Kung ikaw ay lumaki ng Manila o ng Pilipinas, ang katagang “kanal” ay hindi magandang konotasyon. Sa isip natin ito ay mabaho, marumi, at hindi umaagos ang itim na tubig dahil barado ang lagusan nito. Ang kanal para sa atin ay ang “sewage system” o imburnal.
Pero ang totoong kahulugan ng kanal ay isang daanan ng tubig na ginawa ng tao (artificial waterways). Ito ay pwedeng daanan ng mga bangka, o kaya’y para sa irigasyon ng tubig. Sa katunayan may mga lugar sa ibang bansa na kilala dahil sa kanilang magandang “canal system,” tulad ng Venice at Amsterdam.
Minsan sa hindi katagalang panahon, kami ay bumisita sa isang nayon na sa halip na kalsada ay kanal ang kanilang mga daanan.

Totoo, walang kalsada. Puro kanal lang. Hindi pwedeng makapasok ang mga kotse dahil walang kalyeng madadaanan sa lugar na ito. Kahit tricyle hindi pwede dito. Kanal na nagsasanga-sanga ang nagdudugtong-dugtong sa nayon ito.
Maaring sabihin na ang lahat ng bahay dito ay nasa tabing kanal, at ang mga tao dito ay may buhay-kanal.


Kaya kung gusto mong mangapit-bahay, ay kailangan mong mamangka. Pwede rin naman sigurong lumusong at lumangoy sa kanal dahil malinis naman ito, pero hindi ito rekomendado.
Siguro bihira ang mga Marites at Marisol sa lugar na ito, dahil magbabangka ka pa para makipagchismisan sa iyong kapit-bahay. Hindi naman siguro pwedeng magsigawan dahil maririnig ng kanilang pinagchi-chismisan.


Paano na lang kung gusto mong magtinda ng taho o kaya ng balut sa barrio na ito? Magbabangka ang magtataho!
Pero alam ko na may mga lugar sa ibang bansa, tulad sa Bangkok, na nakabangka ang mga nagtitinda sa kanilang “floating market.”


May kagandahan din naman siguro ang walang kalsada. Unang-una walang mga nag-iinuman sa kalye. Wala ring mga istambay. At lalong walang nag-kakaraoke sa tabi ng daan kahit malalim na ang gabi.

Pero paano na lang ang mga batang paslit sa lugar na ito? Wala silang kalsada na pwedeng mag-laro ng patintero o tumbang-preso.
Ano kaya ang kanilang mga larong kanal? Siguro sa halip na luksong-baka ay lublubang baka? O kaya nama’y sa halip na sipa ay sisid? O kaya’y habulan o taguan sa kanal?


Nang kami ay bumisita sa lugar na ito, wala kaming nakita na naglalako, walang mga batang paslit na lalabuy-laboy, at wala rin mga istambay sa kanal.
Mga bibe lang ang aming nasaksihan na gumagala-gala sa kanal.

Pero sa totoo lang, lumaki ako sa lugar na may pagkakahawig sa nayong ito, kung saan ang mga kalsada ay lubog sa tubig at ang kalye ay nagiging parang kanal. Ito ay sa Sampaloc, Manila, kung saan laging baha sa aming kalye tuwing umuulan. Kung sana hanggang sakong lang ang tubig ay madaling lumusong dito, pero kadalasan hanggang tuhod umaabot ang tubig. Minsan hanggang baywang pa nga ang baha.
Siguro kung may bangka lang kami ay nagbabangka na rin sana kami noon.

Mula sa aming bangka habang bumabaybay sa dugtong-dugtong na kanal,
Pinoytransplant.
*********
(*photos taken at Giethoorn, Netherlands)
Ang ganda po ng napuntahan nyo. Wala pong Marites, Marisol 😁
Pero meron silang Marina. Hindi “Mare, ano na?” Ito’y totoong Marina, na paradahan ng bangka. 🙂
Beautiful! Ganda ng mga bahay!
Frog leap ang tawag sa laro ng mga bata! Haha 😆 kwela, kuya… Nagpipigil Lang akong tumawa dahil wala pang alas sais ng umaga.
Ano ang tawag sa mga bata batuta na naglalaro ng frog leap? Bata butete!
🤣🤣🤣🤣 andami Kong tawa!
Ay leap frog pla Yun lol