Kurot, Pingot, at Tsinelas

Kung ikaw ay nakaranas na makurot, mapingot, at ma-tsinelas noong bata ka, ay sigurado akong alam mo na kung ano ang tatalakayin ng sulating ito. Hindi ko ikinakaila, ngunit hindi ko rin naman ipinagyayabang na naranasan ko ang kurot, pingot, at tsinelas. Siguro nga ay makulit talaga ako noong bata.

Iba’t iba ang pamamaraan ng pagpapalaki at pagdidisiplina ng mga bata. Mayroong mga naniniwala sa palo. Sabi nga ng isang salawikain, “spare the rod, and spoil the child.” Sangayon din sa banal an kasulatan: Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak: nguni’t siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan (Prov. 13:24).

Mayroon din namang hindi sangayon na paluin ang mga bata. Sa katunayan ay may malaking debate ngayon kung dapat ba o hindi dapat paluin ang bata. Maraming mga pag-aaral at pagsasaliksik sa ngayon ang nagsasabing hindi raw epektibo ang pamamalo sa bata, at marahil ito lamang ay nakakasama sa kanilang pag-unlad.

Kamakailan lamang ay may panukalang batas sa Pilipinas na isinampa at pumasa sa Kamara, ang House Bill 4907, o ang tinaguriang ‘Positive Discipine Act’. Ito ay nagbabawal sa mga marahas na pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga bata, kasama na rito ang pamamalo sa tahanan man o eskwelahan. Sa aking pagkakaalam ay hindi pa ito pumapasa ng Senado.

Dito sa Amerika, ay may karapatan pa rin naman ang mga magulang na paluin ang kanilang mga anak. Ngunit may mga limitasyon na iba’t iba sa bawat Estado. Maraming mga magulang dito ang nagdadalawang isip na paluin ang kanilang mga anak dahil maari silang isumbong sa pulisya at sampahan ng pang-aabuso.

Totoo naman talaga na ang pagpalo bilang pagdidisiplina at pagpalo bilang pag-aabuso sa mga bata ay makitid na linya lamang ang pagitan. Marami akong mga naririnig sa balita na may mga batang sadya namang naabuso at sinaktan sa ngalan ng “disiplina.” Ngunit akin pa ring pinapaniwalaan na walang magulang na nasa tamang pag-iisip ang gustong saktan o bugbugin ang kanilang sariling anak.

spanking-child

Balik tayo sa aking mga naranasan noong ako’y bata pa.

Ang kurot at pingot ay kalimitan mga “spur of the moment” na parusa na aking napala. Pero paminsan -minsan ay winawarningan naman ako ng aking nanay – “Pag-hindi ka umayos ay kurot ang aabutin mo.” Malimit ang kurot ay sa tagiliran o sa singit. Ang pingot, sa aking pagkakaalam ay sa tenga lang. Pinipingot din ba ang ilong? Kung ganoon, sana naging matangos na ako ngayon.

Ang palo naman ay kadalasan planado na sentensiya. Pinapahupa muna ng aking nanay at tatay ang kanilang galit, bago kami padapain at paluin. Karaniwan sang-ayon sa bigat ng kasalanan kung gaano karami ang hampas. Sa puwet o sa hita madalas ang palo. Maari rin naman sa kamay.

Tsinelas ang madalas na pamalo ng mga magulang. Ang gamit ng nanay ko ay pambahay na tsinelas, kaya medyo malambot lang ang hagupit. Kahit pa ba mumurahing tsinelas, o deklaseng  yari sa Marikina, o imported pa na tsinelas, ay wala sigurong tunay na pagkakaiba. Buti na lang at hindi nagsusuot ng bakya ang aking nanay! Masakit kayang mapalo ng bakya?

Kung tatay naman ang mamamalo, ay maaaring sinturon ang gagamitin. Malimit ay leather belt, gaya ng balat ng kalabaw o baka, kaya medyo mataginting ang sakit. Natikman ko rin na masinturon ng aking tatay. Hindi ko na matandaan ang aking kasalanan, pero alam ko lagi kong pinapaiyak ang aking nakababatang kapatid noon, kaya siguro ako nasinturon. Mapalad ka kung hindi nagsusuot ng sinturon ang tatay mo. Pero kung walang sinturon, ay baka naman dos por dos ang ipanghambalos. Lalong mas masakit yata iyon.

Hindi lamang sa bahay, ngunit kahit sa paaralan, ay may mga guro na namamalo bilang pagdidisiplina sa kanilang estudyante. Hindi naman ako napalo noong ako’y nasa paaralan  na, dahil medyo matino na ako noon. Pero napagalitan at naparusahan lang ako ng kaunti nang makipag-away ako noong Grade 2. Nakipagsapakan ako dahil lang sa jolens!

