Nakaupo ka sa jeepney, pero ang jeepney ay hindi umuusad dahil sa sobrang traffic. Late ka naman sa trabaho. Siguradong magagalit na naman sa iyo ang iyong boss, at baka sisantehin ka na. Masasambit mo na lang, “Hay, buhay!”
O kaya naman, humihingi ang iyong bunsong anak ng pambaon para sa eskwela. Sinilip mo ang laman ng iyong pitaka. Mas marami pang natitirang araw sa kalendaryo bago ka sumweldo, kesa sa lamang pera ng iyong pitaka. Mapapabuntung-hininga ka na lang, “Hay, buhay!”
“Hay, buhay!”(Oh, life). Ito ay kataga na ating sinasambit kapag tayo ay dismayado at inis na sa ating buhay. Para bang ayaw na nating magpatuloy pa sa mundong ito, pero wala naman tayong magawa. Ubos na ang ating pasensiya. Ubos na rin ang ating pag-asa. Totoo, maraming kahirapan at pagsubok sa ating buhay.
May kanta rin ang Sugarfree na may pamagat na “Hay Buhay.” Sabi ng kanta:
Parang kailan lang nung ako’y nagsimula pa lang matutong matuto
Maglakad, tumayo, sumabay, lumangoy sa alon ng buhay, ng aking buhayKay hirap din palang hanapin ang iyong sarili
Sa isang mundong laging nagmamadali
Sa kakahabol ay tuluyan nang napagod at napaupo
Naisip ko nang sumuko[Refrain]
Dahil nakita nyo na akong sumablay
Narinig mo na ang puso kong bumigay[Chorus:]
Hay buhay, hay buhay, hay buhay nga naman
Subalit kaibigan, aking sasabihin sa iyo na meron tayong magagawa na maaring magpabago ng takbo ng ating buhay. At wala itong kinalaman sa buhol-buhol na traffic. At wala rin itong kinalaman kung kantahin natin o hindi ang awit ng Sugarfree. Ibahin lang natin ang pagbigkas ng “Hay, buhay!”
Paano ba ito kamo?
Mga ilang taon na ang nakalipas, may isang ibon ang bumundol sa aming bintanang salamin. Nakita namin itong nahulog sa lupa. Matapos itong kumisay-kisay ng sandali, hindi na ito gulamaw. Patay na kaya ang munting ibon?
Aming dinampot ang kawawang ibon at ipinasok sa bahay. Ilang saglit matapos naming obserbahan ang walang tinag na ibon, ay bigla itong kumislot. Bumukas ang kanyang mga mata at ito’y bumangon. Kami ay napasigaw, “Hay, buhay!” (Oh, alive!)
Ilang sandali pa ay pinakawalan na namin ang ibon at ito’y lumipad na muli sa himpapawid.
Maraming dagok ang darating sa ating buhay. Minsan tayo ay madadapa at babagsak. Pero kung positibo ang ating pananaw sa buhay, tayo ay babangon muli. Tibayan natin ang ating loob at patuloy tayong lumaban.
Hangga’t may hininga sa ating mga baga, ay may mananalaytay na pag-asa sa ating buhay. Hindi tayo patay, kahit inaakala na ng iba. Tayo ay “Hay, buhay!” (We’re alive!)

Nakakatuwa na ang simpleng pagbago ng pagbigkas ng salita ay kayang magpabago ng kahulugan nito.
Ganito nga siguro natin dapat isabuhay ang buhay ngayon—hanapan ng ibang perspektibo at kahulugan ang mga bagay na ordinaryo, paulit-ulit, at nakakapagod.
Salamat kaibigan at iyong naibigan. Habang buhay (alive), may buhay (life).
Salamat Doc. I needed this.
You’re welcome. I think we all need it.