Sakit sa Balakang, Sambong, at Badjao

Isa sa pinaka-mabentang artikulong inilathala ko sa blog na ito ay ang “Question and Answer: Sakit sa Balakang” (posted Sept 2016). Hanggang ngayon ay mahigit sa 100 tao kada araw pa rin ang sumisilip sa artikulong ito. Marami talaga yatang may masakit na balakang sa ating mga Pilipino. Bakit kaya?

Dahil marami pa rin ang nagtatanong tungkol sa sakit sa balakang, at dahil halos magkakatulad naman ang mga katanungan ay tumigil na po akong sagutin ito ng isa-isa. Pero naglathala naman ako ng aking pang-finale na sagot, “Sakit sa Balakang: Final Answer” (posted Aug 2018).

May natatanggap pa rin akong mga tanong sa sakit sa balakang hanggang sa ngayon, pero dedma na lang po ako. Pero noong nakaraang ilang linggo ay may nagtanong na hindi ko yata kayang palampasin lang, dahil maraming anggulo ito. Kaya’t heto na naman ako, sasagot muli sa isang katanungan.

Ito ang tanong ni Rowena (last name witheld).

Good day po.

Dati po bewang ang medyo masakit na parang ngalay sa akin ng mga nakakaraang araw. After ilang days sumakit po balakang ko sa bandang kaliwa lalo na pag nahakbang ang kaliwa kong paa. Nag pa-check up po ako at may UTI daw po ako. Niresetahan ako ng antibiotic at sambong. Pero kinagabihan lalo tumindi ang sakit.

At bago po nangyari ang lahat, meron po kasing nanghihingi ng limos na babaeng Badjao na may dalang bata. Hindi ko po s’ya nabigyan dahil wala akong barya. Para po siyang nagalit. Bago umalis tinapik po niya ako sa kaliwang bahagi ng balakang.

Nalilito na po ako at nahihirapan. Kaya po nag-search ako at baka may makatulong sa akin. Maraming salamat po.

Dear Rowena,

Sa iyong pagpapahayag ng iyong sintomas, sa aking tingin ay may kinalaman sa galugod (spine) ang dahilan ng iyong sakit sa balakang. Lalo na kapag gumagapang ang sakit sa hita at paa, at kung tumitindi ito kapag naglalakad. Maaring naiiipit ang ugat (nerve root) sa galugod kaya’t sumasakit at parang nangangalay.

Paki-basa na lang ng buo iyong artikulo kong Question and Answer: Sakit sa Balakang para sa mas kumpletong paliwanag at iba pang sanhi ng sakit sa balakang.

Kung ito ay UTI o kaya’y bato sa pantog o daanan ng ihi, maaring makaranas din ng matinding sakit, ngunit ang sakit ay hindi dapat gumagapang hanggang paa. Kung may iba pang gumagapang o nang-gagapang sa iyong hita, eh baka pulis na ang iyong kailangan.

Hindi ako pamilyar sa sambong, kaya’t ni-research ko pa kung ano ito. Ito ang aking napag-alaman tungkol sa sambong:

Ang sambong ay isang mabangong halaman. Ang scientific name nito ay “Blumea balsamifera” o “Blumea camphor.” Ito ay may medicinal properties. Isa rito ay ang diuretic effect – ito iyong nagdudulot ng pagpapaihi. Maari itong makatulong sa UTI o kaya para mailabas ang bato sa daanan ng ihi.

Dahil ang sambong ay mayroong methanolic compounds, ito ay nakakatulong din sa ubo at sipon. Ito rin ay may antibiotic properties dahil ito ay naglalaman ng cyptomeridiol at ichthyotherol acetate. Hindi naman siguro dahil sa sambong kaya’t lalong tumindi ang sakit ng iyong balakang, maliban na lang kung tumungga ka ng balde baldeng tsaa ng sambong ay maari itong makasikmura.

Tungkol naman sa mga Badjao, sila ay isa sa mga diskriminadong katutubong lahi ng tao. Sila ay kilala na “Gypsies of the Sea,” dahil sila ay nakatira sa mga kubo sa dalampasigan o kaya’y sa mga bangka na matatagpuan sa Sulu Sea. Ang kanilang kabuhayan ay ang pangingisda o pagsisid sa mga perlas.

Dahil sa digmaan, politikal na mga isyu, diskriminasyon, at komersyalisasyon ng pangingisda, sila ay natataboy sa kanilang tahanan sa karagatan. Marami sa kanila ay umaalis sa kanilang tradisyonal na lugar at nakikipagsapalaran sa mga barrio at lungsod.

Photo of a Badjao girl that went viral (image from Rappler)

Alam kong may mga Badjao na gumagala-gala sa mga siyudad at humihingi ng limos. Hindi ko alam kung ginagamit pa sila ng mga sindikato. Ngunit huwag naman po sana natin silang paratangan na mayroon silang dalang sumpa o kulam sa mga taong hindi sila napagbigyan, o mga taong hindi nila nagugustuhan.

Una sa lahat, hindi po ako naniniwala sa sumpa ng Badjao. Pangalawa, hindi na nga natin sila matulungan, napag-iisipan pa natin sila ng masama at inaakusahan na nais nila tayong saktan.

Rowena, alam kong naghahanap ka lang ng kasagutan sa iyong nararamdamang sakit, ngunit ako’y nakatitiyak na walang kinalaman ang pagtapik sa iyo ng Badjao. Pero kung sinabi mong hinambalos ka o tinadyakan ka ng Badjao, ay ibang usapan na iyon, at maaaring mo siyang paratangan na sanhi ng iyong sakit sa balakang.

Hanggang dito na lamang po muli, at salamat sa patuloy ninyong pagtangkilik.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s