May naging titser din kami na madalas mamalo. Kahoy na ruler ang gamit nitong pamalo. Isang araw, isang makulit kong kaklase ang naglagay ng cardboard sa loob ng kanyang shorts, dahil alam niyang papaluin siya. Lumagutok ang cardboard ng paluin na siya! Lalong nagalit ang aming guro, at sa hita na lang siya hinagupit at naparami pa yata ang palong inabot niya.

Noong Grade 4 naman kami, ang titser namin ay isang matandang dalaga na talaga namang “old school.” Mayroon pa nga siyang maliit na sandbox sa sulok ng aming classroom, na butil ng munggo ang laman. Dito pinapaluhod niya ang mga estudyanteng pasaway. Sa aking pagkakatanda, ay isa lang naman na kaeswela ko ang pinaluhod sa munggo. Kung si Sharon Cuneta ay may pelikula na “Bukas, Luluhod ang mga Tala,” ang aking kaeswela ay starring sa “Bukas, Luluhod ang mga Munggo.”

May mga narinig din akong mga guro na nambabatok. Pero wala naman akong guro na gumagawa nito. Kasi sabi nila nakakabobo raw kapag binabatukan ka, dahil maaring maalog ang utak. Iyon ang sabi-sabi noong bata pa ako. Alam na kaya nila noon ang tungkol sa concussion protocol?

Bilang isang magulang ay namalo rin naman kaming mag-asawa sa aming mga anak. Ngunit napakadalang lang nito at parang tapik lamang, dahil nadadaan naman ang pagdidisiplina sa ibang pamamaraan. Katunayan, mas namamalo ang aking misis kaysa sa akin. Gamit namin ay maliit na tangkay ng halaman (twig). Malambot ito, at tama lang na umigting sa balat kapag pinalo.

Noong maliit pa ang aming mga anak, minsan ay nawala at hindi namin makita kung saan napunta ang aming “pamalo.” Nakita namin ito ilang araw ang lumipas na nakasuksok sa si likod ng pantry. Isang beses din ay nakita namin ang “pamalo” na bali-bali at nasa basurahan. Umamin din naman ‘yung aming bunso na siya ang may kagagawan noon. Katwiran niya, para hindi raw siya mapalo. Matalinong bata!

Para sa akin hindi mahalaga kung ano man ang gamit mong pamalo: maging kamay, tsinelas, sinturon, o tangkay ng puno. Ang mahalaga ay ang kasamang pagmamahal na kaakibat ng iyong pagdidisiplina sa kanila. Sa mga magulang na tulad ko, namamalo man kayo o hindi, ang mas importante pa rin ay ang mapagmahal na relasyon ninyo sa inyong mga anak.

Oo nga’t natsinelas ako ng aking nanay, at nasinturon ng aking tatay. Ngunit hindi ko na matandaan ang sakit ng mga iyon. Dahil ang akin lamang natatandaan ay ang kanilang pagmamalasakit at pagmamahal sa akin at sa aming magkakapatid.

Kung hindi nila ako dinisiplina noon, anong landas kaya ang aking tinahak? At saan kaya ako pupulutin ngayon?

Pinapasalatan ko pa rin ang mga kurot, pingot, at tsinelas.

 

 

Bawal Umihi Dito

Bawal Umihi Dito!

Iyan ang sigaw ng maraming pader sa Pilipinas. Kung ikaw ay maglalakad sa ating mga lansangan, ito ang tatambad sa iyo na nakasulat saan mang sulok ka tumingin. Marahil masasanghap mo rin ang mapanghing kalagayan ng ating mga siyudad.

Bakit nga ba kailangan pang isulat ang babalang ito? Hindi ba common sense naman na hindi tayo dapat umihi sa pader, o sa poste, o sa kalye? Sino bang magpapaskil ng “Pwedeng Umihi Dito.” Hindi ba dapat alam natin na ito’y labag sa batas? Pero tanong ng iba, against the law or against the wall?

Sa katunayan, karamihan ng mga munisipyo ay may ordinansa laban sa pag-ihi sa publiko. Maari kang kasuhan ng disorderly conduct o kaya’y indecent exposure pa, at maaring magmulta o makulong. Pero bakit pawang hindi ito ipinatutupad?

