Sinampalukang Pangarap

Posted by

Sinampalukang manok. Pinangat na tilapia sa kamias. Sinigang na bangus sa bayabas. Ginataang santol. Alam natin ang mga ito bilang Pilipino. Alam din natin na kahit maaasim ay masasarap ang mga ulam na ito.

Pero nakarinig ka na ba ng Sinampalukang Pangarap? Masarap din ba ito? O maasim?

Noong nakaraang buwan, ako’y nag-balikbayan at nag-balikpaaralan para dumalo sa pagdiriwang ng aming 25th graduation anniversary mula sa UST College of Medicine and Surgery.

Dalampu’t limang taon na nga ba ang nakalipas? Parang kahapon lamang ito. O hindi ko lang matanggap na matanda na talaga ako, at nag-uulianin na.

Ang tema ng aming selebrasyon ay: “Mundi Dottore*: From Tamarind Dreams to the World.” Sa madaling salita, sinampalukang pangarap.

IMG_2441

Ang temang ito ang napili dahil ang UST raw ay nasa Sampaloc, Manila, at marami sa aming mga nagsipagtapos dito, ay nagsipangalat sa iba’t ibang lupalop ng mundo. Para sa akin, na tunay na lumaki sa Sampaloc, at nagmula sa isang simpleng pamilya at pamumuhay, ay talagang naaangkop ang “sinampalukang pangarap.” Mula sa uhuging bata ng Sampaloc na nakarating sa kabilang dalampasigan ng mundo.

Marami-rami rin sa amin ang nanumbalik at dumalo sa selebrasyong ito. Kung saan-saan ang ang aming pinanggalingan. Mula sa iba’t-ibang bahagi at iba’t-ibang isla ng Pilipinas, at mula rin sa iba’t-ibang sulok ng ibayong dagat. Kasama na ako rito.

Totoo, bago mag-reunion, ay naging sabik akong makita ang mga dating kaklase na naging kaibigan at kasangga sa anumang pinagdaanan, sa hirap man o ligaya. Kamusta na kaya ang mga kumag?  Ano na kaya ang kanilang racket ngayon? Ano na kaya ang itsura nila? Gaya ko kaya silang tumanda? Tumaba? Pumayat? Pumuti ang buhok? O naubos ang buhok?

Makikilala pa kaya ako nila? O makikilala ko pa rin ba sila?

Aaminin ko na bagama’t saya ang pangunahing naramdaman ko sa aking pag-babalik, ay may halo rin itong kaba, pag-aalinlangan, at konting pait. Dahil alam naman natin na hindi lahat ng mga nakaraang ala-ala ay masasaya. Parang sampalok, may maaasim din.

Mayroon din palang sinampalukang ala-ala?

Paano kung makita mo ‘yung dati mong nakaaway? O ‘yung nang-basted sa iyo? O ‘yung ayaw kang turuan at ayaw rin namang magpakopya, kaya tuloy nag-remedials ka. O ‘yung laging magulang at tamad kapag duty ninyo? O ‘yung nagsumbong at nagpahamak sa inyo? Buhay pa kaya ang mga anak ng tinapa?

Sa kabilang banda, paano naman kung makita mo ‘yung mayroon kang atraso noon? O kaya’y ‘yung kaibigan mo na hanggang ngayon ay hindi mo pa rin nababayaran ang hinayupak na utang mo?

Ano kaya ang iyong gagawin kung makita mong muli ang malupit mong guro na nagpahirap sa iyo? Ano kaya ang mararamdaman mo kung makita mo ang teacher na dahilan kung bakit ka hindi nakapag-marcha sa graduation? Makaya mo kayang ngitian sila o baka magdilim ang iyong paningin at hindi mo mapigilang mag-hurumintado?

Pagtapak mo kaya sa dating paaralan, masasayang gunita lang ba ang sasagi sa iyong isip? O hindi mo rin maiiwasang maalala ang iyong mga naging pagkakamali, na matagal mo nang pinagsisihan at pilit nang kinalimutan?

Hindi ko na lang sasabihin kung ano ang aking mga naramdaman, ngunit sabihin na lang nating may mga sugat na kahit naghilom na, ay masakit pa rin kung makanti.

Subalit lahat ay lumilipas din. Hindi dapat manatili sa maaasim. At kung may maaasim mang mga alaala ay higupin na lang ito na parang sinigang sa sampalok, na matapos mong namnamin, ay masarap din naman pala.

Ang mahalaga ay nakatapos, at naging matagumpay sa pinili mong landas na tahakin. Kahit pa naging puno ng putik at balakid ang iyong dinaanang landas. At ngayon ay taas-noong nanumbalik at nakipagdiwang, para ipakita sa kanila na ang iyong mga sinampalukang pangarap ay iyo ring naatim.

Kaya kahit sampalok man, ay tumatamis din.

********

(*Mundi Dottore is Latin for World Doctor)

 

 

2 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s