Luha, Kapitbahay, at si Voltes V

Nuong nakaraang taon ay pinadalhan ako ng aking kaibigan mula sa Pilipinas, ng mga discs na kumpletong kopya ng serye ng Voltes V, Mazinger Z, at Daimos (dubbed in English). Bagama’t pinakupas na ng maraming taon ang mga palabas na ito, ang mga alaala na hatid nito sa akin ay hindi pa rin kumukupas.

Ilang mga panahon din akong naloko at napuno ng pantasya sa mga palabas na ito. Maraming oras din ang ginugol sa pagda-drawing sa kanila. Mga ilang baon ko rin ang ginastos na ipinambili sa mga stickers ng mga robots na ito. Para sa akin, walang sinabi ang movie ng Transformers (kahit gaano pa ka-sexy si Megan Fox) sa Voltes V.

Ngunit hindi ko akalaing pag-iinteresan ng aking mga anak ang mga palabas na anime na linuma na ng panahon. At lalong hindi ko akalain na ang mga palabas na nagdulot ng katuwaan sa akin mahigit tatlumpung taon nang nakalipas ay magbibigay kasiyahan din sa kanila ngayon.  Sa totoo lang, hindi sila mapuknat-puknat sa panonuod ng Voltes V, Mazinger Z at Daimos.

Isang araw, ay dumalaw at nakipaglaro ang anak ng aming kapitbahay sa bahay namin. Inanyayahan siyang manuod ng aking mga anak ng Voltes V. Tutok na tutok din ito sa panunuod. Siguro ay ngayon lang siya nakapanuod ng anime. Sa panahong ito ng mga “high definition, high technology computer animation,” ay bumenta pa rin ang low-tech animation. Bata nga naman.

Dahil naaliw ang aming kapitbahay sa panunood, ay ipinahinaram namin ang disc ng Voltes V upang iuwi niya sa kanilang bahay.

Lumipas ang maraming araw……mga linggo……at mga buwan. Hindi pa rin ibinabalik sa amin si Voltes V. Anuman ang dahilan ay hindi namin alam. Iniyakan na nga ito ng aking anak. Ilang luha ba ang halaga ni Voltes V?

Dinahilan na lamang namin sa kanila na baka nawala ng aming kapitbahay yung disc. O maaring natabunan ito sa pinagtaguan. O maaring nasira at nagasgas. O kaya nama’y kinain ng kanilang aso. O maaring na-ambush ito ng Boazanian Empire. O kaya nama’y pinulbos ng Beast Fighter.

Amin na lang inaliw ang mga bata at sinabi sa kanila na ang mahalaga ay panatilihin pa rin nila ang pakikipagkaibigan sa aming kapitbahay. Ang payo namin ay huwag nilang hayaan maging hadlang si Voltes V sa kanilang relasyong magkaibigan. Bumalik man o hindi si Voltes V, ang mas mahalaga ay ang pakikipagkapwa namin sa aming kapitbahay.

Isang liksyon sa pakikisama. Ika nga nila, “Let’s volt in!!!!”

Art Time at si Mazinger Z

Naaalala ko si Mrs. Terrencio, ang aking teacher nuong kami ay grade 5. Pag bandang hapon na, at siguro’y pagod na siya sa kakaturo, ay i-aanounce niya: “Art time! Draw whatever you want.” Tapos nun, iiwan niya na kami. Maniwala ka, kahit isang oras na walang guro, ay tahimik ang buong klase – abala ang lahat sa pagdo-drawing (nagpapatunay na hindi kailangan ang mga mamahaling gadyets para ma-entertain ang mga bata).

Naaalala ko rin na ang hilig kong i-drawing nuon ay mga pinoy landscapes. Tulad ng malawak na palayan, tapos may bahay kubo sa tabi, na nasa ilalalim ng punong kawayan, at ang background ay ang Mayon Volcano na may usok sa tuktok. O kaya naman ay Manila Bay, na naliliwanagan ng bilog na buwan, tapos may “moonlight path” sa tubig, habang may tumatawid na bangka, at may puno ng niyog sa pampang. Pero walang panama ang aking mga drawing sa mga drawing ng aking mga kaklase. Ang lupit ng kanilang mga drawing ng Voltes V, Mazinger Z at iba pang mga robots.  At kahit nga ano ang aming i-drawing ay OK sa aming teacher. Pasado lahat!

Kaya magmula nuon, ay natutunan ko na ring i-drawing si Mazinger Z. Meron itong nguso na parang grill, tapos may dalawang pangil na mula sa kanyang tenga, at sa ulo niya ay may parang “nurse cap” (hindi ko nga maintindihan kung nurse ba si Mazinger Z o ano?), kung saan nagla-landing yung hovercraft ni Koji, at tsaka may parang sungay ng kalabaw sa kanyang dibdib. Naging “in” na rin ang drawing ko sa aking mga kaklase.

Matapos ang maraming taon, kahit hindi ako nag fine arts, o architect, o engineer, ay nagamit ko naman ang aking nadevelop na husay sa pagdo-drawing nuong ako’y nasa Biology major na. Buhay na buhay ang itsura ng drawing kong amoeba, bulate at ipis!

Pero higit sa lahat, ay pinasasalamatan ko ang aking teacher, na sa panahon na kami ay bata, ay hinayaan niya kaming maging mga bata. Isang panahon na hindi na maibabalik……….maliban lamang sa ala-ala.