Sakit sa Balakang, Sambong, at Badjao

Isa sa pinaka-mabentang artikulong inilathala ko sa blog na ito ay ang “Question and Answer: Sakit sa Balakang” (posted Sept 2016). Hanggang ngayon ay mahigit sa 100 tao kada araw pa rin ang sumisilip sa artikulong ito. Marami talaga yatang may masakit na balakang sa ating mga Pilipino. Bakit kaya?

Dahil marami pa rin ang nagtatanong tungkol sa sakit sa balakang, at dahil halos magkakatulad naman ang mga katanungan ay tumigil na po akong sagutin ito ng isa-isa. Pero naglathala naman ako ng aking pang-finale na sagot, “Sakit sa Balakang: Final Answer” (posted Aug 2018).

May natatanggap pa rin akong mga tanong sa sakit sa balakang hanggang sa ngayon, pero dedma na lang po ako. Pero noong nakaraang ilang linggo ay may nagtanong na hindi ko yata kayang palampasin lang, dahil maraming anggulo ito. Kaya’t heto na naman ako, sasagot muli sa isang katanungan.

Ito ang tanong ni Rowena (last name witheld).

Good day po.

Dati po bewang ang medyo masakit na parang ngalay sa akin ng mga nakakaraang araw. After ilang days sumakit po balakang ko sa bandang kaliwa lalo na pag nahakbang ang kaliwa kong paa. Nag pa-check up po ako at may UTI daw po ako. Niresetahan ako ng antibiotic at sambong. Pero kinagabihan lalo tumindi ang sakit.

At bago po nangyari ang lahat, meron po kasing nanghihingi ng limos na babaeng Badjao na may dalang bata. Hindi ko po s’ya nabigyan dahil wala akong barya. Para po siyang nagalit. Bago umalis tinapik po niya ako sa kaliwang bahagi ng balakang.

Nalilito na po ako at nahihirapan. Kaya po nag-search ako at baka may makatulong sa akin. Maraming salamat po.

Dear Rowena,

Sa iyong pagpapahayag ng iyong sintomas, sa aking tingin ay may kinalaman sa galugod (spine) ang dahilan ng iyong sakit sa balakang. Lalo na kapag gumagapang ang sakit sa hita at paa, at kung tumitindi ito kapag naglalakad. Maaring naiiipit ang ugat (nerve root) sa galugod kaya’t sumasakit at parang nangangalay.

Paki-basa na lang ng buo iyong artikulo kong Question and Answer: Sakit sa Balakang para sa mas kumpletong paliwanag at iba pang sanhi ng sakit sa balakang.

Kung ito ay UTI o kaya’y bato sa pantog o daanan ng ihi, maaring makaranas din ng matinding sakit, ngunit ang sakit ay hindi dapat gumagapang hanggang paa. Kung may iba pang gumagapang o nang-gagapang sa iyong hita, eh baka pulis na ang iyong kailangan.

Hindi ako pamilyar sa sambong, kaya’t ni-research ko pa kung ano ito. Ito ang aking napag-alaman tungkol sa sambong:

Ang sambong ay isang mabangong halaman. Ang scientific name nito ay “Blumea balsamifera” o “Blumea camphor.” Ito ay may medicinal properties. Isa rito ay ang diuretic effect – ito iyong nagdudulot ng pagpapaihi. Maari itong makatulong sa UTI o kaya para mailabas ang bato sa daanan ng ihi.

Dahil ang sambong ay mayroong methanolic compounds, ito ay nakakatulong din sa ubo at sipon. Ito rin ay may antibiotic properties dahil ito ay naglalaman ng cyptomeridiol at ichthyotherol acetate. Hindi naman siguro dahil sa sambong kaya’t lalong tumindi ang sakit ng iyong balakang, maliban na lang kung tumungga ka ng balde baldeng tsaa ng sambong ay maari itong makasikmura.

Tungkol naman sa mga Badjao, sila ay isa sa mga diskriminadong katutubong lahi ng tao. Sila ay kilala na “Gypsies of the Sea,” dahil sila ay nakatira sa mga kubo sa dalampasigan o kaya’y sa mga bangka na matatagpuan sa Sulu Sea. Ang kanilang kabuhayan ay ang pangingisda o pagsisid sa mga perlas.

Dahil sa digmaan, politikal na mga isyu, diskriminasyon, at komersyalisasyon ng pangingisda, sila ay natataboy sa kanilang tahanan sa karagatan. Marami sa kanila ay umaalis sa kanilang tradisyonal na lugar at nakikipagsapalaran sa mga barrio at lungsod.

