Gang-gang, Ging-ging, Gung-gung

Posted by

(Dahil po Buwan ng Wika, ay aking inilalathalang muli ang isang sanaysay na aking orihinal na isinulat apat na taon na ang nakalilipas.)

Kung ikaw ay Pilipino o lumaki ka sa Pilipinas, ay sigurado akong may kakilala kang Bam-Bam, o Bong-Bong, o Che-Che, o Don-Don, o Jun-Jun, o Nene, o Ning-Ning, o Ping-Pingo Toto. Siguro idagdag mo pa sina Mac-MacMik-MikMimi, Noy-NoyJan-JanLan-LanLot-LotJojoPen-PenTin-Tin, Ton-Ton, KakaRaraNanaNini, NonoGang-Gang at Ging-Ging. Lahat ng mga pangalang binanggit ko ay mga kakilala ko.

May kilala rin akong Gaga at Gung-gung. Marami sila.

Bakit nga ba tayong mga Pilipino ay mahilig sa mga pangalang inuulit? Siguro ay makulit lang tayo kaya’t gusto natin ng inuulit-ulit. O kaya nama’y sobra lang tayo sa imahinasyon na gumawa ng makwela o mabantot na pangalan? Pero kung tutuusin uso na ang pangalang inuulit panahon pa ni Lapu-Lapu.

Hindi lang pangalan ng tao, kundi kahit mga lugar sa Pilipinas, ay may pangalang inuulit. Gaya ng Taytay, Iloilo, Guagua, Wawa, Tawi-Tawi, Sanga-Sanga, Hinulugang Taktak, at Mount Hibok-Hibok. Ako naman ay lumaki sa may Balik-Balik. Ang kulit ‘no?

Meron din tayong mga pagkaing Pilipino na binigyan natin ng pangalang inuulit. Tulad ng kare-kare, bilo-bilo, tibok-tibok, pichi-pichi, kwek-kwek at poqui-poqui. Hindi po bastos ‘yung huling putahe, lutong Ilocano po iyon.

Siguro isama na natin pati tawag natin sa mga hayop. Mula sa maliit na kiti-kiti, hanggang sa malaking lumba-lumba. Andiyan din ang paru-paro, gamu-gamo, batu-bato, sapsap, at plapla. Pati nga bulaklak, gaya ng ilang-ilang at waling-waling. Bilib ka na?

At siyempe pa, pati maselang bahagi ng ating katawan, ang tawag natin ay inuulit din. Hindi lang kili-kili ang tinutukoy ko. Pati ti__, pek__, at su__. Awat na?

Aking nabasa na hindi lang daw ang wikang Pilipino ang mahilig sa mga inuulit na salita. Ang ating wika ay nagmula sa pamilya ng Malayo-Polynesian na mga lingwahe. Ang mga wikang ito ay may hilig na magdikit-dikit at magkawing-kawing ng mga kataga upang gumawa ng mga bagong salita. Maraming pagkakataon, inuulit ang unang component ng salita. Kaya siguro may Mahimahi sa Hawaii, at may Bora-Bora sa French Polynesia.

Kaya kung pinangalanan kang Pot-Pot o Keng-Keng, ay sisihin mo na lang ang ating mga sinaunang ninuno at mga tatang. Anak ng teteng talaga!

Kadalasan kapag ang isang salita ay inuulit ay tumitindi ang kahulugan nito. Kumbaga sa Ingles, ito’y nagiging superlative. Tulad ng kapag sinabing ang husay, ibig sabihin ay magaling. Pero kapag sinabing ang husay-husay, ay ibang liga na iyon at maaaring genius na ito. Kapag laksa, nangangahulugan ito’y marami, subalit kapag laksa-laksa, siguradong matatabunan ka na ‘nun. Kapag sinabing ang pangit mo, ay baka nagsasabi lang sila ng totoo. Pero kapag sinabihan kang ang pangit-pangit mo, ay insulto at away na ang hanap nito. Brod, tara sa labas!

Mayroon din tayong mga salita na tuluyang naiiba ang kahulugan kapag inuulit. Tulad ng bola, ito ‘yung isinu-shoot sa goal. Pero kapag bola-bola ito yung tinutusok at sinasawsaw. Baka iba namang tinutusok at sinasawsaw ang nasa isisp mo? Fishball tinutukoy ko ‘Te. Kapag sinabing turo, maaring tungkol sa maestra o sa paaralan. Pero pag-sinabing turo-turo, ay karinderya na ‘yan. Kapag halo lang ay parang walang dating sa akin. Ngunit kapag binanggit mong halo-halo, ay maglalaway na ako, dahil miss na miss ko na ‘yan.

Maari ring inuulit ang isang salita para ibahin ang verb tense ng isang pangungusap. Tulad ng hawak, ginagawang hawak-hawak para maging present participle tense. Kung baga sa Ingles, dinadagdagan ng –inglike hold to holding. Suot ginagawang suot-suot. At ang salitang bitbit, kahit inuulit na ito, pero uulit-ulitin pa rin.

Example: Bitbit-bitbit ni Pepe ang patpat at tingting.

Meron din naman tayong mga salita na kapag hindi inuulit ay walang kahulugan. Gaya ng sinto-sinto na ang ibig sabihin ay baliw. Ano naman ang ibig sabihin ng sinto? Medyo baliw? O kaya’y guni-guni na ibig sabihin ay ilusyon lang. Ano naman ang ibig sabihin ng guni? Kalahating ilusyon lang? O kaya naman ay kuro-kuro, na ibig sabihin ay opinyon. Ano naman ang kuro? Walang opinyon?

May mga salita ding inuulit, na tayo lang mga Pilipino ang tunay na nakakaintindi, dahil kasama na ito sa hibla ng ating kultura. Tulad ng tabo-tabopito-pitotagay-tagay, at ukay-ukay.

Bilang kunklusyon, maaaring sabi-sabi at haka-haka lang ang mga nilahad ko dito. Maari rin itong bunga ng aking pagmumuni-muni o kaya nama’y guni-guni lamang. O siguro ito’y mga kuro-kuro ng isang kukurap-kurap at aantok-antok na pag-iisip. Kaway-kaway na lang kung inyong naibigan. At huwag namang bara-bara at sana’y hinay-hinay lang sa pagtawa, at baka mapagkamalian kayong luko-luko at luka-luka.

Salamat po.

(Original Post: July 19, 2017, Bakit Mahilig ang Pilipino sa Pangalang Makulit)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s