Man-urinating-beside-a-bawal-umihi-dito-sign-in-the-Philippines

(photo from internet)

Hindi sa ako’y nagmamalinis o hinuhusgahan ko ang mga gumagawa nito. Dahil minsan din akong umihi sa gulong ng kotse ng tatay ko, nang ako’y musmos pa. At saka noong panahon nang ako’y nasa kolehiyo, maraming mga lalaking estudyante ang “nagdidilig” ng halaman doon sa may grandstand ng UST bago magsimula ang aming ROTC, dahil hassle ang pumunta sa CR. Join na rin ako sa pagdidilig.

Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit palasak sa Pilipinas ang pag-ihi sa pader?

1. Una sa lahat, dahil tayo ay nai-ihi.

Oo nga naman, hindi mo gagawin ito kung hindi ka nai-ihi. Pero hindi iyon ang gusto kong sabihin. Ang aking tinutukoy ay hindi kayang mapigilan ang pag-ihi.

Baka may enlarged prostate na si kuya? O kaya nama’y lasing? O baka naman may hyperactive bladder o balisawsaw si ate. (Totoo, hindi lang mga kalalakihan ang gumagawa nito.)

Pero Pinoy lang ba ang hindi makapigil ng kanilang ihi?

2. Dahil nais nating markahan ang ating territoryo.

Alam ba ninyo, na kapag inihian ng aso, o kaya’y isang hayop ang isang puwesto, kanyang ipinapaalam sa ibang aso, o ibang hayop, na ito’y kanyang territoryo?

Pero hindi yata ito angkop sa tao. Dahil kadalasan, hindi natin pag-aari ang pader na ating ini-ihian. Kaya naman maraming nauuwi sa away dahil sa pader ng kapitbahay tayo umiihi. At kung ika’y umihi habang nakadungaw ang ang may-ari, baka hindi lang sigaw, kundi itak ang abutin mo. Putol!

3. Dahil walang sapat na public toilet.

Hindi naman siguro makakaila, na kulang, o talagang wala, tayong sapat na pampublikong palikuran. Kung ika’y nai-ihi, kailangan mong pumunta sa loob ng mall o sa restaurant para umihi. At maaring may bayad pa ito, o pagkahaba-haba ng pila. O kaya nama’y sasabihan kang “para sa customer lang po ang toilet.”

Kaya walang ibang choice kundi pigilin hanggang sa maiihi sa salawal, o humanap na lang ng pader.

4. Hindi ipinapatupad ang batas laban dito.

Alam kong mas maraming malalaking problema ang ating bansa. Tulad ng trapik, o mabagal na ekonomiya, o corruption sa gobyerno. Kaya ba hindi na lang pinapansin ang batas laban sa pag-ihi sa publiko?

At sino ang magpapatupad nito? Ang may-ari ng pader? Mga baranggay tanod? Mga pulis? Mahina siguro ang “kotong” sa mahuhuli dito, hindi tulad sa nahuhuli sa batas trapiko.

Kaya maliban na ikaw ay umihi sa poste kung saan nagtatago ‘yung pulis, malamang bale wala ito. Kaya hanggang sa paskil na “Bawal Umihi Dito” na lang, at ipinauubaya na sa pader na ipagtanggol nito ang sarili.

Pero mayroon na ngayong bagong hydrophobic paint na “pee-proof” daw. Kapag ipinahid ito sa pader, tumatalbog pabalik ang ihi sa sinumang salarin. Makakaganti na rin ang inaaping pader! Magkaroon kaya nito sa Pilipinas?

cq5dam.web.1280.1280

kaliwa – karaniwang pader; kanan – may “pee-proof” paint (image from internet)

5. Dahil walang galang at walang disiplina.

Siguro dito nauuwi ang lahat ng ito. Wala tayong disiplina sa ating sarili.

Walang disiplina sa batas trapiko. Walang disiplinang pumila sa linya. Walang disiplinang tumupad sa oras. Walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Walang galang sa pag-aari. Walang galang sa ibang tao. Walang galang sa ating sarili.

Kung simpleng bagay gaya ng hindi pag-ihi sa pader ay hindi natin kayang disiplinahin ang ating sarili, paano pa kaya ang mas malalaking problema ng lipunan tulad ng pagnanakaw ng kaban ng bayan, corruption, at pagiging tapat sa isa’t-isa?

Kawawa naman ang ating bansa. Sabi pa naman sa ating pambansang awit “duyan ka nang magiting.” Pero siguro nga, kaya sinabing duyan, dahil laging nai-ihian.

Kaya sa susunod, kung may makita kang umiihi sa pader, magalang mo na lang silang paalalahanan. At kung ikaw ang iihi sa pader……”Humarap ka, duwag!”