Photo of a Badjao girl that went viral (image from Rappler)

Alam kong may mga Badjao na gumagala-gala sa mga siyudad at humihingi ng limos. Hindi ko alam kung ginagamit pa sila ng mga sindikato. Ngunit huwag naman po sana natin silang paratangan na mayroon silang dalang sumpa o kulam sa mga taong hindi sila napagbigyan, o mga taong hindi nila nagugustuhan.

Una sa lahat, hindi po ako naniniwala sa sumpa ng Badjao. Pangalawa, hindi na nga natin sila matulungan, napag-iisipan pa natin sila ng masama at inaakusahan na nais nila tayong saktan.

Rowena, alam kong naghahanap ka lang ng kasagutan sa iyong nararamdamang sakit, ngunit ako’y nakatitiyak na walang kinalaman ang pagtapik sa iyo ng Badjao. Pero kung sinabi mong hinambalos ka o tinadyakan ka ng Badjao, ay ibang usapan na iyon, at maaaring mo siyang paratangan na sanhi ng iyong sakit sa balakang.

Hanggang dito na lamang po muli, at salamat sa patuloy ninyong pagtangkilik.

Sakit sa Balakang: Final Answer

Mula nang aking isulat ang “Question and Answer: Sakit sa Balakang” bilang katugunan sa tanong ng isang reader, ay naging isa ito sa pinakamabenta na entry sa aking blog. Laging mahigit sa isang daan visitors ang sumisilip nito araw-araw.

Mahigit sa dalawampu’t pitong libo (27,000) na ang bumasa ng artikulong ito mula nang aking iakda ito noong Septyembre 29, 2016. Meron na ring mahigit kumulang isang daan (100) na readers ang sumulat sa akin ng katanungan na may kinalaman sa sakit sa likod at balakang simula rin noon.

Base sa mga bilang na ito, ay aking napag-alaman na marami pa ring mga tao ang naliligaw sa aking munting blog. Hindi pa rin naman nilalangaw at may sumusubaybay pa ring mga mambabasa. Marami pong salamat sa patuloy ninyong pagtangkilik.

Akin ring natuklasan na napakarami palang mga Pilipino ang may sakit sa balakang. Bakit kaya? Ano bang pinagkakaabalahan nating mga Pilipino at marami ang may sakit sa balakang?

Sa mga sumulat at nagtanong, wala namang nagsabi na sila ay nagtatanim ng palay. Alam kong maaring sanhi ng sakit sa likod at balakang ang pagtatanim ng palay. Ika nga ng ating folk song:

Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko,

Di naman makaupo, ‘di nama makatayo.

Sa lahat ng mga sumulat at nagtanong, ay akin naman po itong sinikap na sagutin sa abot ng aking makakaya, kahit halos magkakatulad naman ang inyong mga katanungan. Siguro kung talagang sumingil ako ng 5 choc-nut sa lahat ng nagtanong, tulad ng aking binaggit sa aking artikulo, ay marahil may ‘sangkatutak na garapon na ako ng choc-nut ngayon.

Ngunit hindi po ito tungkol sa choc-nut, o anumang bayad na aking sinisingil sa mga nagtatanong at kumukunsulta.

Akin pong inilathala ang artikulong “Question and Answer: Sakit sa Balakang” upang magbigay ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa sakit na ito. Hindi ko po intensiyon na mag-diagnose ng indibiduwal na sakit ng isang tao, at lalong hindi ko po intensiyon na magbigay lunas sa indibiduwal na tao.

Isa pa, sa aking tingin, ay hindi po ligtas na magbigay ako ng espisipikong opinyon o diagnosis sa isang taong may sakit, lalo na’t hindi ko alam ang buong salaysay ng mga pangyayari, at hindi ko rin naman nakita o na-examen ang pasyente.  Sa halip na makatulong ay maari ko pa kayong mailigaw ng daan.

Dahil po rito, ay hindi ko na po masasagot ang mga magtatanong tungkol sa kanilang espisipikong sakit, o kung ano ang kanilang iniinda, o kung ano ang espisipikong gamot sa inyong sakit. Huwag naman sana ninyong ikagalit kung hindi ko na po sasagutin ang iyong mga tanong. Kahit pa isang buwang supply ng choc-nut po ang ialok ninyo sa akin.

Ang pinamabuting payo kong maibibigay sa inyo sa ngayon ay matapos ninyong basahin ang artikulong “Sakit sa Balakang” at kayo ay mayroong sakit na iniinda, ay magpatingin po kayo sa inyong lokal na duktor, at sila ang magda-diagnose at gagamot sa inyo. Sana po ay inyong maunawaan ang mungkahi kong ito sa inyo.

Maraming salamat po.

*********

PS. Sa mga nagtatanong din kung paano gumawa ng gayuma o ng anting-anting, o kung paano mang-kulam o labanan ang kulam, ay huwag na ninyo akong gambalain pa at hindi ko naman kayo matutulungan tungkol diyan.