Hopia, Hopia, Hopia Kayo Riyan!

Posted by

Noong nakaraang linggo ay dumating ang aming panganay na anak mula sa kanyang maiksing bakasyon sa Pilipinas. Siya lang mag-isa ang umuwi at tumira siya sa aming mga kamag-anak doon sa Metro Manila. Kahit dalawang linggo lang ang kanyang inilagi doon ay masaya naman siya at kahit papaano’y nakapamasyal sa Pilipinas, kahit pa panay-panay ang ulan at bumaha pa nga noong siya ay naroon. Masaya rin ang aming kamag-anakan doon at nakita nilang muli at nakasama ang aming anak.

Maraming dalang pasalubong ang aming anak nang siya’y bumalik. Siksik, liglig at halos sumabog na ang kanyang dalawang maleta. Ito raw ay mga padala ng aming mga kamag-anak. May tuyo, danggit, dulong, yema, cornik, pulburon, tableyang tsokolate, at iba’t iba pang chichirya. Pero ang pinakagusto kong pasalubong ay ang hopia. Padala ito ng aking kapatid.

Hindi ko ikakaila na isa sa paborito kong meryenda noong ako’y bata pa ay ang hopia (see previous post). Simple lang naman ang aking panlasa. Hopiang munggo o hopiang Hapon ay masaya na ako. Pero nang makita ko ang ipinadala ng aking kapatid, iba’t ibang flavor pa ang mga hopiang ipinasalubong niya sa akin, gaya ng red munggo, ube, at kundol. May Hopia Combi pa pala ngayon – kombinasyon ng mga flavors, tulad ng ube at keso, ube at makapuno, at ube at langka. Wala pang ganitong hopia na tinitinda si Aling Luring sa kanilang sari-sari store noong kami’y musmos pa.

Ang hopia raw ay mula sa mga Chinese. Ito ay ipinakilala sa ating mga Pilipino ng Fukienese immigrants nang sila ay sumalta sa Pilipinas noong early 1900’s. Ang ibig sabihin pala ng “hopia” ay “good pastry” sa wikang Hokkien, isang dialect sa Fujian province at Taiwan. Ang hopia ay parang bargain o mas murang bersyon ng mooncake na bahagi ng kanilang tradisyon tuwing Mid-Autumn Festival o tinatawag din na Mooncake Festival*.

Eh ang hopiang Hapon? Japanese ba ito na nagpapanggap na Chinese? Sa hopiang Hapon, ang sahog na ginagamit dito ay red Adzuki bean na katutubo mula sa Japan. Pero sa lahat daw ng klase ng hopia, ang hopiang Hapon ang pinakamalapit na katulad ng moon cake, kaya’t Chinese-inspired pa rin ito.

Sa paglipas ng panahon, ay dahan-dahan nang inangkop ang hopia sa pansala ng mga Pinoy. Kaya’t nagkaroon na ng flavor na ube, langka, buko-pandan, pinya, mangga at iba pa.

Ngayon, hindi lang tuwing Mooncake Festival papular ang hopia. Dahil kahit anong araw, may okasyon man o wala, bilog man ang buwan o hindi, may dugong Chinese ka man o wala, ay masarap miryendahin ang hopia.

Hindi ko rin ikakahiya na binitbit ko ang aking baong hopia sa aming opisina (above photo). Pamatid gutom rin ito lalo na’t kapag busy kami sa aming clinic at walang matinong oras para kumain. Kung may Sarsi nga lang din dito, kumpleto na. Hindi ko lang alam kung bakit Eng Bee Tin** (established in Ongpin since 1912) ang pangalan ng kumpanya na gumagawa ng hopiang ito. Sinadya kaya ang pangalang ito, dahil pagnaubos mo na ang masarap na hopia, ay mapapasambit ka ng “ang bitin!”

**********

(* Mooncake Festival is on September 10 this year.)

(** Eng Bee Tin actually means “forever, excellent, treasure” in the Fukien dialect.)

2 comments

  1. Nakakatuwa palaging basahin inyong blog (o pitak?), Doc. Kung nalaman ko lang paborito ninyo ang hopia, sana po ay nakapagpadala din ako ng Tipas Hopia (mula po Taguig na ngayon ay sikat na rin) at ang magkalaban na hopia, Ho-Land at Polland. Tama po kayo. Ako man ay laging bitin kapag kumain ng Eng-beetin Hopia. Pero sa palagay ko po kaya paborito natin ang hopia, ito kasi ang merienda at pagkaing umaasa palaging magugustuhan: hopia like it! God bless po maski kurneh…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s