalin,
Bukas na walang hanggan,
Doo’y maghihintay pa rin.

Meron pang isang kanta, ang awit ni Andy. Andy ba kamo? “Andy ‘to ako, umiibig sa ‘yo.” Huh?

Ah, eh si Ogie Alcasid pala ang kumanta nito. At my version din si Leah Salonga.

Nandito ako umiibig sa iyo,
Kahit na nagdurugo ang puso,
Kung sakaling iwanan ka niya,
Huwag kang mag-alala,
May nagmamahal sa iyo,
Nandito ako.

Ilan lang ‘yan sa mga theme songs ng mga Abangers. Sila ay mga superhero, di ba? Hero, bayani, as in martyr! Pwedeng-pwede na silang barilin sa Luneta.

Maaring iyong tatanungin, masama bang maging Abanger?

Unang-una, mahirap maging Abanger. Lagi ka na lang nagtatago sa dilim, naghihintay sa pagkakataon na lumabas sa liwanag. Laging patago ang iyong diskarte, at baka ka mahuli ng tunay na nagmamay-ari. Sabi nga ng lumang kanta ng Apo Hiking Society:

Mahirap talagang magmahal ng syota ng iba,
Hindi mo mabisita kahit okey sa kanya,
Mahirap oh mahirap talaga,
Maghanap ka na lang kaya ng iba…..

I-dial mo ang number sa telepono,
Huwag mong ibibigay ang tunay na pangalan mo,
Pag nakausap mo siya sasabihin sa’yo,
Tumawag ka mamaya nanditong syota ko.

Pero marahil ikakatwiran natin, kung tunay ang pagmamahal natin, ito’y ipaglalaban natin kahit pa may bakod na. Bahala na kung magkabistuhan pa. At handa tayong maghintay, kahit pa sa dulo ng walang hanggan, ika nga ng kanta.

Pero dahil kaya sa pagiging Abanger ay maaring ipinipinid natin ang ating paningin at sinasarado natin ang pinto sa ibang mga pagkakataon. Sabi nga ng isang quote:

When one door closes, another opens; but we often look so long and so regretfully upon the closed door that we do not see the one which has opened for us. – Alexander Graham Bell

Minsan hindi pinto, kun’di bintana ang pinagbubuksan. Kaya’t tumalon ka na sa bintana. Jump out and move on.

Marami ang nabubulag at marami rin ang nagbubulag-bulagan dahil sa pag-ibig.

Isa pang dahilan, ilagay natin ang ating sarili sa sapatos ng boyfriend o girlfriend ng ating inaabangan. Hindi ko ibig sabihin na nakawin mo ‘yung sapatos ng boyfriend o girlfriend, pero siguro naiintindihan mo ang ibig kong sabihin. Hindi ba nakakabwisit kung may umaasungot o umaaswang sa iyong syota? Sabi nga ng Gintong Utos: Huwag mong gawin sa iba, ang ayaw mong gawin sa iyo ng iba.

Ang huling dahilan na naiisip ko kung bakit hindi magandang maging Abanger ay ito, hindi mabuti ang “One-Way Street” sa larangan ng pag-ibig. Hindi ito malusog na relasyon. O hindi ito maituturing na tunay na relasyon.

Unrequited love is the infinite curse of a lonely heart. ― Christina Westover

Tulad ng mga naririnig mong payo ng iyong mga kaibigan, ‘Ang mga martyr, binabaril!’ Alam kong may halaga ka, kaya’t pahalagahan mo rin sana at mahalin ang iyong sarili. Natitiyak kong may tao ring magpapahalaga sa iyo.

Masakit man isipin at mas masakit pang aminin, na ako ay naging isang Abanger din noon. Oo, nag-aabang ako sa pagdaan ng magtataho sa aming kalye noon.

Pero seryoso, naging tunay akong Abanger, nanligaw at nag-abang sa babaeng may boyfriend na. Ito ay nang ako’y nasa unibersidad pa. Akala ko nga kami na. Dalawang taon din akong nagpakagago! Pero salamat at naumpog ako at namulat sa katotohanang wala akong mahihitad at hanggang sa pagiging Abanger lang pala ako.

Hindi ako nagkikimkim ng galit. Hindi ako nanghihinayang. Hindi rin ako mapait sa mga pangyayari.

Noong makailang taon lang ang nakalipas, ay dumalo ako sa aming Graduation Silver Anniversary ng aming unibersidad sa Pilipinas. Dito ay muli kong nakita ang aking dating inaabangan. Oo nga’t may kaunting kislot sa dibdib nang akin siyang makita matapos ang dalawampu’t limang taon. Pero akin ding napagtanto na pundi na at wala nang liyab ang aking damdamin para sa kanya.

Hanggang sa ngiti na lang kami at pagbati ng “Kamusta ka.” Dahil para sa akin, natagpuan ko na ang aking “forever.” At hindi lang ako isang Abanger.

IMG_2340

(*Our class section of Medicine batch ’91, who attended the reunion gala night. Photo credit to our official photographer.)

Tuyo Na’ng Damdamin

Habang ako’y bumibiyahe patungo sa aming outreach clinic noong isang araw, na isa’t kalahating oras ang layo sa aming siyudad, ako nama’y nagsa-soundtrip ng mga kantang Pilipino na aking kinagisnan (OPM Classics).

Habang tumatahak ako sa kalagitnaan ng mga bukid at parang, ang aking sasakyan ay tumatakbo ng siyento-bente kilometro kada ora, ngunit ang aking isipan ay lumilipad ng dos syentos kada ora.

Sumalang naman ang kantang “Tuyo Na’ng Damdamin” na orihinal na inawit ng APO Hiking Society. Ni-remake din ito ng Silent Sanctuary at ni Noel Cabangon.

“Minsan kahit na pilitin mong uminit ang damdamin
Di siya susunod, at di maglalambing
Minsan di mo na mapigil mapansin
Na talagang wala nang naiiwan na pagmamahal.”

Habang ako’y nagmumuni-muni sa lumang awit na ito, ay nakakalungkot lamang isipin, na maaring humantong pala sa ganito ang isang relasyon. Wala ng init. Wala ng paglalambing.

“At kahit na anong gawin
Di mo na mapilit at madaya
Aminin sa sarili mo
Na wala ka nang mabubuga.”

Wala nang maibubuga? Isa lamang masakit na katotohanan ng buhay. Lahat kaya ng bagay dito sa mundo ay may hangganan? Wala ba talagang forever?

“Parang isang kandila na nagdadala
Ng ilaw at liwanag
Nauubos rin sa magdamag.”

Upos na kandila? Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit isinulat ito ni Jim Paredes, o para kanino, o anong tunay niyang tinutukoy. Pero may alam akong makabagong paraan ngayon para makaangkop sa ganitong masaklap na kalagayan. Marahil wala pa nito noon nang isulat ang awiting ito.

“Di na madaig o mabalik ang dating matamis na kahapon
Pilitin ma’y tuyo na’ng damdamin.”

Kaibigan, huwag kang nang malungkot. Mayroon ng Viagra!

******

(My APOlogies to APO if I totally misunderstood and misinterpret the song.)